Kabanata 13

44 3 1
                                    


NAGSISIMULA
na namang maglakbay ang kamalayan ko papunta sa malalagim na pangyayari at wala akong ibang magawa kundi ang sumunod dahil wala sa akin ang control. Kalat na ang dilim sa buong paligid at bilang lang ang mga bituing nasa kalangitan. Hawak ko ang kamay ni papa at masaya naming pinagkukuwentuhan ang balak naming pamamasiyal sa susunod na linggo habang pauwi sa amin kung saan naghihintay si mama.

Nang mapadaan kami sa tapat ng construction site, kakatwa na bigla na lamang nahulog ang isang mahaba at matabang bakal mula sa tower crane at bumulusok papunta sa amin. Gilalas akong napatingala, tila ninakawan ng kakayahan na makagalaw. Humigpit ang hawak ko sa kamay ni papa na nanigas na rin sa kinatatayuan niya. Umalingawngaw sa buong paligid ang napakalakas na tunog ng pagbagsak at sigaw.

"Papa!" Humahangos akong bumangon at nadama ang pamamasa ng gilid ng mga mata ko. Umiiyak ako.

Ang pangyayaring iyon ang hindi ko pa rin lubos na maunawaan hanggang ngayon. Alam kong katabi ko si papa, hawak ko pa nga ang kamay niya, pero paano nangyaring isang metro na ang layo ko sa kaniya nang tuluyang bumagsak ang bakal na tumapos sa buhay niya? Matagal na akong hindi dinadalaw ng bangungot na iyon. At ngayong nagpakita ulit iyon sa akin, hindi ko napigilan ang sarili ko na umiyak na parang bata.

Ilang taon na ang nakalilipas, labing-isa? Ngunit sa tuwing bumabalik ako sa pangyayaring iyon, kaparehong lebel pa rin ng sakit ang nararamdaman ko. Walang nagbago. Siguro in denial lang ako na isa rin iyon sa rason kung bakit ako napapayag ni mama—gusto kong takasan ang nakamamatay na sakit. Pero ang panaginip na ito ay isang paalala—hanggang kailan? Hanggang kailan ko tatakbuhan ang mga bagay na hindi ko kayang harapin?

Ilang minuto ang kinailangan para mabuo ko ulit ang sarili ko. Pinunasan ko ang naglalawa kong mukha at kinuha ang isang bag saka ipinasok doon ang ilang piraso ng damit. Siguro ngayon na. Yumuko ako at dinukot ang garapon sa ilalim ng higaan ko kung saan ko inilalagay ang perang iniipon ko. Sandali ko iyong binilang at ng makitang sapat na, hinanap ko ang jacket at bonnet ko bago lumabas ng kuwarto.

Gumawa rin ako ng sulat para kay mama na inipit ko sa ilalim ng picture frame namin sa sala. Hindi na ako naligo. Hindi ko problema ang init dahil makulimlim na naman ang langit, tila bubuhos ang ulan, na huwag naman sana. Tama na ang ganitong pahanon. Hindi mainit at hindi rin basa. Sumakay ako ng tricycle na naghatid sa akin sa terminal ng mga sasakiyan na dadaan sa airport. Pasakay pa lang ako ng bus ng unahan ako ni . . . "Lothaire?" nagtataka kong sambit sa pangalan niya.

Pero hindi niya ako pinansin. Dire-diretso lang siya hanggang sa dulo na paborito kong puwestuhan. Sumunod ako. Hindi ko naman iyon isusuko dahil lang sa kaniya.

"Ano ang ginagawa mo rito?" tanong ko.

"Ano sa tingin mo?" Ni hindi man lang siya nag-abalang tignan ako.

Kahapon naging mabait siya at ngayon naman ay ito. Ano ang susunod? At higit sa lahat, "Ano ang dahilan mo?" pagsasatinig ko sa iniisip ko. "Bakit mo ako sinusundan?"

Sandali niya lang akong sinulyapan bago ipinikit ang mga mata. "Ginagawa ko?"

Itinulak ko siya nang malakas para sana mahulog siya sa kinauupuan niya pero ni hindi man lang siya gumalaw. Para akong nagtulak ng pader; masiyadong matigas at matibay. Nakakangarag ang pakikipagtalo sa isang walang kuwentang kausap. Ikinabit ko sa tenga ko ang earphone at isinandal ang ulo sa glass window. Isinara ko ang mga mata ko at dinama ang kanta ng Paramore na All I Wanted, ang pinakapaborito ko sa lahat ng na-release nila.

JanjiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon