Kabanata 11

39 3 2
                                    


HINAYAAN kong nakabukas ang TV kahit hindi naman ako nanonood. Prente akong nakaupo sa sofa habang nakapatong sa kabilang upuan ang binti ko. Nasa harap ko ang bukas na chips at baso ng juice na kanina ko pa kinakain at iniinom dahil wala akong ibang gustong gawin ngayon.

Palipat-lipat din ang tingin ko sa screen, sa wall clock at bintana. Alas-sais y media na at lumubog na ang araw pero hindi pa rin nakakauwi si mama. Ang pag-uwi ng lagpas sa oras ay hindi niya gawain kaya naman hindi ko maiwasang mag-alala. Nang hindi na ako makatiis, kinuha ko ang jacket at bonnet ko saka lumabas ng bahay.

"Saan ka pupunta?" Muntik pa akong ma-out of balance dahil sa biglang pagsulpot ni Allennon sa gilid ko.

"Hahanapin ko si mama."

Patuloy siya sa pagsunod sa akin. "Saan? Puwede kitang samahan at tulungan."

"Sa pabrika ng mga Aumatage." Iyon ang unang lugar na gusto kong puntahan dahil doon siya pumapasok. Saan pa ba ako dapat na unang maghanap?

Huminto siya dahilan para tapunan ko siya ng tingin. "Ganoon ba. Hindi na pala kita masasamahan."

"Umiiwas ka sa kanila," saad ko. Na halata naman.

Nagpakawala siya nang mahinang tawa. "Tama, umiiwas nga ako sa kanila. Kami at ang mga Aumatage na naroon ay may hindi magandang relasiyon. Hindi pa ako handang makaharap sila ulit. Sa palagay ko ay hindi pa ito ang tamang oras."

Hindi na ako nagtanong ng iba pang detalye. Pero nahuhulaan kong si Lothaire ang nanguna. Ang pangit ng ugali niya e. Paatras na lumayo sa akin si Allennon habang malawak ang ngiting kumakaway. Hindi ako gumanti. Inignora ko lang siya at patuloy na naglakad. Kahit nakakairita ang bigla-bigla niyang pagsulpot, hindi ko maitatatwa ang katotohanan na kahit papaano ay nasasanay na rin ako sa kaniya.

Pagdating ko sa tapat ng malaking pabrika, nadatnan kong palabas si Lothaire kasama ang isang matandang lalaki, na siguro ay siyang tinutukoy ni Joy noong ikuwento niya sa akin ang tungkol sa pag-aalok ng trabaho kay mama. Lumapit siya sa akin pero hindi na ako nag-abalang umiwas. Para saan?

"Sinisimulan mo na ang paghahanap ng sagot?" tanong niya.

"Ang mama ko ang hinahanap ko. Nasaan siya?"

Pero hindi siya sumagot. Nanatili lang siyang nakatingin sa akin hanggang sa lumabas si mama na nakikipagtawanan sa mga kasabay niya. Bahagiya siyang nagulat ng makita niya ako saka tumakbo palapit sa akin.

"Anak, ano ang ginagawa mo rito? Pasensiya na, nag-overtime kasi kami kaya hindi ako nakauwi nang maaga."

Binalingan ko si Lothaire na nang-uuyam na ang tingin ibinabato sa akin. Nanginig ang laman ko at gusto ko siyang saktan. Pero alam kong hindi ko puwedeng gawin iyon kaya humanap ako ng ibang paraan kung paano siya gagantihan.

"Chineck ko lang kung kumusta ka rito," pagdadahilan ko. "Siya nga pala, nabanggit sa akin ni Lothaire na triple raw ang ibabayad niya sa inyo para sa araw na ito."

Lumiwanag ang mukha ni mama na nasisiyahan sa narinig niya. At sino ang hindi? Si Lothaire.

"Talaga? Naku, maraming salamat, Ms Lothaire. Hulog talaga kayo ng langit!"

JanjiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon