Kabanata 6

71 7 1
                                    


AKALA ko ay roon na magtatagpos ang ugnayan ko kay Lothaire para sa araw na ito pero hanggang sa natapos ang second subject namin ay hindi siya maalis sa isip ko. Pakiramdam ko nakasunod pa rin sa akin ang matatalim niyang tingin. Pumikit ako at marahas na umiling sa pag-asang maaalog no'n ang utak ko at tatalsik palabas ng ulo ko ang hitsura ng huli pero wala iyong silbi, nahilo lang ako.

Nagsabi si Joy sa akin na mauuna siyang umuwi dahil may kailangan pa siyang daanan kaya naman dumaan ako sa library para makapagpahinga mula sa mga bagay na hindi naman sana nakakapagod pero nakakaubos ng lakas. Hindi ako nakapagbitbit ng libro kaya nanghiram na lang ako ng kahit anong puwedeng basahin. Pinuntahan ko ang Filipiniana Section at doon naghanap ng puwedeng mahiram.

Halos dalawang oras din ang inilaan ko roon bago nagdesisyong umalis. Bitbit ko sa bag ang uniform ko sa coffee shop kaya hindi ko na kailangang umuwi sa bahay at kuhain iyon. Bawas din sa pagod at kain ng oras. Palabas pa lang ako ng university ng matanaw ko si Allennon na nakatayo sa gilid, halatang may inaabangan—na malamang ay ako. Sino pa ba ang iba?

Nilampasan ko siya, pilit iniignora. Hindi ko nagugustuhan ang presensiya niya—pareho sila ni Lothaire. Masiyadong mabigat ang hatid nilang pakiramdam sa akin. Isa pa, naaasiwa ako sa kaniya dahil sa gabi-gabi ko siyang nakikita sa panaginip ko na inaabutan ako ng bulaklak. Walang kaso sa akin ang pagbibigay niya ng bulaklak. Siya mismo ang problema.

"Hi, Rhealle." Nakabungisngis siyang sumusunod sa akin. "Kumusta ang eskuwela?"

"Ano ba ang ginagawa mo rito?" Sinasadiya kong iparamdam sa kaniya na hindi ko kinagigiliwan ang presensiya niya.

"Hinihintay kita. Gusto kasi kitang makita."

"Hindi kita gustong makita," prangka kong sabi.

Walang dahilan para magpaligoy-ligoy. Hindi na ako nag-abalang tignan ang ekspresiyon niya. Ayaw kong makonsensiya.

"Siya nga pala, may pasok ka sa trabaho, hindi ba? Sasamahan na lang kita hanggang doon."

"Pupusta ako ng isang daan na si Joy ang nagsabi sa iyo."

Ano pa nga ba? Kung ang tirahan nga namin sinabi niya kung saan e.

"Ang totoo niyan, noong nakita kita sa coffee shop, nahulaan ko ng papasok ka roon bilang part-timer. Kinumpirma lang ni Joy." Hindi ako nakasagot. "Fifty na lang ang ibigay mo sa akin dahil tama naman ang kalahati ng sinabi mo. May partisipasiyon pa rin naman si Joy." Tumawa siya.

Hindi ko na siya pinansin. Mas binilisan ko ang paglalakad pero patuloy pa rin siya sa pagsunod.

"Napanood mo ba iyong balita kagabi? Grabe iyon. Hindi ko maiwasang kilabutan," aniya.

Naalala ko ang usapan ng mga janitress sa CR pati na ang sinabi ni Timo.

"Hindi. Pero narinig ko iyong dalawang empleyado sa school na pinag-uusapan iyon. Binanggit din sa akin ni Timo," simpleng sagot ko.

"Timo?" nangingilalang tanong niya.

"Hindi naman kailangan na makilala mo siya."

"Mali ka. Lahat ng bagay tungkol sa iyo ay dapat na malaman ko." Napatingin ako sa kaniya. Tumawa siya at binawi iyon. "Pasensiya na. Sobrang interisado lang talaga ako sa iyo."

JanjiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon