Kabanata 8

51 4 0
                                    


NAKATAYO
ako sa gitna ng kawalan, walang ibang makita kundi kadiliman. Naririnig ko ang paisa-isang patak ng tubig, malinaw at umaalingawngaw. Rhealle . . . Hinanap ko ang pinanggalingan ng bulong pero bigo akong makatagpo ng kahit ano. Nakiramdam ako. Rhealle . . . Dahan-dahan, inihakbang ko ang mga paa ko paabante na lumikha ng malalaking bilog sa tubig kung saan ako nakaapak.

May natanaw akong napakaliit na liwanag. Habang patuloy ako sa paglalakad ay lumalaki nang lumalaki iyon. Huminto ako ng marating ko ang bunganga ng . . . kuweba? Masiyadong maliwanag sa labas, nakakasilaw. Gusto kong bumalik sa loob at magkulong sa malamig na dilim pero walang tigil ang mga boses na nanggagaling sa labas sa pagtawag sa pangalan ko.

Isang hakbang. Dalawa. Tuluyan akong lumabas at binalot ng nakakabulag na ilaw. Nagising ako. Iginala ko ang mga mata ko at napagtantong nasa loob ako ng isang kuwarto na puro puti ang pintura—na malamang hospital room kung pagbabasehan ang suot ko at mga aparatong nasa paligid. Inangat ko ang kamay kong pinagkakabitan ng dextrose at kinapa ang nasal cannula oxygen na nasa ilong ko.

Ngumuyngoy ako at sinubukang tumayo, pero napapitlag din ako ng maramdaman ko ang humihiwang sakit sa buong katawan ko. Sagad hanggang bungo ang pagkirot ng ulo ko na parang mabibiyak. Pumipintig din ang tingin ko na sinabayan pa ng pagkahilo. Mariin kong ipinikit ang mga mata ko saka mahinang umungol.

"Rhealle, gising ka na!" boses iyon ni Joy.

Sira ang ekspresiyon kong bumaling sa kanila. Hindi ko man lang napansin na may kasama pala ako rito. Lumapit sa akin si Timo at pinagsalikop ang kamay.

"Ano ba ang nangyari?" tanong ko sa kanila.

"Kami ang dapat magtanong niyan," sagot ni Joy. "Ano ba ang nangyari?"

Sinubukan kong alalahanin ang gabi na inatake ako pero parang binabarena ang pakiramdam ko kaya tinigil ko. Bumuntong-hininga ako at itinaas ang isang kamay para sabihin sa kanilang hindi ko kayang mag-isip ng kahit ano ngayon. Nang sumunod na dalawang araw, mas maayos na ang pakiramdam ko kumpara noong una akong magising. Wala na ang pagkahilo at kirot ng ulo pero masakit pa rin ang buong katawan ko, lalo na ang mga binti.

Nakaupo ako sa hospital bed at kinakain ang ubas na nakalagay sa malalim na mangkok ng dumating sina Timo at Joy na may bitbit na namang prutas. Inalapag nila iyon kahilera ng iba saka ako nilapitan.

"Ano ang ginagawa ninyo rito? May pasok ngayon, hindi ba?" tanong ko sa kanila.

"Wala tayong prof, may faculty meeting daw. Ito namang si Timo, um-absent kasi gusto raw sumama." Binalingan ni Joy si Timo.

"Napakagaling mo talaga," sabi ko pero tinawanan niya lang ako.

"Oo nga pala, tinatanong din ni Allennon kung nagising ka na ba." Nagsalubong ang kilay ko dahil sa sinabi ni Joy.

"Alam niya?"

"Well, alam ng lahat. Ikaw ang laman ng balita sa buong barangay."

Frustrated kong inilapag ang hawak ko sa side table at pabagsak na inihiga ang sarili dahil sa inis. Kahit kailan hindi ko gustong nagiging laman ng kuwentuhan ng ibang tao. Mabuti man ang topic o hindi. Pinikit ko ang mga mata ko at paulit-ulit na huminga nang malalim, sinusubukang pakalmahin ang sarili.

JanjiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon