HINDI pa man ako nakalalapit sa gate ng university ay natanaw ko na roon si Allennon na nag-aabang. Ayaw ko muna siyang makausap, o ang kahit sino, pero wala akong ibang daraanan bukod sa kinatatayuan niya. Sinubukan ko siyang ignorahin pero matikas talaga siya at hinarang ako."Kumusta? Mukhang hindi maganda ang araw mo ngayon," pansin niya.
"Oo, kaya huwag mong sirain lalo," matabang kong sagot.
"Nagpunta ako rito kasi gusto kitang makita. At kung napapansin mo, madalas akong nandito. Ibig sabihin—"
"Hindi kita gustong makita ngayon, bukas, at magpakailanman," nanggagalaiti kong putol sa sinasabi niya.
Nawala ang tuwa sa mukha niya. Hindi ko naman intensiyon iyon, dala lang ng inis, pero wala na akong balak na bawiin pa ang sinabi ko. Bahala na siya kung paano niya iyon tatanggapin. Kung lalayo siya, edi lumayo siya. Mas mabuti nga ang ganoon para wala ng nanggugulo sa akin.
"Mediyo masakit iyon," alangan siyang tumawa.
"Alam ko. Titigilan mo na ba ako?"
Umiling siya. "Hindi pa rin. Hinding-hindi. Kahit ano ang sabihin mo, hindi ako lalayo sa iyo. Palagi akong nandito, Rhealle. Sa likod mo, sa harap, sa gilid, kahit saan. Palagi."
Ngumuwi ako. "C.A.C. Corny and creepy," tanging nasabi ko na ikinatawa niya.
Magaan sa mata siyang panoorin. Makulit siya at mukhang magaslaw pero ang graceful niyang tumawa. Nanginginang din sa araw ang kulay mais niyang buhok na palaging nakalugay. Bahagiyang humupa ang inis ko habang pinagmamasdan ko siya.
"Ngumiti ka. Ibig sabihin ba no'n ay napaganda ko kahit papaano ang araw mo?"
Binawi ko ang ngiti ko. "Asa ka naman. Sinabi ko sa iyong hindi kita gustong makita."
Abot mata pa rin ang ngiti sa mukha niya. "Sige, susubukan kong papaniwalain ang sarili ko riyan."
"Mabuti."
Paatras siyang lumayo sa akin at kumaway. "Sa susunod ulit." Hindi ako sumagot. Nang bahagiya siyang makalayo, sumigaw siya, "Walang 'umaasa ako na wala ng susunod?!'" Bilang sagot, itinaas ko lang ang kaliwang kamay ko saka siya tinalikuran.
Sa loob ng university, ang gumaan kong mood ay nawala at napalitan na naman ng pagkainis ng makita ko si Lothaire na naglalakad papunta sa building ng HUMMS. Dahil mahahaba ang hita, kinailangan ko pang tumakbo para lang maabutan siya at makaagapay sa kaniya. Tumigil naman siya sa paglalakad ng mapansin niya ang ginagawa kong pagsunod. Mabuti naman para hindi ako ang kailangan na unang magsalita.
"Ano ang ginagawa mo?" mariin niyang tanong habang salubong ang kilay na nakatingin sa akin, mukhang galit.
Pero wala akong pakialam kung galit siya. Mas matindi ang inis na nararamdaman ko sa kaniya. "Kailangan mong sagutin ang mga itatanong ko sa iyo," pagde-demand ko.
Magdamag niya akong hindi pinatulog kaya may karapatan akong gawin sa kaniya ang ginagawa ko ngayon. Bahaw siyang tumawa at napalitan ng pang-uuyam ang tinging ipinupukol niya sa akin. Lalo akong nakaramdam ng pagkabanas. Kung tignan niya ako para bang isa akong kainsu-insultong insekto na gumagapang sa harap niya na kayang-kaya niyang apakan anomang oras.
BINABASA MO ANG
Janji
ParanormalSa mundong binabalot ng mga lihim at panlilinlang, sino ang dapat pagkatiwalaan? -- Si Rhealle ay hindi naniniwala sa mga bagay na mahiwaga. Para sa kaniya, ang mga tulad no'n ay produkto lamang ng malikot na imahinasiyon ng mga tao; ang mga kakaiba...