HAWAK ko ang sentido ko at marahan iyong hinihilot. Mediyo masakit ang ulo ko, malamang epekto ng pagiging gising buong magdamag. Lumalamig na ang kape sa harap ko pero hindi ko pa rin iyon ginagalaw. Gusto ko sanang matulog ulit pero alam kong hindi ko puwedeng gawin iyon lalo na kung ayaw kong mahuli na naman sa klase.Tinignan ko ang oras. Malapit ng mag-alas siyete. Dinampot ko ang tasa at ininom ang laman no'n sa paraang kung paano ako umiinom ng tubig—isang lagukan lang. Wala si mama dahil abala na naman siya sa paghahanap ng bagong trabaho kaya mag-isa na naman akong nag-aalmusal. Kung almusal man itong matatawag.
Kinabukasan noong sabihin niya sa aking kasama siya sa mga tinanggal, hindi na siya napirmi sa bahay para humanap ng bagong papasukan.
Pagbukas ko ng pinto para sana umalis na, binungaran ako ng mga patak ng ambon. Tinignan ko ang lagayan namin ng payong sa gilid pero wala iyong laman. Bumalik ako sa kuwarto ko para kuhain ang jacket at bonnet na mabilisan kong isinuot. Nakapamulsa akong naglakad, halos tumakbo na.
Kung hindi ko gustong mabasa nang husto, kailangan kong makarating sa eskuwelahan bago lumakas ang ulan. Hindi ko problema ang sasakiyan dahil walking distance lang ang layo ng bahay namin mula sa pinapasukan ko pero kailangan ko talagang magmadali ngayon.
Pero ang lahat ng pagmamadali na ginagawa ko ay nabali ng mabuhay na naman sa loob ko ang pakiramdam na may nagmamasid sa akin. Napahinto ako at luminga-linga, hindi alintana ang mga patak ng ulan na bumabasa sa akin. Ito na naman. Wala na naman akong makita na kahit ano bukod sa payat at matandang puno na nakakalbo na at kayang patumbahin ng isang malakas na sampal mula sa hangin.
Napatalon ako ng may bumusina sa harap ko—isang kotse at galit na galit na ang driver habang nakadungaw sa kaniyang nakabukas na windshield.
"Huwag kang humarang sa daan! Kung gusto mong magpakamatay huwag kang mandamay!"
Nalukot ang mukha ko at napalitan ng inis ang takot na kanina lang ay nararamdaman ko. "Huwag mo akong sigawan!"
Lumalakas na ang ambon at ganoon din ang inis ko. Alam kong mali ako dahil nakatayo na ako sa halos gitna ng kalsada ng hindi ko namamalayan dahil sa nakakabuwisit na pakiramdam na pinapanood ako, pero hindi niya ako kailangang sigawan! Ang kapal naman ng mukha niya. Si mama nga hindi iyon ginagawa sa akin tapos siyang hindi ko kakilala ang maglalakas-loob?
Umalis na ang sasakiyan, na mabuti, at ipinagpatuloy ko na ang paglalakad ng may kung sino ang nagpayong sa akin. Nagsalubong ang kilay ko ng makita ko si Allennon na malawak ang ngiti sa akin. Sa kabila ng kalamlaman ng liwanag, nanginginang ang hazel niyang mga mata.
"Bakit nagpapaulan ka? Baka magkasakit ka niyan," magaan ang tinig niyang sabi.
Hindi ako nakasagot agad. Pakiramdam ko dinadala niya ang boses ko patungo sa kaparangan na puno ng mga puting bulaklak. Naisip kong tanungin siya kung bakit siya nasa panaginip ko pero hindi ko gagawin iyon dahil baka isipin niyang pinagpapantasiyahan ko siya kahit hindi ko pa naman siya kilala noong una.
"Paano mo nalaman na rito ako nakatira?" tanong ko, binale-wala ang sinabi niya.
Marahan siyang tumawa. Sa sobrang tamis, nakakangilo ng pakinggan. "May aaminin ako sa iyong isang bagay." Hindi ako nagsalita. "Ang totoo niyan, na-hook ako sa iyo kaya tinanong ko si Joy kung saan ka nakatira."
"Baliw ka," walang habas kong pahayag.
Inilapit niya ang bibig niya sa tenga ko. "Binabaliw mo ako."

BINABASA MO ANG
Janji
ParanormalSa mundong binabalot ng mga lihim at panlilinlang, sino ang dapat pagkatiwalaan? -- Si Rhealle ay hindi naniniwala sa mga bagay na mahiwaga. Para sa kaniya, ang mga tulad no'n ay produkto lamang ng malikot na imahinasiyon ng mga tao; ang mga kakaiba...