Kabanata 31

30 3 0
                                    


TAPOS na akong magbihis at hinihintay ko na lang ang chat ni Anne na nakarating na sila sa lugar na napag-usapan bago umalis. Walang tao sa bahay bukod sa akin dahil umalis si mama, na hindi ko na inalam kung saan papunta. Mayamaya ay dumating na ang hinihintay ko. Pagdating ko sa park, naroon na silang lahat at ako na lang ang kulang. Hinati ni Anne ang survey papers at binigyan kami ng pantay na bilang.

"Dito na lang din tayo magkita mamaya pagkatapos," aniya na sinang-ayunan naman ng lahat.

Nang may makita akong dalawang kabataan na nakaupo at nagkukuwentuhan, nagkaroon ako ng lakas ng loob na makisingit at pakiusapan silang sagutan ang survey namin. Pumayag naman sila. Patuloy ang ginawa kong pag-iikot hanggang sa maghapon at maubos ang hawak ko. Pagbalik ko sa tagpuan, nandoon na ang iba maliban kay Fiona na inabot pa ng gabi bago natapos.

Panay ang reklamo nila na napagod sila pero sige rin ang tawa dahil sa wakas ay tapos na ang pagsu-survey. Gusto ko ring makisali sa kasiyahan nila pero bukod sa hindi ko naman sila kasundo, wala rin ako sa kondisyon. Nagsabi akong hihiwalay na ako sa kanila ng daan at pumayag naman sila.

Pumasok ako sa convenience store para bumili ng ice cream. Madilim na sa labas pero masiyadong maliwanag sa loob; malamig din dahil sa aircon at merongmahinang tugtog na nakadagdag para maging mas ka-relax-relax ang paligid kahit papaano. Nang tumugtog ang All I Wanted ng Paramore, hindi ko pinigilan ang sarili ko na sumabay.

Sa kung anong dahilan, nanumbalik sa akin ang eksena kung saan katabi ko si Lothaire sa bus noong bumiyahe ako papuntang Manila at ng ihatid niya ako pauwi—mga panahon na hindi pa kasinggulo ng ngayon ang lahat. Ang sarap bumalik sa nakaraan at huwag ng umabante kung ganito rin pala na klase ng situwasiyon ang sasalubong sa akin.

Pero wala akong magagawa. Ang hinaharap ay hindi maiiwasan kaya wala akong ibang pamimilian kundi ang harapin iyon at manatiling matatag kahit ano pa ang iharang at ibato sa akin ng buhay.

Halos kalahating minuto ang hinayaan kong dumaan bago ako nagdesisyong umalis at daanan ang mga lugar na hindi ko madalas pinupuntahan para lang magliwaliw. Nang madaanan ko ang palaruan ng mga bata, huminto ako at naupo sa bakanteng duyan. Halos wala akong makitang bituin pero maliwanag at bilog ang buwan.

Marahan akong nag-swing. Gusto kong mapag-isa pero kahit papaano ay may bahagi akong umaasa na sana ay may dumating na isang tao para makakuwentuhan ko. Kahit hindi ko kilala basta ay may makausap lang ako. Pero wala.

Nagpakawala ako ng isang malalim na paghinga bago tumayo at nagpasiyang umuwi. Masiyado akong napalayo sa amin pero hindi ako nahirapang hanapin ang daan pabalik. Dahil hindi naman ganoon karami ang mga establismiyentong nakatayo sa paligid, hindi gaanong maliwanag ang daanan lalo pa at malamlam ang ilaw na hatid ng iilang streetlights.

Kung magpapakatotoo ako, aaminin ko na nakararamdam ako ng takot. Sa bawat hakbang ng mga paa ko, panay ang takbo ng isip ko pabalik sa gabing inatake ako. Paano kung biglang may sumulpot mula sa kung saan at saktan na naman ako? Paano kung may nag-aabang na naman pala sa akin na hindi maganda? Dinagdagan ng mga isipin na iyon ang lamig na nararamdaman ko ngayon.

Napahalukipkip ako. Alam kong nakalayo na ako sa pinanggalingan ko pero pakiramdam ko napakalayo pa rin ng kailangan kong baybayin para makarating sa bahay. Sa mga oras na ito, para bang naging napakabagal ng oras at napakahaba ng kalsada. Hindi gaanong matao kaya dapat hindi ako kabahan pero kakatwa na iyon mismo ang sanhi kung bakit hindi ako mapakali.

JanjiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon