🏰DARYLLE🏰
Tanghali na pero wala pa rin si Mama. Nahihiya na nga kami rito kay Tito kasi hindi namin alam kung ano'ng uulamin. Napilitan kaming um-order online, dahil wala talaga akong alam na uulamin. Hinahantay lang namin na dumating ang ulam habang tinatapos itong movie na pinapanood namin.
Ito na rin ang pinakalibre ko sa kanila, dahil nagkapera ako kahapon. Kaya lang, hindi ko naman ma-enjoy dahil ang dami kong iniisip. Tapos si Mama kanina pa hindi umuuwi, balak ko pa naman sanang manlibre. Bahala siya, kapag hindi pa siya umuwi hanggang mamaya siya na manlilibre bukas.
Nahinto kami dahil may nag-doorbell. Nai-pause muna namin ang movie para pagbuksan ang tao sa labas. Nakita ko si Mama na nakatayo sa gate. Kasunod non ay may dumating na motor kaya mukhang nagkasabay ang pagdating nila.
Saktong-sakto, si Mama ang magbabayad!
"Ano 'to? Um-order kayo?" tanong ni Mama nang iabot sa kaniya ng delivery man ang pagkain.
"Opo, nandito kasi si Tito, Ma." Tumango lang si Mama, bago bumunot at inabutan ang lalaki. Siya na rin ang nag-receive pero ako ang pinicture-an. Kailangan daw kasi 'yon.
"Kanina pa?" tanong ni Mama habang isinasara ang gate. Hinubad niya ang tsinelas niya at pinalitan ng pang-bahay.
"Medyo po," sagot ko at sumunod na sa kaniya. Nakaramdam ako ng gutom dahil naamoy ko ang ulam.
"Oh, kamusta?" Narinig kong sabi ni Tito. Napatayo pa siya nang makita si Mama. "Ayos ka lang ba?"
Napakurap ako, dahil wala namang masama sa tanong niya pero parang may ibang ibig sabihin. Hindi siya ganiyan magtanong kay Mama kapag nagkikita-kita kami. Pero sa tono nang pananalita niya, parang may nangyaring hindi maganda kaya siya ganiyan magtanong.
"Ayos lang ako, kumain na tayo para makauwi ka na't makapagpahinga."
Dumiretso na kami sa mesa at kumain. Tahimik lang kami, kumpara kanina na ang saya-saya namin habang nagkukuwentuhan. Para kasing namatayan si Mama, mukha siyang nabaon sa utang.
"Bakit gano'n si Mama?" tanong ko kay Ate habang naghuhugas siya. Nasa taas naman si Mama kaya okay lang na pag-usapan. Si Tito naman ay nakauwi na kani-kanina lang, kaya kami na lang dalawa ni Ate rito sa bahay.
"Napansin mo rin pala? Akala ko ako lang nakahalata na parang may problema siya."
"Sa tingin mo ano 'yon?"
"Ewan ko," aniya.
Kinakabahan ako, na baka may mabigat na kaming problema at ayaw niya lang sabihin. "Pera kaya?" Naisip ko lang na baka nabibigatan na si Mama sa amin, dahil ang lakas naming kumain at magbaon. Pareho kami ni Ateng malaki ang gastusan sa school.
"I think malabo, malaki naman ang sales natin last month. Stable din last week. Hindi naman tayo gumastos doon sa bakasyon. Hindi rin ako nanghingi ng allowance sa kaniya kasi binibigyan ako ni Tita."
Lalo akong napaisip. Kung pera kasi, parang malabo nga. 'Tsaka isang sabi lang ni Mama kay Tita magbibigay na 'yon. Hindi naman kasi 'yon madamot, lalo na sa kamag-anak.
Umakyat ako dahil narinig kong nagtatawag si Mama. Pinapaipon niya sa akin lahat ng labahan kasi may maglalaba bukas. Sinamsam ko lahat pati na rin 'yong sa akin at kay Ate. Inihiwalay na rin namin ang puti sa de kolor, pati na ang mga damit na hindi p'wedeng i-washing—handwash lang talaga.
BINABASA MO ANG
HIM & I [SEASON 3]
General FictionContinuation of Him & I STARTED: 05/22/21 COMPLETED: 07/09/22