Chapter 489: MARCO VS. SANTIAGO MADRIGAL 1

99 12 0
                                    

🏰MARCO🏰

Sobrang ganda ng gising ko, kasi excited na akong mag-lunes eh. Kung p'wede lang pagpalitin ang pagkakasunod ng mga araw gagawin ko talaga, para lang makalabas kaagad. Talagang buryong-buryo na kasi ako rito.

Kagaya ng naging usapan ay nandito kami ngayon sa Kampo. Maayos naman ang naging training namin dito, pero talagang 'pag nakikita ko si Madrigal umiinit talaga ang dugo ko. Partida, first time pa niya akong na-very good kanina pero hindi pa rin siya good shot sa akin. Ayaw ko talaga sa kaniya.

Kasalukuyan kaming nakaupo ni Ate para magpahinga. Medyo nakakapagod ang inaral namin ngayon. Tungkol 'yon sa self defense, kaya medyo matrabaho kasi nag-actual din kami. Kailangan naming matutunan ang bagay na 'yan, para kahit papaano ay alam namin kung paano ipagtatanggol ang sarili namin.

Kaming mga Bughaw ay mainit sa mata ng kahit na sino. Halimbawa na lang 'yong nangyari sa akin no'ng lumabas ako. Kung hindi ako tinulungan ng mga guwardiya, baka pinaglalamayan na ako ngayon.

Bigla ko tuloy naisip kung alam ba nila Lolo ang tungkol diyan. Baka mamaya kasi, biglang hindi na nila ako payagang lumabas. Baka mamaya, magbago ang isip nila.

Sana hindi...

Pero imposibleng hindi nila alam, marahil hindi lang nila binabanggit sa akin. Siguro ayaw na nila akong sitahin kasi baka lumayas na naman ako. Pakiramdam ko ganiyan ang rason, kasi makakarating at makakarating 'yon kina Papa.

"Ang ganda niya talaga. Sino kaya 'to?" Narinig kong sabi ni Ate habang nagso-scroll sa phone niya. Imbes na magpahinga o ikain talagang 'yan pa ang inatupag niya. Hindi na nagsawa-sawa sa kaka-cellphone.

"Ate?" tawag ko, wala naman ang ibang tao kaya ayos lang na tawagin ko siya nang ganiyan. Hindi man lang natinag. Magkatabi kami pero dahil abala sa ibang bagay eh hindi man lang ako nilingon.

Bahala siya diyan...

Tumayo ako at lumabas ng silid. Sumunod kaagad sa akin ang mga taga-bantay ko. "P'wede ba akong mapag-isa?" tanong ko sa kanila. "Ayaw ko sana nang may nakasunod."

"Paumanhin mahal na Prinsipe, ngunit alam mong hindi maari ang iyong hinihiling."

"Nandito naman tayo sa Kampo, puro guwardiya rin ang narito kaya ano'ng kinatatakot niyo?" Nagkatinginan sila na tila nagpapakiramdaman kung sino ang sasagot sa akin. "Diyan lang naman ako," tinuro ko ang kabilang building. 'Yan na lang ang hindi ko napupuntahan. Ang buong Kampo ay nalibot ko na, maliban nga lang diyan.

"Mahal na Prinsipe, paumanhin ngunit ang alam ko, hindi maaring pumasok diyan ang kung sino-sino lang."

"Nila-lang mo ba ako?" nakangiti kong tanong. Hindi ko intensiyon ang manggalit kaya pabiro ko 'yang sinabi. "Ikaw ah? Nakalimutan mo na yatang Prinsipe ako, nakakatampo."

"Hindi sa gano'n Prinsipe Marco, ang iniisip ko lamang ay ang kaligtasan mo."

"Kaligtasan?" Napatitig ako sa building. Maayos naman ito, pero marami nga lang talagang bantay kung ikukumpara sa ibang gusali rito. "Mukhang ligtas naman diyan. Marami namang bantay, malinis at maayos ang gusali, kaya sa aking palagay ay wala naman kayong dapat ipangamba." Nakangiti akong naglakad papunta roon.

Isa sa natutunan ko sa paglabas ay ang pagiging matapang kahit papaano. Natuto akong i-explore ang paligid ko at hindi makuntento sa kung ano lang ang nakikita ko. Hangga't maari, gusto kong mapuntahan ang lahat, para kung sakaling papanaw man ako ay wala akong pagsisisihan.

HIM & I [SEASON 3]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon