KABANATA 26: HAYANARÉ
SHIRA
"Aahh!!" Hindi ko mapigilan ang mapasigaw ng malakas, nang nasaksihan mismo ng dalawa kong mga mata ang isang kasindak-sindak na pangyayari na ngayon ko lamang nakita sa buong buhay ko.
Pakiramdam ko tila naestatwa ako sa aking kinatatayuan sa sobrang takot at pagkagulat. Hindi ko maihakbang ang aking mga paa sa sobrang takot. Sinubukan kong tumakbo papalayo sa lugar na 'to, ngunit ayaw gumalaw ng mga binti ko. Tila naging bahagi na ng lupa ang mga paa ko kaya hindi ko ito maigalaw.
Hindi ko inasahan na magiging ganito ang sitwasyon. Sa tingin ko talaga may balat ako sa puwet, dahil kahit saan ako pumunta palaging may kaakibat na kapahamakan at peligro ang nakasunod sa akin. Palaging may napapahamak at nasasaktan.
Ito ba ang aking kapalaran? Ang palaging masangkot sa kapahamakan?
Ngayon nakompirma ko na malas talaga ako sa buhay ng taong mahalaga sa akin. Lahat ng taong nalalapit sa akin ay napapahamak.
Hindi ko masikmurang panuorin ang walang awa niyang pagpaslang sa babaeng nakaligtas kanina mula sa pagsabog na nangyari. Nakita ko mismo ang pagdanak ng masaganang dugo mula sa katawan ng babae na walang buhay na ngayon, na nakahandusay sa lupa at magkahiwalay ang ulo mula sa katawan nito.
Hindi pa nakuntento si Hayanaré sa ginawa niyang kasamaan. Walang pagdadalawang-isip na tinapakan nito ang ulo ng bangkay at paulit-ulit pa itong tinapakan hanggang sa ito ay madurog at mapisa na tila isang piraso ng prutas. Mabilis na nagkalat sa lupa ang dugo at pira-pirasong utak nito. Halos bumaliktad ang sikmura ko sa ginawa niyang kademonyohan. Pakiramdam ko hihimatayin ako anumang oras.
Nag-umpisang manginig ang buong katawan ko sa takot. Kahila-hilakbot ang sinapit ng babae mula sa kamay ni Hayanaré. Nakakasindak ang senaryong nasaksihan ko mismo.
Napaluha ako sa takot at pagkakilabot, ngayon lang ako nakakita ng brutal at malademonyong pagpaslang sa isang tao. Napansin ko na pati ang mga kasamahan ng babae ay parehos ekspresyon ng mga mukha nila katulad ko. Takot at pagkasindak ang makikita sa kanilang mga mukha."Sena!" Umiiyak nilang sigaw sa pangalan ng babaeng nakahandusay sa lupa at wala ng buhay. Naririnig mula rito ang hinagpis ng mga kasamahan ng babaeng nabawian ng buhay mula sa kamay ni Hayanaré.
Wala silang nagawa dahil sa takot. Sa tingin ko ay hindi nila kakayanin ang lakas ni Hayanaré, lalo pa ngayon na tila nawala na siya mula sa kanyang tamang pag-iisip.
Tila isa na siyang halimaw, isang halimaw na mas nakakatakot at mapanganib kaysa goylem. Hindi ko naisip na may ganito pa lang tinatagong sekreto si Hayanaré. Ito pala ang sumpang sinasabi ni Busa. Isang sumpa na di nanaisin na maranasan ng Kahit na sino.
Naaawa ako kina Busa at Hayanaré, dahil sa dinami-dami ng taong puwedeng magkaroon ng sumpa na ito bakit ang pamilya pa nila?! Nawa'y alisin ni Bathalumang Vinea ang sumpa kay Hayanaré ng sa gayun ay maging malaya sila mula sa sumpa ni Zetur.
"Shira!" Nagtatakang ibinaling ko ang tingin sa kaliwa't kanan ngunit wala akong nakitang tao.
"Shira!"
Muli ko na naman narinig ang mahinang boses ni Busa na tumatawag ng pangalan ko. Pero para akong baliw na palinga-linga at walang may makitang kahit na sino sa paligid ko, maliban sa mga taong nagluluksa sa harapan ko. Pero sa tuwing napapadako ang tingin ko sa sa babaeng namatay, muling bumabalik sa isipan ko ang senaryo ng kanyang pagkamatay na hindi ko malilimutan. Isang senaryo na kahit sa aking pagtulog ay hindi ko makakalimutan.
"Shira!" Sa ikatlong pagkakataon, muli ko na naman narinig ang pagtawag sa akin ni Busa.
Nasaan na kaya si Busa? Sa ganitong sitwasyon pa talaga niya ako iiwan? Busa nasaan ka na? Bakit iniwan mo ko rito ng mag-isa?!
Pakiramdam ko minsan ay tila nakalutang ang utak ko at hindi mawala sa aking isipan ang karumaldumal na nangyari sa babaeng walang awa na pinaslang ni Hayanaré.
Dahil sa takot na maaaring baka ako ang susunod na magiging biktima ni Hayanaré, takot at kabado kong binaling ang atensyon sa paghahanap sa babaeng 'yon, ngunit wala akong nakitang Busa. Sa aking paghahanap kay Busa, maya-maya pa'y sa wakas ay nakita ko siya, nakita kong naglalakad ito papalapit sa akin. Humarang siya sa harapan ko.
Tinitigan ko siya ng diretso sa kanyang mga mata at napansin ko na tila may kakaiba sa uri titig nito, parang may gusto siyang ipahiwatig. Bigla siyang ngumiti ng matamis sa akin na labis kong ipinagtaka. Pakiramdam ko talaga, may nais ipinahihiwatig ang kanyang matamis na ngiti.
"Tumingin ka sa likuran mo," nakangiti niyang utos.
Hindi ko sinunod ang sinabi niya dahil nag-aalinlangan ako na marahil may gagawin siyang masamang bagay sa akin kapag tumalikod ako, na baka katulad din siya ng kanyang kapatid.
"Huwag kang matakot at mag-alinlangan sa akin Shira. Hindi kita sasaktan at lalong hindi kita pababayaan. Alam mo kung bakit..." embes na sagutin siya ay tumitig lang ako sa kanya ng tuwid. "Dahil kaibigan kita. At ang magkaibigan ay nagtutulungan," dugtong pa nito.
Bumuka ang bibig ko at pinilit kong magsalita ngunit tila walang kahit anumang tunog ang lumabas sa bibig ko. Gusto kong magsalita subalit hindi ko masabi.
Ibig ba niyang sabihin ay tinuturing niya ako bilang kanyang isang totoong kaibigan?!
"Huwag kang mag-alinlangan sa akin Shira. Tumingin ka lang sa likuran mo. Maniwala ka sa akin," mahinahon nitong saad.
Unti-unti akong tumalikod sa kanya at humarap sa aking likuran. At sa sandaling pagkaharap ko ay hindi inaasahang nilalang ang nakatayo sa harapan ko habang nakatingin sa akin ng malamig. Napaupo ako sa lupa at napatakip ng bibig dahil sa pagkagulat.
Hindi ko inasahan na nandito siya. Bakit nandito siya?! Anong ginagawa niya rito?! Paano siya napunta diyan?!
"Kita mo na? Sabi ko naman sayo na walang masamang mangyayari e," namilog ang aking mga mata sa nakita.
"P-paanong?" Hindi mahanap ng dila ko ang tamang sasabihin kaya nagkautal-utal ako sa pagsalita.
Hindi kapani-paniwala! Papaanong narito siya sa likod ko?! Niluluko ba ako ng aking paningin?!
"Paano napunta si Hayanaré sa likuran rito, kung nasa harapan natin siya kanina at karumaldumal na pinaslang ang babaeng iyon?!" wika ko sabay turo sa babaeng pinaslang ni Hayanaré.
"Ang lahat ng nasaksihan at nakita mo ay isang ilusyon lamang," nakangiti nitong tugon.
Nahulog ang panga ko sa gulat. Mas lalong nanlaki ang mga mata ko sa narinig na sagot mula kay Busa. Hindi ako makapaniwala sa nalaman. Ibig sabihin, isang ilusyon lamang ang nakita kong pagpaslang sa babaeng iyon?!
"Ano?! Ilusyon?!" gulat na gulat kong tanong rito.
Hindi ako makapaniwala! Isang ilusyon lang ang lahat?! Pero parang totoo lahat ng mga nakita ko!
Narinig ko ang mahinang tumawa si Busa sa naging reaksyon ko sa sinabi niya. "Tumayo ka na diyan at ipapaliwanag ko sayo lahat mamaya ang totoong nangyari. Pero sa ngayon ay umalis na muna tayo rito bago pa mawala ang bisa ng ilusyon na ginawa ni Naré, at kanina pa siya naiinip," aniya at inilahad ang kamay sa akin na agad ko namang tinanggap, at tumayo mula sa pagkakaupo sa lupa.
Haist!
Hindi ako makapaniwala na ang isang ilusyon lang palal ang lahat na aking nakita. Isang kapani-paniwalang ilusyon.
Hindi ko maiwasan ang mapabuga ng malalim na hininga. Ngayon ay nawala ang takot at pagkasindak sa aking dibdib, nakadama ako ng kaunting kaginhawaan sa aking puso't isipan.
Hayanaré. Nakakabilib ang iyong kapangyarihan. Kahanga-hanga ka. Napahanga mo ko dahil sa ilusyong ginawa mo na parang totoo. Parang gusto na yata kita. Char!
***
Marvin Wrighttee | M.W.
BINABASA MO ANG
ENCHORODIAN
FantasyCOMPLETED | BOOK 1 -- Isang ordinaryong mamamayan ng Bayan ng Magus si Ayudishira, tahimik at matiwasay ang pamumuhay. Ngunit isang pangyayari ang magbubukas ng kanyang pinto sa Akademya de Minika, isang prestihiyosong paaralan na nagbibigay-hugis s...