KABANATA 61: MAHIWAGANG SALAMIN
SHIRA
Panibagong araw para sa panibagong ako. Mabilis kong nilakad ang malawak na pasilyo ng paaralan. Hindi ko kasama ngayon si Busa dahil sabi niya may mahalagang bagay daw siyang aasikasuhin.
Kaya narito ako ngayon mag-isang tinatahak ang daan patungo sa aming dormitoryo. At habang tinatahak ko ang daan papauwi sa amin, bigla akong napatigil sa paglalakad nang nakarinig ako ng isang bagay na nabasag.
Nagtatakang tinitigan ko ang aking paa at marahang iniangat ang aking talampakan at nakita ko ang isang basag na salaming pangmata.
Agad ko itong pinulot at maiging pinagmasdan. May nakita akong nakaukit na kakaibang salita sa gilid nito at mahina itong binasa. "Revelabunt quantus est interdectum."
Halos mabitawin ko ang hawak na salaming pangmata sa gulat nang unti-unting naayos at bumalik sa dati ang basag nitong bahagi. Ang dating basag na salaming pangmata ay biglang naging bago at tila hindi man lang nasira.
Ngayon lang ako nakakita ng ganitong uri ng salaming pangmata. Isa pa lang orasyon ang binasa ko, bakit hindi ko man lang napansin iyon?! Ano kaya ang kakayahan ng salamin na 'to pagsinuot?
Dala ng kuryusidad, dahan-dahan kong sinuot ito upang malaman kung ano ang kaya nitong gawin. Iginala ko ang tingin sa buong sulok ng pasilyo habang suot ang salamin na 'to, wala naman akong napansing kakaiba.
Agad ko itong hinubad at muling iginala ang tingin sa buong sulok ng pasilyo upang ikumpara kung may pagkakaiba, ngunit wala naman akong nakitang pagkakaiba. Kaya muli ko itong isinuot at taas-noo na nagpatuloy sa paglalakad.
Ngunit ilang minuto pa lang ng paglalakad ko ay may napansin akong kakaiba. Bakit pakiramdam ko parang antalino ko habang suot ang salamin na 'to?
May posibilidad kaya na may kakayahan itong gawing matalino ang kahit na sinong magsusuot nito. O kaya nitong basahin ang kahit anong salita na may malalim na kahulugan, katulad ng mga salitang nakasulat sa ibang lenggwahe.
May posibilidad na kaya itong gawin ng salamin na 'to, pero maaari ring hindi. Pero kung may kamangha-mangha man itong katangian, 'di na ko makapaghintay na gamitin ito upang madagdagan ang katalinuhan ko.
Patuloy kong nilakad ang tahimik na pasilyo ng Akademya de Minika. Ngunit nakakapagtaka lang dahil tila wala yatang mga istudyanteng naglalakad ngayon. Kadalasan kasi nitong mga ganitong oras ay marami ang umuuwi sa kani-kanilang dormitoryo, subalit ngayon wala akong may nakitang tao kahit anino man lang nila. Pinagsawalang bahala ko na lang ang napansin at nagpatuloy sa paglalakad.
Mga ilang minuto ang lumipas hanggang sa nakaabot ako sa aming dormitoryo. Pagkadating ko, agad akong pumasok sa loob ng aming dormitoryo at diretsong tumungo sa sala at pagod na umupo malambot na upuan.
Nakakapagod talaga, lalo pa't ang layo ng dormitoryo namin sa aming silid-aralan. Ano na kaya ginagawa ni Busa ngayon-
"Hindi mo kasama si Aya?"
"Ay kabayo!"
Halos lumundag ako sa gulat dahil sa biglang pagsulpot ni Hayanaré at pagsalita nito ng biglaan. Hindi man lang nagparamdam na nandito pala siya. Ang ganda palagi ng bungad niya sa akin, lagi niya talaga akong ginugulat. Halos himatayin ako sa gulat.
"Hindi ako kabayo," malamig na turan nito at pakiramdam ko tinitigan niya ako ngayon ng masama.
Naku po, baka nagalit siya sa sinabi ko. Kasalan naman niya tapos siya pa ngayon ang may ganang magalit. Hindi ko talaga maintindihan ang takbo ng isip ng lalaking 'to.
BINABASA MO ANG
ENCHORODIAN
FantasyCOMPLETED | BOOK 1 -- Isang ordinaryong mamamayan ng Bayan ng Magus si Ayudishira, tahimik at matiwasay ang pamumuhay. Ngunit isang pangyayari ang magbubukas ng kanyang pinto sa Akademya de Minika, isang prestihiyosong paaralan na nagbibigay-hugis s...