51

78 18 6
                                    

KABANATA 51: IKATLONG PAGSUBOK

HAYABUSA

"Ayos lang ba na ako ang kasama mo, Hayabusa?"

Napabaling ang tingin ko sa kasama kong si Christine. Sa tono ng boses niya, ramdam niya na 'di ako komportable sa kanya. Nasanay kasi ako sa presensya nina Shira at Naré at palagi ko silang kasama, kaya di ako masyadong komportable na ibang tao ang kasama ko. Pero susubukan kong sanayin ang sarili na maging komportable sa iba, dahil hindi sa lahat ng oras kasama ko sila palagi.

Marahan akong tumango at tipid na ngumiti rito. "Ayos lang naman sa'kin, Christine. Nasanay lang kasi ako na sina Naré at Shira ang palagi kong kasama. Kaya sana h'wag tayong mailang sa isa't-isa."

Bahagyang lumiwanag ang ekspresyon ng mukha niya at agad na tumango. "Hindi naman ako naiilang sayo, nahihiya lang kasi 'di naman tayo palaging nag-uusap o nagkakasama. Pero malaki ang pasasalamat ko na ikaw ang nakasama ko sa pagsubok na ito."

Lihim akong napangiti sa ikinilos niya. Halatang nahihiya nga siya sa akin. Pero sa ngayon ay dapat naming unahin ang pagtapos sa pagsubok na 'to, at mamaya na siguro kami mag-usap. "Tayo na. Ipanalo natin ang pagsubok na 'to."

Malapad itong ngumiti at tumango. "Sige, baka maunahan pa nila tayo."

Agad kaming tumakbo at diretsong tumungo sa kanlurang bahagi ng gubat. Nasa bahaging timog kami dumaan kanina noong pumasok kami sa loob ng gubat. At sa paglalakbay naming iyon, wala naman akong nakita o napansing kakaiba. Kaya nakakasiguro ako na wala roon ang mga watawat na pinapahanap sa amin ni Guro Sari.

Sa hilagang bahagi dumeretso sina Naré at Simon, habang sina Shira at Sierra naman ay tumungo sa silangang bahagi ng gubat. 'Di ko na kailangan pang mag-alala sa kapatid kong 'yon dahil alam kong malakas siya. Pero si Shira, nag-aalala ako dahil si Sierra ang kasama nito. Sa lumipas na mga araw, pinakita ni Sierra sa amin na hindi niya kami gusto. Lalo pa't si Shira ang palagi niyang kinakalaban.

Hindi ko inasahan na sila ang magiging magkapareha. Nagulat ako kanina nang nalaman ko na hindi si Shira ang magiging pares ko. Para silang tubig at langis, 'di naghahalo. Kaya lubos akong nag-aalala kung ano ang mangyayari kay Shira ngayon.

Nagdaan ang ilang oras ng paghahanap at kahit isa ay wala pa rin kaming may nakitang watawat. Pero kahit mahabang panahon na ang aming nasayang, 'di sumagi sa isip namin ni Christine ang sumuko. Sa halip na mawalan ng pag-asa, nagpatuloy kami sa paghahanap hanggang sa umabot kami sa ilog sa paghahanap.

Lumapit ako sa ilog at tinitigan ang repleksyon sa tubig. Malinaw, malinis at dalisay tignan ang tubig ng ilog. Naaakit akong uminom nito. Habang tumatagal na tinitingnan ang aking repleksyon sa tubig, mas lalo akong nauuhaw. Marahan akong lumuhod at kumuha ng isang lakmay ng tubig sa aking mga palad. Maigi kong tiningnan at inamoy ang tubig kung maaari ba itong inumin o hindi.

Wala naman akong nakitang dumi at maayos naman ang amoy ng tubig, kaya sa tingin ko maaari naman itong inumin. Dahan-dahan kong inilapit ang kamay na may lamang tubig sa aking bibig at unti-unti itong ininom. Bawat paglagok ko ng tubig, nagdala ito ng kaginhawaan sa loob ko. Parang gumaan ang aking pakiramdam. Napawi ang pagod na aking nararamdaman.

Marahan akong tumayo upang ipagpatuloy ang paghahanap, pero pa ako tuluyang makatayo, bigla akong napapikit ng mata nang biglang may nakakasilaw na kislap ang humarang sa aking paningin. Tuluyan akong tumayo at nilapitan ang nakakasilaw na bagay na ito. Unti-unti kong nilakad ang mababaw na tubig ng ilog, hanggang sa makapunta ako sa gitna. Nang makalapit ako sa pinagmulan ng makakasilaw na liwanag, nagulat ako sa aking nakita.

ENCHORODIANTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon