63

71 13 11
                                    

KABANATA 63: ADAMINTO AEDES

SHIRA

Payapa kong pinagmasdan sa nakabukas na bintana ang nagniningning na mga bituin sa kalangitan. Ito'y tila mga hiyas na nagmula sa karagatan na kumikislap sa tuwing nasisinagan ng araw.

Kasalukuyan akong nasa loob ng aming silid at nakatingin sa hindi mabilang na mga bituin. Wala akong ibang ginawa kundi ang tumingala at pagmasdan ang maningning na kalawakan. Si Busa naman ay tahimik na nagbabasa ng libro, at si Hayanaré ay marahil nakatulog na.

Alas onse na ng gabi ngunit hindi pa rin ako makatulog. Hindi ko maintindihan ang sarili ngunit hindi ako binibisita ng antok.

Nababagot talaga ako ngayon lalo pa't wala akong ginagawa. Kaya bago pa lumala ang pagkabagot ko, agad akong tumayo at naglakad patungo sa pintuan ng aming silid at marahang binuksan ito. Bago ako tuluyang lumabas, nagpaalam muna ako kay Busa na lalabas ako at agad naman itong tumango.

Pagkatapak ko sa labas ng aming dormitoryo, nakakabinging katahimikan ang unang bumungad sa akin. Tahimik kong tinahak ang malawak na pasilyo at mag-isang naglakad na tila walang direksyon patutunguhan.

Hindi ko batid kung saan patungo ang daan na tinatahak ko. Hindi ko maintindihan ang sarili, parang hindi ako mapakali kanina pa. Kaya upang mapakalma ang sarili, pinili ko ang maglakad-lakad upang mawala ang aking pagkabalisa. At salamat dahil unti-unting nawala at kumalma ang aking nararamdaman.

Nagpatuloy ako sa paglalakad, naglakad ng naglakad hanggang sa dalhin ako ng aking paa sa Adaminto Aedes- lugar kung saan matatagpuan ang koleksyon ng mahahalaga at sinaunang kagamitan na sinabing ginawa noong nakaraang milenyo.

Pribado at bawal pumasok ang mga hindi pinahihintulutang pumasok dito. Tanging may pahintulot lamang ng awtoridad ang maaaring makapasok dito. Bago pa ko mapagkamalang magnanakaw, agad akong tumalikod at naglakad pabalik sa dormitoryo. Maraming bagay ang nangyari sa akin nitong mga nakaraan araw. Ayaw ko ng may dagdagan pa.

Ngunit bago ko pa maipagpatuloy ang paglalakad, bigla akong nakarinig ng kalabog sa aking likuran. Kalabog na tila may kung anong bagay na nahulog sa sahig.

Dahan-dahan akong lumingon at halos lumuwa ang mga mata ko sa gulat dahil sa nakita. Isang sugatan at walang malay na tao ang bigla na lang lumitaw mula sa kawalan, at ngayon ay nakahandusay ito sa sahig.

Bigla akong nataranta at hindi alam kung ano ang gagawin. Ngayon lamang nangyari sa akin ang ganitong sitwasyon. Marami na akong napagdaanang masasamang pangyayari sa buhay ko.

Ngunit iba ang pakiramdam kapag ikaw mismo ang nakasaksi ng isang hindi magandang pangyayari. Ang ganitong sitwasyon ay nakapagpaalala sa'kin ng hindi magandang alaala.

"T-tu-tulong..." daing nito sa mahina't naghihikahos na boses.

Ang mahihirapang boses nito ay tila isang malamig na tubig na bumuhos sa akin. Napagtanto ko na walang ibang makakatulong sa kanya kundi ako. Ang naestatwa kong katawan ay unti-unting gumalaw at agad na nilapitan ang taong ito.

Pagkalapit ko rito ay dahan-dahan kong binuhat ang katawan nito na puno ng pag-iingat. Marahan ko siyang binuhat upang huwag lumala ang kanyang mga sugat at hindi kumirot ang mga ito.

Pagkabuhat ko sa kanya ay nagmamadali akong tumakbo ng matulin patungo sa klinika. Kahit nahihirapan ako sa pagbuhat sa kanya dahil sa bigat nito, ipinagpatuloy ko pa rin ang pagtakbo.

Ilang minuto ang lumipas bago ako nakarating sa harap ng pintuan ng klinika. Bigla kong sinipa ang pinto upang agad itong mabuksan at nagmamadaling pumasok sa loob.

Gulat na napatingin sa akin ang tagapangasiwa ng klinika o ang manggagamot dahil sa bigla kong pagpasok sa loob. At nang bumaba ang tingin nito sa kung anong buhat ko, mas lalong nanlaki ang mata niya at napaawang ang labi sa gulat.

ENCHORODIANTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon