43

79 23 16
                                    

KABANATA 43: LAGING MAY BAHAGHARI PAGKATAPOS NG ULAN

SHIRA

Marahan akong bumangon mula sa mahambing kong paghipig. Pagkabangon ko ay agad akong napahawak sa aking sentido ng biglang sumakit ang ulo ko. Hindi ko maalala kung ano ang mga nangyari, pero isang bagay lang ang hindi mawaglit sa aking isipan -ang naging laban ko kay Azazel.

Hindi ko inakala na ganun pala kalakas ang taglay niyang kapangyarihan. Walang binatbat ang mga inkantasyon kong ginawa upang mapatumba siya. Lahat ng ataking ginawa ko ay halos lahat walang epekto sa katawan nito, na tila mas matibay pa sa bakal. Ibinuhos ko lahat ng buo kong lakas ngunit wala pa din akong binatbat sa lakas niya. Nahihiya akong humarap sa kanila dahil sa aking pagkatalo.

Hindi ko makakalimutan ang mga nakakakilabot na karanasang napagdaan ko sa mga kamay niya. Tila isang masamang bangungot na kahit kailan ay hindi ko malilimutan.

Hindi ko na nanaisin pang makaharap muli ang isang halimaw na katulad niya. Nanginig ang katawan ko sa takot at galit dahil sa mga pinagdaanan ko sa kamay ni Azazel.

Hindi ko mapigilan ang sarili na mapaisip sa mga pinagdaanan kong kasindak-sindak. At dahil roon ay naalala ko muli ang kinalimutan kong malagim na nakaraan. Isang nakakatakot na alaala na pilit kong ibinaon sa limot. Ngunit sa insidenting naranasan ko kay Azazel, ang sakit at poot sa aking dibdib ay unti-unting nabuhay.

Galit kong itinikom ang mga kamay dahil sa mga naalala. Ang nakaraan na pilit kong kinalimutan ay isa-isang dumaloy sa aking isipan, na parang ang dagat na hindi makalimutan ang dalampasigan.

Mariin akong napapikit ng biglang pumatak ang luha sa aking mata. Kahit anong pilit kong pagtakbo sa aking nakaraan ay hindi ko ito matakasan.

Minsan naisip ko bakit ako lang ang nakaranas ng ganitong buhay?! Bakit hindi na lang ibinigay ng mga bathala sa iba?! Bakit ako lang?! Bakit ako na lang ang palaging nagdurusa?!

BAKIT AKO?!

Mga katanungang naglalaro sa aking isipan na di ko batid kong may kasagutan.

Hindi ko mapigilan ang mapahikbi ng tahimik. Pinaghalong emosyon ang naglalaro sa aking damdamin. Minsan tinatanong ko ang mga bathla bakit ako lang ang nagdusa? May punto sa buhay ko na binalak kong bawiin ang sariling buhay ngunit hindi ko ginawa. Siguro natatakot akong mamatay, iyan naman talaga ang kinatatakutan ng lahat ang mamatay, o siguro naduduwag lang talaga ako.

Ngunit hindi e!

Ito na marahil ang tadhanang dapat kong harapin ng buong tapang at walang pag-aalinlangan. Naisip ko na masarap din palang mabuhay, sa kabila ng mabigat kong dinadala sa loob ng puso ko na pilit kong ibinabaon sa limot.

Simula nang nakilala ko sina Akita at Akira ay pansamantalang nakalimutan ko ang malagim kong nakaraan na palagi kong tinatakbuhan. Naging masaya ako sa piling nila.

Kahit hindi nila ako tunay na kadugo ay tinuring nila akong kapamilya. At iyon ang isa sa mga dahilan bakit naisip ko na masaya din pala ang mabuhay. Ang mga masasayang alaala na hindi ko makakalimutan. Ang masasayang sandali na babaonin ko sa mahabang paglalakbay ng buhay ko.

Ngunit lahat ng iyon ay biglang nawala na parang bula. Ang mga taong tinuring kong pamilya ay isa-isa akong iniwan. Napagtanto ko na ang lahat ay panandalian lamang, walang permanente sa mundong ito.

Isang araw masaya ka, sa susunod na araw hindi. Ang buhay ay parang apoy na nagliliyab. Kahit gaano pa kalakas ang pagliyab nito, mamatay din naman ito kapag naubusan ng pampaalab.

Lubha akong nagluksa sa pagkawala ni Akira, at lubha din akong nalungkot sa paglisan ni Akita. Tingin ko nga dati, panghabambuhay na akong mag-iisa, ngunit hindi naman pala.

ENCHORODIANTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon