KABANATA 40: PINAGSAMANG KAPANGYARIHAN
THIRD PERSON'S POV
Sampung beses na dumagdag ang lakas at bilis si Zerena dahil sa kanyang kasalukuyang anyo. Mabilis siyang lumipad patungo sa kinaroroonan ni Azazel at agad itong inatake. Agad niyang sinalakay si Azazel at mabilis na pinuntirya ang leeg nito upang pugutan ito ng ulo. Kahit nahihirapang gumalaw si Azazel, nagawa niya pa rin iwasan ang mga ataki ni Zerena. Pero hindi niya nakita ang biglaang ataki ni Zerena sa likuran nito kaya natamaan ang kanyang braso.
Gulat ang kanyang naging ekspresyon, nang makita ang biglaang pagkaputol ng braso nito. Nahulog ang kanyang putol braso sa gumagalaw na sahig, na naging dahilan ng pagkalat ng kanyang kulay itim na dugo. Kaya napahiyaw ito sa matinding sakit.
Agad niyang pinagaling ang pinsalang natanggap mula sa ataki ni Zerena. Sinubukan nitong patubuin muli ang nawalang braso, subalit lubos siyang nagtaka nang hindi gumana ang kanyang mahika. Muli niyang pinagaling ang braso, ngunit ang resulta ay katulad ng una, hindi ito gumana.
Agad niyang ibinaling ang pansin sa kung sino man ang may gawa nito. Gulat ang kanyang naging reaksyon nang makita ang isang kakaibang nilalang na lumulipad sa himpapawid.
"Isang a-anghel?" nagtataka niyang sambit. Hindi siya makapaniwala na isang anghel ang umatake sa kanya.
Ngunit nagtataka siya kung paano nakapunta rito ang isang anghel. Maliban nalang kung ito'y tinawag ng isang tao na may kakayahang gumamit ng mahika, na kayang tumawag ng mga banal na nilalang. Isang tao ang pumasok sa isipan niya na maaaring nagtawag ng anghel, at iyon ang babaeng nagtataglay ng kulay gintong buhok.
"Hindi ako tunay na anghel! Namana ko lang ang kapangyarihan na ito mula sa aking Lolo na isang tunay na anghel."
Bahagya bumaba si Zerena malapit sa kinaroroonan ni Azazel. Nagulat si Azazel nang makita ang hilatsa ng pagmumukha nito. Sa pagkakaalam niya, marunong itong gumamit ng banal na mahika. Ngunit hindi niya inasahan na ang kapangyarihan nito ay nanggaling sa isang tunay na anghel.
"Prinsesa ngayon na!"
Napatango si Zerena sa sigaw ni Hayabusa. Agad niyang naintindihan ang senyales na binigay ni Hayabusa. Agad siyang lumipad paitaas at hinanda ang sarili para sa huling mahika na kanyang gagamitin.
Maya-maya pa'y tumigil ang paggalaw ng sahig at biglang lumitaw ang hindi mabilang na mga kadenang gawa sa tubig, na biglaang lumabas mula sa sahig. Agad itong pumulupot sa buong katawan ni Azazel at pigilan siyang makaalis.
Sinubukan muling gamitin ni Azazel ang mahika na ginamit niya kanina upang kumawala sa pagkakagapos, subalit mas lalong dumami ang mga kadenang pumulupot sa kanya. Hindi niya maigalaw ang buong katawan kahit anong gawin niyang kilos.
Pagkaraan ng ilang sandali, nakaramdam siya ng panghihina. Pakiramdam niya may hindi magandang mangyayari, kaya mas lalo pa siyang nagpursiging kumawala.
Pinakawalan niya lahat ng mahikang natitira sa kanyang katawan. Isa-isang nawasak ang mga kadenang nakapulupot sa kanya. Ngunit kapag napuputol ang isang kadena, mayroon namang lalabas na ibang kadena at muling pupulupot sa katawan niya.
"Liwanag ng kaluwalhatian.
Ipahiram sakin ang banal na kagitingan.
Sundin ang aking kahilingan,
Puksain ang pangil ng kasamaan.
Magliwanag! O banal na kapangyarihan!
SANCTUS ENSIS DE CAELUM! LUCERÉ SIRDO!"Lumabas ang nakakasilaw na lumiwag mula sa espadang hawak ni Zerena. Pinakawalan ni Zerena ang matinding kapangyarihan mula sa kanyang espada. Lumakas ang ihip ng hangin at bumigat ang atmospera ng paligid.
Maya-maya pa'y biglang nakarinig ang lahat nang pagtunog ng trumpeta. Biglang nagkaroon ng ulap sa ibabaw ng mataas na kisame ng silid, na parang isang tunay na ulap sa kalangitan. Bumukas ang mga ulap na ito at lumabas ang matinding liwanag deretso patungo sa kinaroroonan ni Azazel.
Malakas na napahiyaw sa sakit si Azazel ng narinig niya ang tunog ng trumpeta. Pakiramdam nito ay halos mawasak ang kanyang ulo sa nakakabinging tunog nito. Maya-maya pa'y, nakita ni Azazel ang pagbukas ng kalangitan at pagbaba ng gintong liwanag patungo sa kinaroroonan niya. Sinubukan niyang tumakbo upang iligtas ang sarili mula sa kamatayan, ngunit ang mga kadenang ginawa ni Hayabusa ay pumigil sa kanya na makatakas.
Hindi siya nakaalis sa kanyang kinaroroonan. Napahiyaw ito sa matinding sakit ng unti-unting natunaw ang buo nitong katawan. Pagkaraan ng ilang sandali ay unti-unting siyang natunaw dahil sa banal na liwanag.
Ang natutunaw nitong katawan ay naging abo, ang abo ay naging alikabok, hanggang sa tuluyan itong nawala na tila hindi siya kailanman nabuhay. Pagkawala ng liwanag ay nabura sa mundong ito ang diablong si Azazel, kahit abo nito ay walang natira kahit kaunti.
Nang nawala ang mga pakpak ni Zerena, bigla siyang nahulog at nawalan ng malay dahil sa matinding kapangyarihan na ginamit.
Pagkatapos ng laban, agad na pinuntahan ni Hayanaré ang kapatid at binuhat, at dinala patungo kung saan si Shira. Marahan nitong inilapag sa sahig si Hayabusa. Nakangiting tumingin sa kanya ang si Hayabusa kaya nginitian niya din ito pabalik.
Hindi maitago ni Hayabusa ang kasiyahan na sa wakas ay nailigtas na nila si Shira. Napatay at napuksa na rin nila ang diablong si Azazel na sumanib sa kanilang kaibigan, na hanggang ngayon ay wala pa ding malay. Napagod siya sa naging laban nila. Hindi niya inakala na ganun pala kalakas ang diablong kinalaban nilang dalawa.
Napangiti siya nang maisip ang planong ginawa nila ng Prinsesa. Naalala niya na wala naman talaga silang ginawang plano. Pinag-usapan lang nila na gagamitin na nila ang kanilang pinakamalakas na orasyon upang tuluyang matalo si Azazel. Hindi niya inasahan na natalo nga nila ito.
Nakita niya na sinalo ng Prinsepe ang kapatid nang nawalan ito ng malay. Buong pag-iingat na binuhat ni Zeron ang walang malay na kapatid at naglakad pabalik patungo sa kinaroroonan ni Shira. Marahan niya itong pinahiga katabi ni Shira.
Lumipas ang ilang sandali, at maya-maya pa'y bigla silang nakarinig nang malakas na palakpak. Hinanap nila ang taong pumalakpak at agad nila itong nahanap, na nakatayo di kalayuan sa kanila.
Masaya itong naglakad patungo sa kay Prinsepe Zeron at sa walang malay na si Prinsesa Zerena. Banayad nitong hinawakan ang pisngi ng Prinsesa at nakangiting tumitig sa Prinsepe.
"Kinagagalak ko kayong binabati sa pagkapanalo niyo laban sa isang mataas na uri ng diablo na si, Azazel. Ang ginawa niyo ay tunay na magiting at nakakamangha. Kayo ay dapat bigyan ng parangal sa ginawa niyong katapangan, lalo na kina Zerena at Hayabusa," nakangiti nitong wika at tinitigan si Hayabusa at Zerena. Gumanti din ng malapad na ngiti si Hayabusa rito at marahang yumuko upang magbigay galang.
Nalilitong tumingin si Zeron sa babaeng kaharap na bigla na lang sumulpot na tila kabute. Seryoso niya itong hinarap at tinanong. "Sino ka?"
***
Marvin Wrighttee | M.W.
BINABASA MO ANG
ENCHORODIAN
FantasyCOMPLETED | BOOK 1 -- Isang ordinaryong mamamayan ng Bayan ng Magus si Ayudishira, tahimik at matiwasay ang pamumuhay. Ngunit isang pangyayari ang magbubukas ng kanyang pinto sa Akademya de Minika, isang prestihiyosong paaralan na nagbibigay-hugis s...