57

65 17 14
                                    

KABANATA 57: SCRIPTUM DE INTELLEGENTIA

SHIRA

Shira... Shira... Shira...

Agad akong nagising mula sa malalim kong pagkakahimlay. Pagkamulat ng aking mga mata, walang katapusang kadiliman ang agad na bumungad sa aking paningin.

Marahan akong bumangon mula sa pagkakahiga at pinasadahan ng tingin ang buong paligid, ngunit, wala akong makita kahit isang kislap ng liwanag.

Shira... Shira... Shira...

Ibinaling ko ang tingin sa buong paligid upang hanapin ang tinig na paulit-ulit na tumatawag sa pangalan ko. Ngunit, wala akong makita na kahit isang tao na nandito sa lugar na 'to.

"Sino ka?! Magpakita ka! Huwag kang mag-alala, hindi kita sasaktan! Pakiusap, magpakita ka sa akin!" malakas kong sigaw, umaasa na may sumagot sa akin, ngunit kahit isa'y walang may sumagot.

Malalim akong napabuntong hininga at umpisang maglakad, nagbabakasakali na may makita akong liwanag sa madilim na lugar na 'to. Ilang minuto na kong naglalakad, pero wala akong nakitang kahit ano. Parang akong basang sisiw na di alam kung saan ang daan patungo sa aking tahanan. Ngunit bago ko pa ipagpatuloy ang paghakbang, agad akong nagulat sa biglang nakita.

Bigla akong napahakbang patalikod nang biglaang may lumitaw na puting liwanag sa aking harapan. Pinagmasdan ko ito ng maigi at napansin ko na ang liwanag na ito ay tila apoy na nagliliyab. Parang puting apoy. Ang puting apoy na ito ang nagsilbi kong liwanag sa walang katapusang kadiliman ng lugar na 'to.

Ilang minuto ko itong pinagmasdan pero nanatili lamang itong nakapirmi sa isang lugar at patuloy na lumiliyab. Dahan-dahan ko itong nilapitan hanggang sa tuluyan akong nakalapit rito. Marahan kong inilipat ang aking kamay upang hawakan ito. Sa sandaling nagdampi ang aking mga daliri sa puting apoy na nagliliyab sa aking harapan, bigla akong nagulat nang hindi man lang napaso ang aking mga daliri.

Kakaiba! Anong uri ng apoy ito?!

Nang sinubukan ko muli itong hawakan, nagitla ako nang bigla itong lumayo mula sa akin. Mabilis ko itong nilapitan upang hawakan, ngunit muli itong lumayo mula sa akin na tila may sarili itong buhay.

Ngunit hindi ako sumuko at muli ko itong nilapitan sa ikatlong beses, ikaapat, ikalima hanggang ikasampu, pero patuloy pa rin ito sa paglayo at ayaw magpahawak sa'kin.

Hindi ko maintindihan kung bakit ayaw nitong magpahawak, nahawakan ko naman ito kanina. Pero bakit ngayon ay lumalayo ito sa akin. Naalala ko tuloy ang mga taong lumayo mula sa akin dahil perwisyo at kaguluhan lamang ang dala ko sa kanila, si ina, si akira, si akita, si Nanay Kiva at marahil sina Zerena at Busa ay maaari ding lumayo sa akin. Siguro naramdaman ng puting apoy na iyon na maaaring perwisyo lang ang maidulot ko rito, kaya patuloy ito sa paglayo kahit ilang beses ko itong lapitan.

Bago ko pa muli itong lapitan ay pinilit ko ang sarili na tigilan na ang aking kahibangan. May mga bagay talaga sa mundo na kahit anong pilit mong abutin ay di mo kayang maabot, dahil ang sarili mo mismo ang nagiging balakid sa pag-abot ng iyong minimithi. Katulad na lang ngayon, kahit anong pilit kong paglapit rito, patuloy pa din ito sa paglayo.

Kaya tumigil ako sa paghakbang at naglakad papalayo mula sa puting apoy. Halatang ayaw nito sa akin. Kaya, e di wow! Kung ayaw nito sa'kin, ayaw ko din sa kanya.

ENCHORODIANTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon