KABANATA 15: BAYAN NG MAGUS
HANILA
Pagkalabas namin ng bahay nila, ang kaninang kaunti lang na kumpulan ng mga tao, ngayon ay halos hindi mo na mabilang sa sobrang dami. Tila yata buong mamamayan ng bayan na 'to ay nandito lahat.
"Bakit tila ang daming mga tsismosa't tsismoso rito ah!" takang tanong ko sa sarili.
"Mang Nebor, Aling Anggol, Jema, Nanay Kiva, Marika, Erit, Jero, Sisha, Thankol, Potel, Mimiz Nery, Jim, Theto! Kayong lahat na nandito! Mag-aaral na ako sa Akademya De Minika!!" masaya niyang kinawayan ang lahat.
Napaarko ang kilay ko nang biglang nagpalakpalakan ang lahat sa. Hindi kapani-paniwala na ang dami niya pa lang kakilala rito. Akala ko piling tao lang ang kilala niya.
At ang mas nakakagulat pa, ang lahat ng narito ay isa-isang lumapit saka yumakap at bumati kay Shira. Halata sa mga mukha ng lahat ang kagalakan at kasiyahan para sa kanya. Tuwang-tuwa sila dahil ang kababayan nila at kapwa povré ay nakapasok sa isang prestihiyosong paaralan.
Tila lahat ng mamamayan ng bayang ng Magus ay halos kilala niya. Sana sa bayan din namin ay ganito. Masayahin, nagkakaisa at mapagkumbaba, pero hindi e. Mga maarte, mapagmataas at mataray ang tao sa bayan ng Vlasyorde, sa bayan namin ni Eroth, ang bayan ng mga nobilis.
Kaya mas pinili kong hindi mamalagi sa bayan namin. Mas pinili ko pang tumuloy sa dormitoryo ng paaralan, kasama ang aming mga kaibigan, masayang nagkakatuwaan at nag-aaral.
Nakakamangha ang mga nakatira sa bayan na 'to dahil sa kabila ng hinaharap nilang kahirapan ay may ngiti pa rin sa kanilang mga mukha na nagsasabing 'Kahit mahirap kami ay masaya naman kami'. Nakakainggit tuloy.
Isang bayan na hindi tinuturing ang bawat isa na kakompetensya. Isang bayan na ipagmamalaki ang bawat isa. Isang bayan na puno ng kasiyahan at kagalakan. Isang bayan na gusto kong maranasan kahit saglit lamang. Palihim akong napangiti sa ideyang napakaswerte ni Shira dahil may mga tao na pinagmamalaki siya kahit hindi siya kaano-ano ng mga ito at hindi pa siya ganap na mag-aaral ng Akademya.
Sa huling pagkakataon, muli siyang nagpaalam sa lahat. Pagkatapos ay sumakay kaming lahat sa karwahe na kanina pa naghihintay sa amin. Pagkapasok namin ay hindi matanggal ang pagkamangha sa mukha ni Shira na tila gandang-ganda siya sa nakikita.
Ngayon lang ba siya nakasakay sa ganitong sasakyan?
"Ang ganda ng karwahe niyo, Prinsesa. Nakakahiya mang sabihin ngunit tila mas malaki pa ang loob ng karwahe mo kaysa kwarto ko," natatawang saad niya sabay kamot ng batok.
"Mas malaki talaga. Mas malaki pa nga siguro ito sa bahay mo na marumi, masikip at tila kinulang sa ispasyo," natatawa namang sabat ni Eroth. At dahil sa sinabi niya, biglang nagbago ang ekspresyon ng mukha ni Shira.
"Kahit marumi, masikip, at kulang sa ispasyo ang bahay ko, naging masaya naman ako. Isang kasiyahan na hindi mapapantayan ng kahit anong bagay. Malaki, marangya at napakasarap nga ng tirahan ng mga bahay niyo, ngunit naging masaya ba kayo?" may diin ang bawat salitang binitawan nito.
At ang nakakainis pa ay natamaan ako sa sinabi niya. Tama nga ang tinuran niya na marangya nga ang bahay namin na tila palasyo sa ganda ngunit malungkot naman. Kahit si Eroth na kaninang tumatawa ay naging seryoso at umiwas ng tingin sa kanya.
Nanaig ang nakakabinging katahimikan. Nakatikom ang labi ng bawat isa at walang may nagbalak na magsalita. Kahit ako ay wala sa kondisyong magsalita dahil natamaan talaga ako sa sinabi ni Shira. Hindi naman ako nagalit kahit kaunti sa sinabi niya, natamaan lang talaga ako.
BINABASA MO ANG
ENCHORODIAN
FantasíaCOMPLETED | BOOK 1 -- Isang ordinaryong mamamayan ng Bayan ng Magus si Ayudishira, tahimik at matiwasay ang pamumuhay. Ngunit isang pangyayari ang magbubukas ng kanyang pinto sa Akademya de Minika, isang prestihiyosong paaralan na nagbibigay-hugis s...