Kabanata 4

344 24 13
                                    

Juday Point Of View

"Huwag kang malikot! Ah!" Angil ko habang pilit na pinipisat iyong isang tigyawat sa mukha ko. Kanina ko pa ito tinitigan sa maliit na salamin, at nakakapanlumo dahil mas lalong dumami ang tigyawat na meron ako!

Noong nakaraang linggo ay halos limang tigyawat lang ang nasa mukha ko, kaso mukhang naglandian ang mga ito kaya mas lalo silang dumami! Mas marami pa ang tigyawat ko kaysa sa benta kong isda ngayong umaga!

"Bakit ba kasi pinipisat mo! Kaya mas lalong dumadami eh! Akin na nga," inagaw ni Rumi mula sa akin ang salamin at marahang hinawakan ang bagang ko. "Ang dami na nga n'yan Juday! Ano ba kasing ginawa mo?"

Napasimangot ako at bumalik sa maliit na upuan. Kinuha ko ang timbangan ng isda para i-pwesto ito sa harapan.

"Iwan ko rin Rumi! Ang kinis ng mukha ko noon. . . Kaso ngayon mas magulo pa sa buhay ko ang mga tigyawat na 'to! May mawawala pero mapapalitan naman, hindi lang isa kundi isang angkan! Wala ka bang skincare reccomendation d'yan?" Umiling siya at nagkibit-balikat.

"Wala naman akong alam patungkol sa mga skincare na 'yan, hindi ako gumagamit," sabagay, makinis naman ang mukha niya kaya hindi niya talaga kailangang gumamit ng kahit anong skincare.

"Safeguard na pink lang katapat n'yan!" Biglang sigaw ni Hopia habang inaayos ang mga tinapay sa kanilang bakery.

"Halos maubos ko na ang safeguard na pink sa sari-sari store ni Aling Marites pero wala pa ring nangyayari!" Napakamot ako sa batok at muling hinaplos ang mukha ko. Ang dami talaga!

"Bakit mo kasi pinisat, hilamos lang 'yan! Araw-araw ka maghilamos!" Sumingit si Moy sa amin. "Samahan mo nga muna ako sa pwesto nila Kipay." Baling niya kay Rumi. Saglit silang kumaway sa akin at naglakad paalis.

Nakailang buntonghininga ako bago isuot ang apron sa sarili. Nilinisan ko ang ibang isda at ang iba naman ay hiniwa, karamihan sa mga suki namin ay gustong mahiwa muna ang mga isda. Ganoon na rin ang ginawa ko sa mga karneng baboy.

"Uy! Juday! Malapit na birthday mo ah, debut mo 'di ba? Ano, mag papa-party ka ba?" Inirapan ko si Burnok at inayos ang hairnet sa aking ulo.

"Pwede ba Burnok, tigilan mo ako. . ." Umagang-umaga ay sinisira niya ang mood ko! Tapos binanggit niya pa ang tungkol sa kaarawan ko, ayaw ko pa namang marinig ang tungkol doon.

Halos limang taon na ang nakalipas simula nang mamaalam si Papa at Dodoy. Mahirap man sa akin ang mga nangyari noon, pinilit ko pa ring magpakatatag, galit man sa akin si Tita Irene, nagpatuloy pa rin ako.

Tita Irene na nga ang tawag ko sa kanya dahil ayaw na ayaw na niyang marinig ako habang tinatawag siyang Mama. Akala ko noon huhupa rin ang galit niya sa akin, pero mali ako. Dahil hanggang ngayon, nandoon pa rin ang pagkamuhi at inis niya sa akin.

Grade 12 na ako ngayon under Stem Strand. Pangarap ko talagang maging isang Architect, nawalan man ako nang ganang gumuhit noon, pero nilakasan ko ang loob kong gumuhit ulit.

Tanda ko pa noong grade 7 ako, sumali ako sa isang Drawing Contest at pinalad akong manalo. Tuwang-tuwa ako n'on dahil hindi ko inakalang mananalo ako. Gumuhit ako ng dalawang buwan, isang malaki at isang maliit. . . Nakikita ko 'yon bilang si Papa at Dodoy.

May ilang patimpalak pa akong nasasalihan, minsan nanalo, minsan naman hindi. . . Lahat rin ng premyong natatanggap ko ay napupunta kay Tita Irene, wala naman akong reklamo kahit walang matira sa akin.

Graduating na rin ako at dalawang linggo na lang ay 18th birthday ko na. Ngunit wala akong dahilan para magsaya, sa halos limang taon, at sa bawat kaarawan ko ay wala akong ibang ginagawa kundi ang aliwin ang sarili ko sa palengke.

Maibabalik Pa Ba (ON-GOING)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon