Juday Point Of View
"Sinugod na siya sa hospital Juday, pati na rin ang kapatid mo," mabilis akong tumalikod kay Mang Loe at bumalik sa kanto para pumara ng tricycle papunta sa hospital.
Nanginginig lang ang kamay ko habang umaandar ang sasakyan. Hindi ko magawang kumalma, at parang luluwa na ang puso ko sa lakas nang kabog nito.
"D-Dito lang po!" Inabot ko sa driver ang pamasahe at tumakbo papasok sa hospital. Dumiretso ako sa may Nurse Station para tanungin ang room number nila Papa, ngunit hindi ko na ata kailangan pang gawin dahil mula sa kinatatayuan ko'y tanaw na tanaw ko si Mama Irene at Cibby.
Bumagal ang bawat hakbang ko lalo na nang mapansin kong pareho silang umiiyak, si Mama na nakaupo sa sahig at walang tigil na humihikbi at si Cibby naman na yakap-yakap ang Ina at humahagulhol rin.
Nang marating ko ang pwesto nilang dalawa ay sabay silang nag-angat ng tingin sa akin. Ang pagod at sakit na emosyon sa kanyang mga mata ay biglang napalitan nang galit at pagkamuhi.
Tumayo ito at hinarap ako.
"M-Mama---" Malakas na sampal ang natanggap ko mula sa kanya. Hindi ko nagawang igalaw ang mukha ko, parang namanhid ang buong katawan ko.
"Kasalanan mo 'to! Napakamalas mo talaga, walanghiya ka! Nang dahil sa 'yo napahamak ang asawa at anak ko! Nang dahil sa 'yo namatay silang dalawa!" Masakit ang mga salitang binato nito sa akin.
Ngunit wala na atang mas sasakit pa sa mga sumunod niyang sinabi. Inangat ko ang tingin at sinalubong ang galit niyang mga mata, unti-unting namuo ang luha sa aking mata.
"P-Patay? A-Ano pong ibig mong sabihin?" Mas lumapit siya sa akin at mariin akong hinawakan sa magkabilaan kong balikat.
"Oo Juday! Patay na sila! Silang dalawa! Kung hindi dahil sa 'yo, hindi sana mangyayari ito! Kasalanan mo ang lahat! Wala na sila. . . Wala na ang anak ko! Wala na ang asawa ko!" Ang kaninang mabigat sa aking pakiramdam ay mas lalong nadagdagan.
Bumagsak ako sa sahig kasabay nang sunod-sunod na pagtulo ng luha ko.
"Kung hindi ka nag-inarte! At kung hindi ka nagpa-sundo kay Papa hindi sana sila maaksidente! Buhay pa sana sila ngayon!" Hinila ni Cibby ang buhok ko ngunit wala akong lakas para labanan siya.
Wala akong oras para pagtuonan siya nang pansin. . . Dahil paulit-ulit lang bumabalik sa utak ko ang mga sinabi nila tungkol kay Papa at Dodoy.
Hindi 'to totoo 'di ba!? Nananaginip lang ako! Buhay si Papa, ang sabi niya pa nga maghahanda siya ng pancit at manok ngayong birthday ko! Ang sabi niya bibilhan niya ako nang malaking cake, ang sabi niya ipapasyal niya ako.
Kaarawan ko ngayon eh. . . Nangyayari ba talaga 'to!?
"Tumayo ka r'yan! Huwag kang umakto na parang dehado ka, ikaw ang dahilan ng lahat ng ito! Simula nang dumating ka sa buhay namin, puro malas ang natatamo ng pamilya ko! Kung alam ko lang na ganito ang mangyayari, sana hindi na kita hinayaang pasukin ang buhay namin!"
"M-Mama. . ." Umiyak na ako, hindi ko na mapigilan.
Kasalanan ko ba talaga? Kung hindi ako nagpasundo kay Papa. . . Hindi sana sila naaksidente. Kung pinili ko na lang umuwi mag-isa, sana masaya ako ngayon habang kasama si Papa at Dodoy.
"Huwag mo akong matawag-tawag! Sana hinayaan na lang kitang mapunta sa malandi mong Nanay! Sana hindi ko na lang pinayagan si Josef na iuwi ka sa amin! Sana ngayon buhay pa siya. . . Pero dahil sa 'yo, wala na,"
"Hindi ko po sinasadya. . . Hindi ko po alam, kung alam ko lang na ganoon ang mangyayari sana hindi na po ako---" Sampal ulit ang natamo ko galing sa kanya. Tinikom ko ang bibig at hinayaan ang sariling umiyak.
BINABASA MO ANG
Maibabalik Pa Ba (ON-GOING)
NezařaditelnéAng sabi nila, umiikot raw ang buhay ng isang tao, minsan masaya, minsan malungkot, at minsan naman, miserable. Ngunit bakit tila pinaglalaruan ang buhay ni Juday? Bakit parang hindi naman umiikot ang buhay niya? Palagi siyang nasa bingit nang kalun...