Juday Point Of View
Matamlay akong naglakad papalabas ng presento, nag-akma pa si Salde na alalayan ako ngunit tumanggi ako. Gusto ko lang umalis at mapag-isa.
"Juday." Napahinto ako sa paglalakad ng may tumawag sa akin. Nang lumingon ako ay nakita ko si Lorenz. Siya 'yung tatay ng anak ni Cibby.
Kilala ko siya dahil nasa kabilang purok lang ang sa kanila, minsan ko na rin siyang nakikitang kasama ang grupo ni Tanya. "Pasensya na sa mga nangyari. . . Alam kong may kasalanan rin ako."
Mariin akong napatingin sa kanya habang ang mga kamay ko'y nakakuyom.
"Wala na kami ni Tanya noong may nangyari sa amin ni Cibby. Maayos akong nakipag-hiwalay sa kanya, ngunit parang hindi niya matanggap. Tatlong buwan na kaming hiwalay kaya akala ko talaga'y titigilan na niya ako. Hindi ko ginamit si Cibby o ano. . . At hindi ko rin inasahan na nabuntis ko siya, pero willing naman akong panagutan si Cibby. Kaya lang minasama ni Tanya ang lahat, hanggang sa umabot sa puntong napatay niya ang kapatid mo. Sana mapatawad mo ako, alam kong isa rin ako sa may malaking kasalanan kasi hindi ko sila naprotektahan. Kung alam ko lang na ganoon ang mangyayari, sana. . . Sana napigilan ko."
Umiiyak siya ngayon sa akin harapan, habang nanatiling blangko ang mukha ko.
Nang maka-ipon ulit nang lakas ay mabilis ko na siyang tinalikuran at naglakad papalayo doon.
Bigong-bigo ako nang makarating sa bahay. Lahat ng sakit sa pagkawala ni Cibby ay biglang bumalik sa akin. Ang brutal na pangyayari sa kanya ay paulit-ulit kong nakikita sa aking isip.
Niyakap ko ang picture frame kung nasaan ang litrato ni Cibby. Patuloy na bumubuhos ang luha ko at para akong paulit-ulit akong binagsakan ng langit at lupa.
Ngayong naresulba na ang kaso at makukulong na si Tanya, hindi ko pa rin magawang magsaya lalo na't alam kong kahit kailan hindi ko na muli masisilayan ang mukha ng kapatid ko.
Maging si Tita Irene ay nawala na rin sa akin, lahat ng pamilya ko ay tuloyan nang nawala sa akin.
Ang gusto ko lang naman sana noon pa man ay ang masaya at kompletong pamilya, kahit hindi perpekto basta't magkakasama lang kami ng buo.
Ngunit nasira ang pangarap kong 'yun nang mawala si Papa at Dodoy, para na rin akong pinatay dahil sa mga nangyari.
Pinilit ko lamang ang sarili kong maging matapang para kina Tita Irene at Cibby, ngunit hindi ko inasahan na darating din pala ang panahon na si Cibby naman ang mawala at si Tita Irene ay tuloyan na ring nalayo sa akin.
Ang pinangarap kong buong pamilya ay tuloyan nang naglaho. Dahil imbes na makompleto kami ay naiwan akong mag-isa. Minsan napapaisip ako, bakit hindi na lang ako 'yung kinuha?
Bakit si Dodoy pa na subrang bata? Bakit si Cibby pa? Bakit si Papa pa?
Bakit hindi na lang ako? Total ako naman 'yung walang dahilan para mabuhay. . . Bakit hindi na lang ako?
Ngayon nandito ako at nag-iisa. Hinahanap ko ang mga ala-ala na nabuo namin sa bahay na ito. Na kahit hindi magandang ala-ala ay kinatutuwa ko pa rin.
DALAWANG araw na akong wala sa aking sarili. Ilang beses na tumawag si Rey sa akin, pinaki-usapan ko siyang huwag na muna akong alalahanin dahil ayos lang naman ako at gusto ko munang mapag-isa.
BINABASA MO ANG
Maibabalik Pa Ba (ON-GOING)
RandomAng sabi nila, umiikot raw ang buhay ng isang tao, minsan masaya, minsan malungkot, at minsan naman, miserable. Ngunit bakit tila pinaglalaruan ang buhay ni Juday? Bakit parang hindi naman umiikot ang buhay niya? Palagi siyang nasa bingit nang kalun...