Lumipas ang tag-ulan at ilan pang mga araw, naging maligaya ang bawat araw na lumilipas kasama si, Zanbrix. Binigyan ako ng dahilan upang muling maglakbay sa aking mga pangarap—siya ang dahilan kung bakit hindi na ako nahihiya at natatakot sa mga taong nais akong hilain pababa. Mas lalo pang naging malapit sa akin si Brix, hindi ko lubos akalain na ang isang taong katulad ko ay mapupunta sa isang kilalang tao at kinagigiliwan ng lahat, para bang isang panaginip lang. Pero, kung panaginip man ito ay sana'y dito na lamang ako dahil ayoko nang gumising pa sa dating Nick na mahina.
Kasalukuyan akong nakatanaw sa aking mga ka klase, malayang iniindayog ng hangin ang mga kwartina rito sa loob. Nakakatuwa lamang dahil ang bawat isa'y may kanya-kanyang grupo, narito iyong mga lalaki kong mga kaklase na paulit-ulit na kinakalabit ang hibla ng kanilang gitara. Ang iba naman ay nagkukwentuhan patungkol sa kabilang strand, at ang iba naman ay sinasayaw ang bagong dance craze sa mga paburito nilang K-Pop groups.
"Beh, iyong pulbo mo nga mahirap na, dapat fresh pa rin mamaya sa fishbolan,"
"Grabe ka naman, be. Nakita kita kahapon nag starbucks tapos 'di ka makabili ng sarili mong polbo"
"Guys, ito ang best strand for me. Wala nang lilipat sa ibang school, a?"
"Pre, tara skip mamaya kapag PE time?"
Ito ang mga katagang umiikot sa apat na sulok ng aming silid-aralan. Nakakatuwa silang pagmasdan, sigurado ako na mamimiss namin ang lahat dahil sa susunod na linggo ay bakasyon na.
"Mukhang malalim ang iniisip mo, a?" narinig kong wika ni Chai at 'di ko namamalayang nasa harapan ko na pala siya. "Hindi mo ba makalimutan iyong ginawa niyo ni Zanbrix kagabi?" dagdag pa niya habang nakangisi dahilan para kumunot ang aking noo.
"Tado! Walang ganon, uy. Hindi pa sumagi sa isip namin iyon," tugon ko naman sabay tingin sa aking cellphone at nagbabakasakaling may mensahe si Brix.
"Sus! Tara gala mamaya, huwag na tayong pumasok wala na rin namang klase, e. Deliberation na ngayon," pag-aya nito.
"Kayo na lang, aantayin ko si Zanbrix dito. May practice kasi sila sa swimming club,"
Ngumuso si Chai at nag-iba ang kanyang ekspresyon wari'y nang-aasar. "Umamin ka, wala kang gana 'no kasi wala pang update iyang jowa mo? Nako overthink ka na naman, nandoon lang naman siya sa likuran ng campus, a. Bisitahin mo kaya,"
Umismid ako at pumakawala ng isang buntong-hininga. Simula noong naging kami ni Zanbrix ay nag o-overthink na rin ako. Minsan sa labis na pag-iisip ko sa tuwing lumalabas sila ng barkada niya ay nakakaramdam ako ng panghihina. Iyon bang nawawalan na ako nang ganang kumain, sino ba naman ang hindi mag o-overthink dahil lalaki pa rin siya at tila isa siyang hiyas na anumang oras ay aagawin nila ito sa akin.
Dumako ang palad ni Chai sa aking balikat at hinimas niya ito, "Alam mo? Huwag kang mag-isip ng masama. Hindi ipaparamdam ni Zanbrix iyan kung mahal ka niya, baka mamaya sa kakaisip mo ng masama ay baka masakal siya," aniya.
"Chai, lalaki pa rin siya, baka mamaya kasi—"
"Please don't fret. Napakaraming babae rito sa campus pero look sa lalaki siya pumatol—I mean ikaw ang ginusto niya at ikaw ang pinaggugulan niya ng oras. Naaalala mo iyong naganap na pasabog niya noong nakaraang buwan, sa tingin mo gagawin pa ba niya iyon kung 'di ka niya mahal? Special ka, Nick," wika nito dahilan para mapangiti ako.
"Kaya hindi magiging over acting for today!" dagdag pa niya dahilan para matawa ako.
Alas tres ng hapon noong lumabas kami ng classroom dahil wala na kaming maantay pang instructor kung kaya naman dali-dali naming nilisan ang aming deparment. Habang naglalakad kami rito sa hallway ay siya namang muling paglingon ko sa covered pool sa kalayuan. Ano kaya ang ginagawa nila Zanbrix ngayon? Bakit maghapon siyang hindi nag update sa akin?
BINABASA MO ANG
School Year 2020
Teen FictionSabi nila, sa milyun-milyong tao dito sa mundo ay may isang tao na nakatakdang para sa'yo. Pero, paano kung ang para sa'yo ay may demonyong nakatago sa kanyang pagkatao. Mamahalin mo ba o tatakasan nalang? Date Started: June 2, 2020