Season 2: kabanata 25

116 11 9
                                    

Teen Fiction Series:
School Year 2020
© iMarjayNari

K. Amanashi (kaminari amanashi)


Kabanata 25: Minus Hope

Napahawak ng mahigpit si Chai sa 'king kamay dahilan para mapatingin ako sa kanya, "Kung ano ang magiging result ay tatanggapin natin a,"aniya sabay ngiti ng pilit.

Natawa naman ako ngunit sa kalooban ko ay ibayong kaba ang namamayani mula rito. Para bang mawawalan ako ng malay dahil sa lakas ng pintig ng aking puso.

"Ano ka ba! Oo naman, para namang nakasalalay ang buhay natin doon sa result. Kung sakali man na hindi parin ako nakapasok ay mayroon pa namang susunod,"tugon ko naman at niyapos ang kanyang likod.

"Siyempre Nick nakikita ko sa mga mata mo ang pagpupursige. Kahit na hindi mo aminin o sabihin ngayon sa 'kin, ay alam kong masasaktan ka 'pag hindi ka nakapasok,"puna naman ni Chai dahilan para manginig ang aking mga tuhod na tila nawalan ito ng lakas.

Pilit akong ngumiti kahit na nahihirapan ako dahil sa tuluyan na akong nilalamon ng aking kaba. Oo, alam kong tumanggap ng kabiguan ngunit matatanggap mo ba kung 'yung kaibigan mo ay masaya dahil nakapasok siya? Samantalang ikaw ay malungkot dahil hindi sapat ang ginawa mong pagsisikap.

Teka? Erase! Bakit ganito ang nararamdaman ko? Nagiging sakim na ata ako? O lumaki na ang ulo ko?

Lumiko kami pakaliwa dito sa hallway at dito nga ay bumungad na ang bulletin board  dito sa Main hall ng aming building. Nagkagulo ang mga estudyante habang hinahanap ang kani-kanilang pangalan. Ang iba ay natuwa at napatalun-talon pa, ngunit sa kabilang banda naman ay may lumuluha.

Dalawang metro ang layo namin sa bulletin board at habang palapit ako rito ay nakakaramdam ako ng takot at kaba. Nagsimulang akyatin ako ng lamig mula paa—hanggang sa kumalat na nga ito sa aking buong katawan. Ramdam ko ang malagkit na pawis sa aking magkabilang palad at dama ko ang lamig dito.

Isang buntong-hininga ang aking pinakawalan kasabay nito ang paghanap ko sa aking pangalan. Nagsimula ako sa pinaka baba at bakas ang aking pawis sa papel dahil ginamit ko ang aking hintuturo bilang gabay sa paghahanap.

Hanggang sa makarating ako sa pinaka mataas na rango—wala ang pangalan ko dito sa academic list ng Humanities and Social Science. Mistulang tumigil ang lahat sa huling pintig ng aking puso, para akong tinangay ng hangin dahilan para mawala ako sa kasalukuyan.

Lingid sa aking kaalaman na nakatitig ako sa mistulang listahan, ngunit, wala akong naririnig na kung ano sa paligid; tila ba'y nawala silang lahat.

"Excuse me, kung wala 'yung pangalan mo diyan pwedeng ako naman?"

"Kuya padaan nga po kami, mukhang wala naman diyan 'yung name mo."

Wala sa katauhan akong umalis ng bulletin board, binalot ng ingay ang buong lugar na nagmumula sa mga estudyanteng natuwa dahil sa nakita nila ang kanilang pangalan sa listahan. Hindi ako makahinga ng maayos at para bang nawala lahat ng lamig sa aking katawan at napalitan ito ng init.

"Nick!"narinig ko ang aking ngalan kung kaya't nilingon ko ito.

"Nick! Nakapasok ako, With Honors ako beshy!"sigaw ni Chai at mabilis na nagtatakbo papunta rito sa aking direksyon.

School Year 2020Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon