Keehana
U-Umiiyak ba siya?
Nilingon ko ito upang kumpirmahin ang tanong sa isip ko. At tama nga ako dahil nangingintab ang mga mata nito sa luha.
Huli na para mapagtanto pa ang sobrang pagkalapit ng mga mukha namin. Para akong tinanggalan ng kaluluwa nang bigla na lamang may basang bagay na sumakop sa bibig ko. Isang singhap ang kumawala sa akin, dahilan para diinan nito ang mga labi sa akin.
“A-Al—hmmp!”
Hayok na hayok ito na para bang ninanamnam na ang pagkakataong nakuha niya. Ilang taon akong hindi nagpahalik dito o nagpayakap man lang, pero alam ko na sa tuwing tulog ako ay sinasamantala nito ang pagkakataon na makahalik at makayakap sa akin. Naaalimpungatan lang ako minsan kaya napapansin ko ang mga ginagawa nito.
Hanggang sa itinigil ko ang pagpalag at nagpaanod na lamang sa mga halik nitong nakakapanlambot.
Isang luha ang kumawala sa akin nang bumitiw ito ng halik. Agad ko itong itinulak, makaraan ay umiwas ng tingin.
Hindi na ako nakapag-isip pa nang maayos nang agad-agad akong pumasok sa loob upang makalayo rito.
Mariin kong nakagat ang ibabang labi nang makapasok sa kuwarto. Para akong matutumba dahil sa sobrang lakas ng kabog ng dibdib ko. Isabay pa ang panlalambot ng mga tuhod ko.
Hays! Mariin kong sinabunutan ang sarili bago magtungo sa balkonahe ng kuwarto.
Hindi ko alam kung papaano ko ito pakikitunguhan mamaya o bukas. Masiyadong nakakailang.
Paniguradong hindi na naman ako makakatulog nang maayos nito mamaya.
At totoo ngang hindi ako dinalaw ng antok. Ilang oras matapos ang pangyayaring iyon ay naroon pa rin ako at nakaupo sa balkonahe—mulat na mulat ang mga mata. Kung hindi pa sumapit ang alas tres ng madaling araw ay hindi ko pa pipilitin ang sarili na matulog.
Nang magising ako ng umagang iyon ay napansin ko na wala pa rin sa kuwarto si Al. Ni hindi nagulo ang parte nito sa kama.
Nasaan na kaya ang lalaking iyon?
Napailing-iling ako. Bakit ko pa ba iisipin kung nasaan na iyon? Tiyak naman na natulog iyon sa ibang kuwarto.
Bumangon ako at agad na nag-asikaso para sa pagpasok. Inihanda ko ang pagkain ko bago maligo at magbihis. At nang matapos ay nagtungo ako sa kuwarto ng mga bata para sana humalik.
Pero tila ba umurong ang mga paa ko nang mabuksan ko ang pinto. Hindi ko alam kung matatawa ako o maaawa sa lalaki na nakatihaya sa kama ng kambal at tulog na tulog. Ang dalawang bata naman ay sinusulatan ang mukha nito at dibdib gamit ang colored pens.
Parehong naghahagikgikan ang mga paslit na ka-aga-aga ay pinagti-trip-an ang ama nila.
“Kisses! Gisselle!” mariin kong bulong, takot na baka magising ko ang malaking mama na nakahilata. Daglian kong inagaw sa mga paslit ang mga hawak nilang pangkulay at saka inilayo ang mga ito sa lalaki.
Isang malutong na halakhak ang narinig ko kay Kisses, dahilan para mamaywang ako sa harap nito at tinaasan ito ng kilay. “May nakakatawa ba, Kisses? Pagagalitan kayo ng ama ninyo!” mariin kong bulong sa dalawa na tumawa lang dahil sa hitsura ngayon ng lalaki.
Punong-puno ng sulat ang mukha nito. Natampal ko tuloy ang noo. Ano na lang ang reaksiyon nito paggising?
“Hindi man . . . hindi man gagalit ti Daddy ta amin, e,” pagdadahilan ng bulol na si Kisses na ikinangasim ng mukha ko.
“Kahit na. Hindi pa rin maganda ang ginawa ninyo. Mahirap pa naman itong tanggalin sa balat. Hay nako!”
“Hay nako!” panggagaya nito sa reaksiyon ko at tinampal pa ang noo.
BINABASA MO ANG
Love and Obsession
General FictionMontehermoso Series 2 (GENERAL FICTION) (COMPLETED) HIS LOVE, HIS OBSESSION Keehana Louise and Alfonso Montehermoso Pinaniwala si Keehana Louise na isang negosyante lamang ang lalaking aksidente niyang nakuha ang buong atensiyon. Ang hindi niya alam...