Keehana
Kung ano ang nararamdaman ko ay tila ganoon din ang kay Mama. Nanubig ang mga mata nito nang makalapit sa amin. Kapuwa hindi pa rin makapaniwala na nasa harapan na namin ang isa’t isa.
Dinamba ko ito ng yakap sa sobrang bigat ng dibdib ko at doon na napaiyak nang husto. “I miss you, M-Mama,” nanginginig kong saad habang mahigpit itong yakap.
Ang lahat ng pag-aalala ko at lungkot na naipon mula pa noong makulong ito ay agad na naglahong parang bula. Napalitan ng saya ang puso ko, lalo na at nayakap ko na itong muli matapos ang ilang taon na pangungulila.
Saka lang kami bumitiw nang mapagpasyahan naming maupo na. Kaharap ko ito habang ang lalaki ay tahimik lang sa tabi ko.
Nang mapansin ni Mama si Al sa tabi ko ay agad na nawala ang mga ngiti nito at napalitan ng kaseryosohan. Ngunit imbis na pansinin pa ito lalo ay ibinaling na lang nito ang atensiyon sa akin at saka ngumiti. Kinuha nito ang kamay ko na nakapatong sa mesa at mariin iyong hinawakan.
“Keehana anak, ang laki na ng ipinagbago mo. Ang ganda-ganda mo na lalo.” Gumala ang mga mata nito sa kabuoan ko na ikinangiti ko lamang nang tipid. Nang ibalik nito ang tingin sa mukha ko ay natigilan ito sandali. “Parehas pala kayo ng mga mata at kilay ng ama mo.” Halos bulong na lang iyon ngunit umabot pa sa pandinig ko.
Nagtataka man ay pinili kong ibahin ang usapan dahil ayokong marinig pa ang tungkol sa ama kong matagal nang wala sa buhay namin. Hindi ko siya hinahanap at kailangan.
Huminga ako nang malalim. “Ma, malalaki na ang mga apo mo at bunso,” kuwento ko rito sabay labas ng phone na hindi naman galing sa akin. Doon ito napangiti nang lubos at sumilip sa screen ng phone. Ipinakita ko ang litrato ng mga kapatid ko na magkakasamang nakatayo sa harap ng malaking flat screen TV noong pasko, habang nasa unahan sina Althea, Gisselle at Kisses.
“Eto na ba ang mga apo ko?” hindi makapaniwalang tanong nito nang mapansin ang kakaibang mukha ng dalawang bata sa harapan. Kapansin-pansin ang dalawa dahil sa mga hitsura nila na kakaiba kaysa sa mga kapatid ko.
Marahan akong tumango rito at napangiti. “Opo, si Gisselle at Kisses, Mama. Halos kasing edaran lang po ni Althea.” Sabay turo ko sa paslit na bunsong kapatid ko na nakaakbay kay Kisses. “Ang lalaki na nila, Ma, ano? Gustong-gusto kang makita ng mga bata. Hayaan mo, kapag puwede na ay dadalhin ko rito ang mga bata para makita ninyo.”
Napangiti ito at sunod-sunod na tumango. “Kumusta ka na pala, anak?”
Natigilan ako sa tanong na iyon. Bagamat nais kong magkuwento sa mga pinagdadaanan ko ay tanging ngiti lamang ang itinugon ko dahil sa lalaking katabi ko. “Okay lang po, Ma. Kayo po? Nangayayat kayo, a.”
Lumubog na ang pisngi nito at parang ang bilis nalipasan ng panahon. Siguro ay dahil sa lungkot at stress dito.
Mahina itong natawa bago sumandal sa sandalan ng kinauupuan. “Okay na ako ngayong nakita na kita na maayos, Keehana anak. Sana lang ay madalaw mo ako ulit dito, kasama ang mga bata,” anito na may munting hiling pa sa huli.
Ngumiti ako dahil talagang gagawin ko iyon kapag puwede na.
“Baka sa susunod na pagbalik namin, Ma. Hindi ko kasi alam kung ilang araw kaming mananatili rito . . .”
Natigilan ako nang sumabat agad si Al sa tabi ko.
“We will visit you here often, Tita. Do not worry.”
Napamaang kami pareho sa narinig. Makaraan ay nilingon ko ang lalaki na seryoso lamang ang mukha.
“Ilang taon na . . .” Huminto ang aking ina sa pagsasalita na ikinatingin ko rito, nagtataka kung ano ang sasabihin nito sa lalaki. “Ilan taon na simula nang gaguhin mo ang anak ko nang dahil sa akin. Masaya ka na ba na nakuha mo na ang nais mo? Naanakan mo na ang anak ko, a? Naipakulong mo na rin ako. Bakit nandito ka pa rin? Ano pa ang kailangan mo?”
BINABASA MO ANG
Love and Obsession
General FictionMontehermoso Series 2 (GENERAL FICTION) (COMPLETED) HIS LOVE, HIS OBSESSION Keehana Louise and Alfonso Montehermoso Pinaniwala si Keehana Louise na isang negosyante lamang ang lalaking aksidente niyang nakuha ang buong atensiyon. Ang hindi niya alam...