Keehana
Napamaang ako sa sinabi nito. Kalaunan ay napatango-tango na lang. Kung ganoon, parehas na pala kaming pamilyado na. Mabuti naman para sa kaniya na nakapag-abroad na siya, at least ay matutulungan na niya ang pamilya niya na matagal na niyang pinapangarap gawin.
“Si Martin naman, matagal na simula nang bumalik ulit sa trabaho. Baka next year pa iyon makakapagbakasiyon ulit,” aniya pa at ngumiti. “And si Kuya, dito na siya mananatili para maalagaan kayo ng mga bata. Alam kong hindi ka komportable sa kaniya at may kasalanan siya sa iyo, pero huwag mo sanang ipagkait sa kaniya ang mga bata, ha? Gustong-gusto niya kasi magkaanak noon pa kaya ngayong mayroon na siya ay masayang-masaya na. Mahal na mahal niya ang mga anak ninyo.”
Daglian akong nag-iwas dahil sa huling sinabi nito. Pansin ko naman iyon. Tuwang-tuwa ang lalaki sa dalawang bata. Siya nga madalas ang nagkakarga roon at nagpapatulog. At wala naman akong balak na ipagkait sa kaniya ang mga bata. Ni wala akong balak na itakas ang mga iyon para ilayo sa kaniya. Ano naman ang maipapalamon ko sa mga bata? Hindi ko sila kayang buhayin nang mag-isa lang lalo na at may mga maliliit pa akong kapatid.
Huminga ako nang malalim matapos padedehin ang mga bata. Bumalik ako sa kama upang harapin si Ate Thy na malamlam ang mga tingin sa akin.
Nginitian ko ito nang tipid. “Makakaasa ka, Ate . . .”
Pagsapit ng gabi ay nagkaroon ng salo-salo sa hapag. Napakaraming nilutong ulam dahil sa dami namin. Nakakapanibago dahil simula nang manirahan kami rito ay ngayon lang naging ganito kaingay at kasigla ang hapag-kainan. Puro mga naggagandahan at naggaguwapuhan ang lahi nila, nakakahiya tuloy lalo.
Ngunit kung gaano kasaya ang gabing iyon ay ganoon naman kalungkot nang mga sumunod na araw, buwan, at naging mga taon.
Hindi ko maintindihan ang sarili ko. Matinding lungkot ang lumulukob sa akin sa araw-araw at para ba akong mababaliw nang husto. Hindi ko alam kung ano ang problema sa akin. At naiinis ako sa sarili ko dahil doon. Sa tuwing wala si Al sa paligid ko ay umiiyak ako nang lihim at sinasaktan ang sarili. Para akong bumalik noong mga panahon na ginawan ako ng nakakapandiring bagay ng mga kaklase kong lalaki. Galit at nandidiri ako sa sarili ko.
Mariin kong naihilamos ang palad sa mukha habang nakaupo sa dulo ng canteen ng paaralan na pinapasukan ko, nag-iisa at walang makausap nang matino.
Paano, minamalditahan ako ng kaklase kong babae na itinuring ko nang kaibigan sa loob ng ilang taon ko na pag-aaral dito. Okay naman kami noong una at alam na nito—pati ng mga kaklase ko na pamilyado na ako dahil hatid-sundo ako palagi ni Al kasama ang mga bata. Ang hindi ko lang maintindihan ay kung bakit sinungitan niya ako matapos kong hindi siya pasakayin sa sasakyan pauwi kahapon dahil nais niyang makisabay para raw makilala niya si Al at ang mga anak ko. Unang-una, hindi naman akin ang sasakyan na iyon at hindi rin pumayag si Al na magpasakay ng ibang babae roon maliban sa mga kaanak niya. Hindi ko alam doon sa lalaking iyon at parang allergic sa ibang babae na hindi niya kilala.
Paglabas ko ng school ay tahimik akong naupo sa waiting shed at humawak sa magkabilaang strap ng bag ko. Hindi ko pinansin ang mga naglalabasang mga estudyante sa unahan at tinanaw lamang ang mga sasakyan na lumalampas sa akin.
At hindi ko sana papansinin ang dalawang babae na lumapit sa akin kung hindi lamang ang mga ito humarang sa tinatanaw ko.
“Oh, ano? Kalat na sa buong school na malandi kang babae. Bumingwit ba naman ng mayaman.” Mapang-insulto nito akong pinasadahan ng tingin. Si Estrella na itinuring kong kaibigan at ang kasama nitong dati na niyang kaibigan.
Akala ko mga mababait, may mga sungay pala.
Walang emosiyon ko itong tiningnan at humalukipkip. “Tumigil ka na nga, Estrella. Hindi ko naman alam kung ano ang ipinuputok ng butsi mo.” Dagdag problema pa itong babaeng ito. Kung alam ko lang na ganito ang ugali niya ay hindi ko na sana pinansin noong una pa.
BINABASA MO ANG
Love and Obsession
General FictionMontehermoso Series 2 (GENERAL FICTION) (COMPLETED) HIS LOVE, HIS OBSESSION Keehana Louise and Alfonso Montehermoso Pinaniwala si Keehana Louise na isang negosyante lamang ang lalaking aksidente niyang nakuha ang buong atensiyon. Ang hindi niya alam...