Kabanata 18

6.8K 216 38
                                    

Keehana

Tulad ng sabi ni Al, pagsapit ng Linggo ay inaya kami nitong magtungo sa dati naming bahay ng mga kapatid ko. Isinama namin si Melanie na panay ang lambitin sa leeg ko at kay Al.

Namimilog na ang katawan nito dahil sagana sa pagkain lagi. Puro laro lang ang inaatupag.

“Pupunta po tayo sa bahay namin, Kuya?” tinig ng paslit na nakaupo sa likod. Kay gara ng suot nitong bestida na binili pa ni Al sa aking amo—sa kaniyang kapatid.

Minsan, nakakatakot isipin na ang laki na ng nagastos nito para lamang sa aming magkakapatid. Mula sa mga gamit, pagkain, hanggang sa mga gadget. ’Yong mga bagay noon na kay hirap makamtan, tipong kailangan pa naming maghirap nang husto bago makuha, ngayon ay nakukuha namin sa isang kisap ng mga mata.

Kung sakaling naging isa akong mukhang pera o gold digger, tiyak na aakitin ko pa ang lalaking ito at pakakasalan. Kaso hindi ko kaya, at hindi ko rin alam ang kahihinatnan ko kapag ginawa ko ang bagay na iyon. Baka masakal niya ako at patayin bago pa ako makatapak sa labas ng gate.

“Yup, Melanie. Kukuhanin natin ang ibang mahahalagang gamit ninyo roon, pero hindi na kayo babalik pa roon para manirahan, hmm?” ani Al na ikinatingin ko rito nang matiim. Tumango ang bata na ikinangiti ng lalaki. Tumingin pa si Al sa akin sandali bago nito ibalik sa kalsada ang atensiyon. “Gusto mo pa bang tumira sa bahay ninyo dati? O gusto mong sumama sa akin sa Zambales? Maganda roon at malawak ang lupa. Tiyak na mag-e-enjoy ka,” dagdag pa nito na halata namang pinariringgan ako.

“Ayaw ko na sa dati naming bahay. Mas gusto ko sa malaking bahay na may swimming pool,” ngingiti-ngiting turan ng kapatid ko na ikinatampal ko ng noo.

Kahit naman ako ay ayaw ko nang bumalik sa buhay namin noon na puro kahirapan at minsana’y kagutuman. Pero kasi, parang iba ang pakiramdam ko sa buhay na tinatahak namin ngayon.

Medyo mahaba ang naging biyahe at sa dami nitong nilikuan ay hindi ko na naman nasundan pa ang daan papunta sa amin.

“Here, Keehana. Wear this,” aniya pagtapat namin sa bahay. Isa iyong sumbrero na nais nitong suotin ko upang bahagyang takpan ang mukha ko. Alam kong makikilala pa rin ako ng mga taga-rito, ngunit mas mainam na iyon upang maitago ko nang bahagya ang mukha. Sinuotan din nito ang kapatid ko bago maunang bumaba upang pagbuksan ako.

Hindi pa man kami nagtatagal doon ay napansin ko na ang iilan naming kapit-bahay na nagkaniya-kaniyang dungaw sa kani-kanilang mga bakod at bintana. Takaw atensiyon pa naman masiyado ang magarang sasakyan ni Al.

“Si Keehana ba iyan? Laki na ng ipinagbago, a.”

Hirap akong napalunok nang mag-umpisang umugong ang usapan pagkababa ko. Kinuha ni Al ang kapatid ko sa backseat bago ako nito hilahin papasok sa bahay na agaran nitong tinanggal sa pagkakandado.

Ngunit kahit sa pagpasok namin ng bahay ay hindi matigil-tigil ang mga tinig sa labas. Nag-umpisang manginig ang mga kamay ko at tuhod dahil sa ideyang iyon. Unti-unting kinain ng kaba ang sistema ko lalo na nang kung ano-ano na ang narinig ko.

“Tiyak na pineperahan niya lang ang hepe ng siyudad. Mana talaga sa nanay na mukhang pera.”

“Ay, totoo! Tingnan mo, sa katagalan ay presinto na ang bagsak niyan ni Keehana. Pera lang naman ang habol niya, tiyak na mawawala rin ang bisa ng gayuma kay Sir.”

Love and ObsessionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon