HIS LOVE, HIS OBSESSION
Keehana
Halos hindi ko malunok ang kinakain habang nakayuko. Manginig-nginig pa ang mga kamay ko habang sumusubo ng pagkain sa harapan ni Al. Alam naman nitong kanina pa ako naaasiwa at nahihiya sa kaniya, ngunit patuloy pa rin siya sa ginagawa niyang lantarang paninitig.
Marahan kong kinuha ang isang baso ng tubig at sumimsim doon, iwas na iwas pa rin ang tingin sa lalaki.
Nahihiya ako para sa sarili dahil sa ginawa namin. Dapat ay magalit ako rito dahil inisahan niya na naman ako, kagabi at kanina. Ngunit hindi ko maintindihan ang sarili ko kung bakit hindi ko iyon magawa-gawa. Ako pa ang nahihiya rito. Ako pa ang natatakot at nangingilabot.
Lihim kong kinurot ang sarili bago ipagpatuloy ang kinakain.
“Pagkatapos nito, magsipilyo ka na at dumeretso sa kuwarto, Keehana. Mag-uusap tayo,” ma-awtoridad na anito na muntik ko nang ikalundag.
Sunod-sunod akong tumango at lumunok. Sa gilid ng mga mata ko ay nakita ko pa ang pasimpleng pagtitig sa akin nang matiim ng matandang kasambahay ni Al. Nakatayo lamang ito sa gilid habang hinihintay kaming matapos.
Kaya nang matapos kumain ay nagpahinga kami saglit bago maglinis ng mga ngipin. Nagpaiwan pa saglit ang lalaki sa sala na may kausap sa telepono kaya nauna na ako sa taas.
Nanlalamig ang buo kong katawan nang sumiksik sa balkonahe ng kuwarto. Hindi ko alintana ang kalamigan ng gabi dahil sa pagkatuliro ng isip ko.
Papaano kung kainin na naman niya ang mga labi ko mamaya? Nangingilabot at kinakabahan pa naman ako masiyado sa mga ginagawa niya. Hindi ako nakakapalag dahil sa lakas niya.
Mula sa puwesto ay dumungaw ako sa ibaba na binabantayan ng mga guwardiya niya. Napabuga na lamang ako ng hininga at mahinang tinampal ang pisngi.
Nang maulinigan ko ang pagbukas ng pinto ng kuwarto ay agad akong umalis sa balkonahe at hinarap ito na hinanap agad ako pagkapasok ng kuwarto.
Hindi ko alam kung ano ang iniisip niya ngayon dahil sa kaseryosohan ng mukha niya. Sana lamang ay hindi tungkol kanina.
“Sit here,” mariing utos nito at sinulyapan ang espasyo sa tabi niya.
Kahit nahihiya ay tinabihan ko siya at agad na kinagat ang ibabang labi.
Hindi ko na nagawang umimik pa at hinintay na lamang itong magsalita. Ni wala rin akong imik nang i-unat nito ang braso sa kinasasandalan kong sofa.
“Nagustuhan mo ba rito, hmm?”
Saglit ko itong nilingon at hilaw na tumawa. “O-Oo, e. Maganda kasi,” tugon ko na totoo naman.
Marahan itong tumango habang hindi inaalis sa mukha ko ang tingin. “Nais mo pa bang bumalik sa inyo? Sa bahay ninyo, I mean,” tikhim nito at pasimpleng inangat ang sulok ng labi.
Alanganin akong tumango dahil sa inaasta nito ngayon. Tila may kakaiba sa paraan ng pagngiti nito sa akin. “Oo, Al. Hindi namin iyon maaaring ipagpalit sa bahay mo.” Sinubukan kong magbiro ngunit ako lang ang natawa sa sinabi kong iyon. Nag-iwas na lamang ako ng tingin dito at pasimpleng hinawi ang buhok.
“Babalik kayo roon bukas? How about those guys? Oras na magsampa tayo ng kaso laban sa kanila ay tiyak na babalikan ka ng mga iyon,” paninindak nito na ikinakaba ko naman.
Muli ko itong nilingon at nahintakutan. Malaki nga ang posibilidad na mangyari iyon lalo na at involve sila sa mundo ng droga. Maaari nila akong balikan at patayin, at iyon ang ikinatatakot ko. A-Ayoko pang mamatay.
BINABASA MO ANG
Love and Obsession
General FictionMontehermoso Series 2 (GENERAL FICTION) (COMPLETED) HIS LOVE, HIS OBSESSION Keehana Louise and Alfonso Montehermoso Pinaniwala si Keehana Louise na isang negosyante lamang ang lalaking aksidente niyang nakuha ang buong atensiyon. Ang hindi niya alam...