HIS LOVE, HIS OBSESSION
Keehana
“Mama? Tapos na po ba kayo riyan?”
Natigil lamang ako sa pag-iisip nang marinig ko ang malambing na boses ni Lanie. Marahas akong napalunok at tila roon lang ako bumalik sa sarili.
Napangiti ako. “S-Sandali lang, baby. N-Naliligo pa a-ako,” tugon ko at inayos ang sarili.
Muli kong nilinis ang katawan ko upang pakainin na ang bata.
Pinilit ko lamang ang sarili ko na kumilos kahit na wala na akong sapat na lakas.
“Ano po ang nangyari sa mukha ninyo, Mama?” ang nagtatakang tanong agad sa akin ni Lanie pagkalabas ko ng banyo.
Malungkot akong napangiti at inilingan ito. Dumeretso ako sa kusina at naghanda ng kakainin namin. Hindi ko na nagawa pang sagutin ang inosenteng tanong nito.
Kailangan kong magpakatatag. Hindi dapat ako magpakain sa takot at lungkot dahil may mga umaasa sa akin na mga tao, at iyon ay ang mga kapatid ko. Kailangan nila ako kaya pipilitin ko ang sarili na kalimutan iyon—kahit pa napakahirap.
Nang makakain kami ay nagkulong ako sa kuwarto naming magkakapatid at muling umiyak. Ilang oras na lamang at mag-uuwian na ang mga kapatid ko galing eskuwela. Susunduin pa namin sila ni Lanie.
Takot na takot pa akong lumabas niyon pero pinilit ko ang sarili, masiguro lamang na ligtas mula sa kapahamakan ang mga kapatid ko.
Kung maaari ko lang sanang ibaon pansamantala ang sarili sa lupa ay gagawin ko na, makatakas lang kahit saglit mula sa kahihiyang tinamo ko dahil sa ginawang kagaguhan ng mga kaibigan ni Marco.
Walang oras na hindi ako umiiyak at nagwawala dahil sa galit at sakit.
Totoo nga ang sinabi nila na ipakakalat nila iyon. At ngayon ay pinagpi-piyestahan na ng mga tao ang katawan ko roon.
Sobra-sobra ang kahihiyan na natamo ko, maging ang school ay nagulat sa nabalitaan. Muntik pa nga nilang hindi ibigay sa akin ang card ko, kung hindi lamang ako umiyak at nagmakaawa sa kanila noong Sabado.
Tiyak din na hindi na ako makakapasok pa roon next school year dahil sa kahihiyan.
Dahil din sa nangyari ay napahiya ang mga kapatid ko sa mga kaklase nila. Naging tampulan din ako ng tukso lalo na sa social media. Napaka-suwerte nila dahil hindi na-video-han ang mga mukha nila, ako lamang, kaya wala pang ibang nakaaalam hanggang ngayon kung sino ang mga lumapastangan sa katawan ko.
Napapikit ako nang mariin.
Natatakot akong sabihin sa ibang tao ang totoo. Ni wala akong mapagsabihan ng problema ko, kahit na ang mga kapatid ko. Gusto kong maglabas ng sama ng loob sa ibang tao ngunit inuunahan agad ako ng kahihiyan. Nais kong si Mama lamang ang makausap dahil mapagkakatiwalaan ko siya.
Iniiwasan ko na nga rin si Al na araw-araw nagpupunta rito para makausap ako. Hindi ako nagpapakita sa kaniya. Palagi kong ipinapasabi sa mga kapatid ko na ayokong may makausap. Ayokong lumabas ng bahay. Ayoko sa presensiya ng mga lalaki lalo na kung ibang tao.
Ilang ulit ko nang sinusubukang kausapin si Mama pero bigo ako palagi. Ilang load na ang nasayang ko para lamang makausap ito pero wala talaga itong tugon at paramdam. Ni hindi man lang kami naisipang bisitahin dito kahit saglit.
Hindi ko na alam ngayon kung papaano ko haharapin ang mundo, ang mga kahihiyan at problema na nakaabang sa akin oras mismo na tumapak ako palabas ng bahay. Natatakot ako sa lahat ng maaaring mangyari.
BINABASA MO ANG
Love and Obsession
General FictionMontehermoso Series 2 (GENERAL FICTION) (COMPLETED) HIS LOVE, HIS OBSESSION Keehana Louise and Alfonso Montehermoso Pinaniwala si Keehana Louise na isang negosyante lamang ang lalaking aksidente niyang nakuha ang buong atensiyon. Ang hindi niya alam...