Keehana
Nag-iwas na lamang ako ng tingin at bumaling kay Ate na nakapamaywang at blangko ang mukha habang nakatingin sa asawa na nang-aasar. Nang mapatingin ito sa akin ay tumuwid ito ng tayo at ngumiti.
“Good morning po. . .”
“Good morning, too, Keehana. I will be very busy today kaya hindi kita matuturuan. You can work here muna at tuturuan ka naman ni Angela sa mga gagawin mo. Biglaan kasi at rush ang ipapagawang mga bestida ng pinsan ko kaya kailangan naming tapusin agad.” Huminga ito nang malalim at iniharap ako sa mga tauhan nito. “Alright. Kayo na ang bahala sa kaniya. I’ll go upstairs na para makapagsimula na kami ng mga mananahi ko.”
Iniwan kami nito kaya napahinga ako nang malalim. Agad naman akong nilapitan ng mga kasama ko at tinuruan ng mga dapat na gawin.
Nang magkaroon kami ng mga kustomer ay nasubok ang kumpiyansa ko sa sarili. Halos karamihan sa kustomer nila ay may mga sinabi sa lipunan. Puro mga galante na kayang-kayang magpagawa at bumili ng mga mamahaling kasuotan.
Halata ngang sikat itong shop dahil marami ang dumadayo.
Nakatayo lamang ako sa tabi ni Angela habang binabalot nito sa puting kahon ang binili ng kustomer naming galante na gown. Parang pang-party iyon ng mga mayayaman.
“Pakiputol naman itong dulo, Keehana,” anito nang maitali na ang kahon at ginawang pa-ribbon ang kumikislap-kislap na palapad na tali niyon.
Daglian kong pinutol ang dulo ng tali at napangiti. Pati pambalot nila ay kay ganda tingnan. Sunod naming inasikaso ang paglalagyan ng heels na partner ng gown na iyon, at nang matapos ay nilingon ko ang mga kasamahan namin na abala rin sa ginagawa. Naparami bigla ang mga kustomer.
Sandali kong sinulyapan si Al na prenteng nakaupo sa couch sa gilid habang katabi si Sir Steve na nakikipagdaldalan sa kaniya. Nahuli ko pa ang mabibigat na titig sa akin ni Al na para bang hinahagod ang buo kong pagkatao.
Agad akong nag-iwas dala ng pagkailang.
Nang sumapit ang tanghali ay pansamantalang isinara ang shop para makakain kaming lahat. Bumaba rin sa wakas si Ate Thy na kasama ang mga mananahi niyang propesyunal. Karamihan doon ay mga may edad na.
“Sorry, guys. Hindi kami makakasabay sa tanghalian ninyo but I already ordered foods for your lunch. May kailangan pa akong puntahan diyan sa may tabi-tabi. We’ll be back after an hour,” ani Ate habang nagtitipa sa phone nito.
Sumenyas ito sa asawa at sa amin ni Al matapos na ikinakunot ng noo ko. Ngunit nasagot din ang pagtataka ko nang dakmain ni Al ang kamay ko at walang pasabing hinila palabas.
Hindi ko na nagawa pang umimik nang ipasok ako nito sa backseat ng sasakyan ng mag-asawa. Sunod itong naupo sa tabi ko at pinagmasdan pa ako.
Bakit kasama pa ako?
Nang tumunog ang makina ng sasakyan ay tumingin ako sa unahan kung nasaan ang mag-asawa.
“Alright,” ani Ate at sinulyapan ako mula sa salamin. “Huwag kang kabahan, Keehana. Diyan lang tayo sa restaurant para naman makilala mo ang pinsan kong babae na naka-jackpot ng galante. Siya ’yong nagpa-rush ng mga damit kanina.”
Tahimik akong tumango, iyon lang pala.
Napahinga na lamang ako nang malalim at sumiksik sa gilid, dahilan upang maalis sa hita ko ang kamay ni Al. Nilingon ako nito ngunit umakto akong hindi ito napapansin. Walang imik kong tinanaw ang labas ng bintana at natulala.
Muli ko lamang naramdaman ang pait sa lalamunan nang maalala ang naging pagtatalo namin ng lalaki kanina.
“May tampuhan? Break na?” dinig kong tanong ni Ate na ikinatawa agad ng asawa nito sa unahan.
BINABASA MO ANG
Love and Obsession
General FictionMontehermoso Series 2 (GENERAL FICTION) (COMPLETED) HIS LOVE, HIS OBSESSION Keehana Louise and Alfonso Montehermoso Pinaniwala si Keehana Louise na isang negosyante lamang ang lalaking aksidente niyang nakuha ang buong atensiyon. Ang hindi niya alam...