Twenty-fifth Tears

1K 18 0
                                    

Nagising akong madilim na sa labas, ang haba pala ng tinulog ko. Mabigat ang pakiramdam kong bumangon, tinatamad naman ang paa kong humakbang. Pupungay-pungay ang mata kong nanalamin, namaga ng konti buhat sa pag-iyak. Akala ko paggising, panaginip lang ang lahat ng nangyari kanina totoo pala. Naghilamos ako upang mahimasmasan, pinagdarasal ko na sana nakaalis na si Morris dahil hindi ko alam kung paano ko siya haharapin.

Dahan-dahan ang ginawa kong paghakbang upang 'di makagawa ng ingay. Panay ang tingin ko kaliwa't kanan naninigurado na walang makakakita sa akin. Nakahinga ako ng maluwag dahil wala ng tao sa hapag kainan gabi na rin baka umuwi na si Morris. Si Primo malamang nasa kwarto nito o sa opisina. Nagtungo ako sa kusina naabutan kong nagluluto si Nanay Flor.

“Gising ka na pala anak. Nagpunta ako sa kwarto mo kanina dahil pinapatawag ka ni Primo e ang himbing ng tulog mo kaya hindi na kita ginising,” saad niya habang naghihiwa ng gulay. Mukhang sinigang na sugpo ang iluluto niya.

“Bakit po niya ako pinapatawag?” nagtataka kong tanong.

“Dahil uuwi na raw iyong bisita niyo magpapaalam sana,” sagot ni Nanay Flor. Akala ko pa naman si Primo ang nakaalala sa akin si Morris lang pala. “Ba't bigla ka yatang nalungkot?”

“May naalala lang po ako,” mabilis kong sagot. Naalala ko lang ang pag-uusap nila kanina at hanggang ngayon nasasaktan pa rin ako. Ano ba ang dapat kong gawin? “Nay, kung may gusto kang malaman pero ayaw naman niyang sabihin tama ba na pag-isipan mo siya ng masama?”

“Ayaw niyang sabihin marahil may dahilan. Maaaring ayaw niyang makasakit ng damdamin. Puwede rin nasasaktan siya kaya pipiliin na lang niyang kalimutan o ibaon sa limot. Pero huwag mo siyang husgahan dahil hindi mo naman alam kung ano ang totoong nasa puso at isip nung tao.” Hininto niya ang kaniyang ginagawa at umupo sa harapan ko.

“Pero paano po kapag nalaman mo mismo na hindi ikaw ang gusto niyang makasama sa hinaharap, mananatili ka pa ba?” malungkot kong tanong.

Sa tuwing sumasagi sa isip ko ang plano ni Primo para sa kanila ni Hana parang ako ang malaking balakid.

“Sinabi ba niya mismo?” Nagkibit-balikat lang ako. “Kung sabi-sabi lang o narinig kung saan huwag kaagad tumalon sa konklusyon mainam niyan e konprontahin. Alam mo anak kapag nakapagdesisyon ka ng mali hindi mo alam kung may pagkakataon ka pang maitama. Huwag mo akong gayahin dahil sa maling desisyon ko nawala sa akin ang lalaking minahal ko.” Lumungkot ang mukha ni Nanay Flor pati na rin ang boses.

“Ano pong nangyari?” tanong ko.

Kahit kailan hindi nagkwekwento si Nanay Flor tahimik siyang tao nagulat ako dahil siya mismo ang nagbukas at may ganito palang kwento ang kaniyang buhay.

Hindi agad nakasagot si Nanay Flor tumingin siya sa akin at nginitian ako ngunit ang ngiti na pinakita niya ay mababakasan ng pait at sakit.

“Dahil sa hirap ng buhay namin noon sa probinsiya, namasukan ako bilang kasambahay sa pamilya Acosta. Doon kami nagkakilala ni Antonio hardinero siya sa mansion. Naging matalik kaming magkaibigan hanggang sa lumalim ang nararamdaman namin para sa isa't isa. Isang araw day off namin kaya niyaya niya akong mamasyal, maghapon akong naghintay sa kaniya ngunit hindi siya sumipot. Dahil sa nangyari marami na akong naririnig na balita tungkol sa kaniya hanggang may nakapagsabi sa akin na may kasama itong ibang babae nung araw na dapat kami mamasyal. Sa nalaman ko nawala ang tiwala ko kay Antonio. Lahat nang pinapakita nito sa akin ay may kalakip na pagdududa. Isang gabi nakita ko siya mismo na may kausap na babae kasamahan ko rin bilang kasambahay. Binigyan niya ito ng bulaklak at ang lawak ng ngiti nito sa labi. Napagtanto kong tama nga ang naririnig kong balita tungkol sa kaniya. Nung gabi rin na iyon nagpaalam ako sa amo ko, nilisan ko ang lugar na iyon at nagpunta sa Manila. Napadpad ako sa pamilya nina Primo at nagsimula ng panibagong buhay. Makaraan ng isang taon may isang tao na hindi ko inaasahang makikita ko. Ang babaeng naging dahilan pinaliwanag niya sa akin ang maling pagkakaintindi ko. Walang namamagitan sa kanilang dalawa tanging ako ang minamahal ni Antonio. Nung nalaman niyang umalis ako, umalis din siya sa mansion at hindi na nila alam ang nangyari sa kaniya. Kung nagtiwala lang sana ako sa kaniya at hindi siya pinag-isipan ng masama baka may masaya na kaming pamilya.” Mahabang kwento ni Nanay Flor, sa bawat pagkwekwento niya nakikita ko ang sarili ko kay Nanay Flor. Dapat ba akong magtiwala kay Primo at huwag siyang pag-isipan ng masama?

A Wife's Tears ( Completed )Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon