Natulala si Beatrice sa pinagtapat sa kaniya ni Nanay Flor. Halos hindi siya humihinga, nakaawang ang bibig at hindi kumukurap. Nakatingin lang siya sa matanda na para bang namatanda.
Sobra naman ang pag-alalang nararamdaman ni Nanay Flor sa sinapit ni Beatrice. Sinisisi niya tuloy ang kaniyang sarili kung ba't pa niya pinagtapat. Pero iniisip ng matanda nararapat lang na malaman niya dahil magulang niya ito. Sabihin man niya o hindi kalaunan malalaman din niya sa iba, mas mabuting sa kaniya manggaling.
“Anak, magsalita ka naman. Sabihin mo kay Nanay makikinig ako sa'yo.” Inalog niya si Beatrice upang matauhan.
May pumatak na luha sa pisngi ni Beatrice. Una patak lang hanggang sa wala ng humpay ang pagdaloy nito. Nahabag ang matanda sa kalagayan ni Beatrice. Pinipiga ang puso niya sa sinapit nito, mula sa paghihirap niya kay Primo hanggang sa kamatayan ng kaniyang magulang.
“N-nay, ano bang naging kasalanan ko upang parusahan niya ako ng ganito?” hinagpis na tanong ni Beatrice.
Hindi niya maintindihan dahil puro na lang pagdurusa ang kaniyang nararanasan. Tinatanong na rin niya ang Panginoon kung bakit hindi siya lumiligaya. Naging mabuti naman siyang tao sa lahat, magulang na nga lang ang bukod tanging nagpapaligaya sa kaniya ngunit kinuha pa rin.
“Huwag mong sabihin iyan anak, hindi ka pinaparusan ng ating Panginoon,” paliwanag ng matanda.
Pinapagaan niya ang kalooban nito sa abot ng kaniyang makakaya. Hindi niya pahihintulutan na magtanim ng galit sa puso ni Beatrice lalo na sa Panginoon dahil siya lang ang malakas nitong kakampi.
“Kung hindi bakit palagi na lang akong nagdurusa? Bakit hindi niya maibigay sa akin na lumigaya?” sunod-sunod na tanong ni Beatrice.
Walang tigil ito sa paghampas hanggang nasagi niya ang kutsilyo at siya'y nasugatan. Takot siya sa dugo pero sa mga oras na iyon hindi siya nakaramdam ng pagkatakot. Hinayaan niyang tumulo ito kagaya ng puso niya na ngayon ay nagdurugo.
“May dahilan ang ating Panginoon, Beatrice. Hindi niya ipagkakaloob sa'yo kung alam niyang hindi mo kakayanin. Maghintay ka lang at ibibigay din niya ang iyong hiling.”
Napahagulgol na lang si Beatrice, hindi niya alam kung maibibigay pa sa kaniya ang lumigaya. Si Primo na isang nagpapaligaya sa buhay niya ngunit pagdurusa naman ang kaniyang natatamasa. Tanging magulang na lang niya pero nawala pa sa kaniya.
Sa paghagulgol ni Beatrice niyakap na lang siya ni Nanay Flor upang maibsan ang bigat na kaniyang dinadala. Sasamahan niya ito mula sa kadiliman hanggang maging maliwanag na ang lahat para kay Beatrice.
Samantala, nang nalaman ni Primo ang nangyari sa magulang ni Beatrice agad itong nagtungo sa hospital. Alam niyang kinamumuhian siya nito dahil sa kagagawan niya kaya siya na-hospital. Iyon din ang dahilan kung bakit gumulo ang isip niya kaya palagi siyang wala upang makapag-isip. Hindi naman niya ginusto na gano'n ang kahahatungan ng lahat lalo na ngayon mas lalo siyang naawa kay Beatrice dahil sa pagkawala ng magulang nito.
Tinakbo niya makarating lang ng mabilis sa kwarto ni Beatrice. Dapat niyang maunahan si Nanay Flor, hindi dapat malaman ni Beatrice dahil sa kalagayan pa niya. Kapag nalaman niya baka hindi niya kayanin kaya iyon ang iniingatan ni Primo.
Agad niyang binuksan ang pinto nang makarating. Hinihingal siyang pumasok, nadatnan niya ang luhaang si Beatrice habang nakayakap kay Nanay Flor. Kinutuban na siya alam niyang huli na ang lahat. Wala siyang nagawa kung 'di panoorin ang paghihinagpis ni Beatrice sa bisig ng kaniyang yaya.
Naramdaman ni Beatrice na may nanonood sa kaniya kaya minulat niya ang kaniyang mga mata kahit napupuno ng luha. Tumambad sa harapan nito si Primo na namumula ang mata. Tumaas ang dugo niya nang makita niya ito, hindi pa rin mawala sa isip niya ang pangmomolestiya nito. Kahit asawa pa niya, kahit na mahal niya nandidiri siya sa kaniyang sarili. Alam niyang hindi na maibabalik pa kaya hanggat maaari ayaw na niyang makita at makasama kahit ang puso niya ay todo ang pagtutol.
BINABASA MO ANG
A Wife's Tears ( Completed )
RomanceIsa si Beatrice sa mga babaeng naniniwala sa fairy tales. Pero sa isang iglap lang, she lost her faith. Dahil sa kaniya nagsimula siyang maniwala na walang -Prince Charming -magic -dreams -love Nagsimula siyang maniwala na hindi lahat ng nababasa sa...