Chapter 8

467 27 1
                                    

MIKO

Buong akala ko ay makakapagpahinga na ako, sapagkat nandyan na ang araw at wala na ang mga halimaw.

Pero nagkamali ako.

Dahil habang nakahiga sa matalim na batuhan at pinapawi ang sakit ng katawan ay saka naman may mabibigat na yabag akong nadinig mula sa kalayuan.

Agad akong napatayo at iika-ikang tumakbo pabalik sa balete. Sa tulong ng sikat ng araw ay naging malinaw sa akin ang kapaligaran. Ngunit ito pa pala ang dahilan ng pagsama ng pakiramdam ko.

Dahil paikot sa akin ay ang nagkalat na bangkay at lamang loob ng aking mga kasamahang sinubok na maging katalonan. At hindi kalayuan sa kanila ay ang hindi ko matukoy ng mga halimaw.

Paika-ika akong bumalik sa balete. Halos gumapang na nga ako pabalik dahil ang sakit talaga ng binti ko. Habang naglalakad ay nangunot ang noo ko dahil nasa harapan ko na ang aking anino.

Papaanong?

Nasa likuran ko lang ito kanina, ah?

Pagtingala ko ay tila eroplano sa bilis ang paglubog ng araw.

"Saglit, kakasikat mo lang, ah!"

Napalakad takbo ako pabalik sa may balete.

Tss. Hindi ko talaga maintindihan ang dimensyong ito. Ang bilis ng araw at ang haba ng gabi! Kung sabagay, pugad nga naman ito ng mga halimaw.

*****

Nang makarating ako sa pinanggalingan naming balete kanina ay natagpuan kong nandoon din ang ilang hindi nakatapos ng quest.

Tatlo silang nandoon na nakasumambakol ang mukha. Ang nag-iisang lalake sa kanila ay pinagsusuntok ang balete ngunit walang nangyari.

Ang dalawang babae naman ay magkasamang nakaupo sa nakausling ugat ng balete. Si Girl 1 na may katangkaran ay pinaghihilom ang sugat sa braso ni Girl 2 na maliit ang pangangatawan. Sa suot nila ay mukhang service crew si Girl 2 dahil sa kanyang green polo shirt na uniform, at si Girl 1 naman ay hindi ko alam dahil nakasimpleng white shirt lang siya't black pants.

Paglapit ko sa kanila ay nakuha ko rin ang kanilang atensyon.

"Ayos ka lang ba?" Agad akong dinaluhan ng lalaki at inalalayan paupo sa tabi ng babaeng marunong maghilom.

Medyo natusok ang puwetan ko dahil sa tigas ng nakausling ugat, pero nakahinga na rin naman ako ng maluwag dahil sa napahinga ko na rin ang sugatan kong binti.

"Anong nangyari sa iyo? Nakagat ka ba ng halimaw?" Tumalungko ang lalaki upang tingnan ang sugat ko, nang magtagis ang panga niya pagkakita sa nakabaong bala sa 'king binti.

"Sinong bumaril sa iyo?" tanong ng lalaki.

"Ano?" tanong ni Girl 1 na napalingon sa amin.

"Paanong nabaril? E, puro halimaw kalaban natin dito," sabi ni Girl 2 na may sugat din.

Maging ang dalawang babae ay napasilip sa binti ko, hanggang sa silang tatlo na ang nakatitig sa akin sa pag-aabang sa 'king paliwanag.

"Ahh." Napakamot ako ng batok. Mapakla na naman akong natawa nang maalala ko ang masalimuot na pangyayari kanina.

"Ano lang naman," pagsawalang bahala ko. "Common na pangyayari lang sa oras ng kagipitan. Nagkaroon kami ng agawan sa halimaw, tapos binaril ako ng kaibigan ko. Kaya siya ngayon iyong nakalabas ng balete."

"Plastick pala, e," sabi ni Girl 2 habang sinisilip ang kagat sa kanyang brasong naghilom na.

Napapalatak naman ang lalaki at inayos paderetsyo ang pagkakalatag ng binti ko. "Mabuti naman at nakaligtas ka."

"Mmm." Tumango ako. "Sumikat din kasi iyong araw kaya namatay rin iyong manananggal."

"Paki gamot din naman siya, Chelsea," utos niya na tinanguan agad ni Chelsea, si Girl 1 na healer.

"Sige," sabi ni Chelsea.

Pumwesto siya sa tabi ko at tiningnan ang sugatan kong binti. Nangingitim na ito at namamasa ang slacks kong nababad na sa aking dugo kaya hindi na rin malinaw sa amin ang kalagayan nito.

"Punitin ko lang itong slacks, ah."

"Puwede bang maghubad na lang ako?"

Umarko ang kilay sa akin ng dalawang babae.

"Joke lang."

Bahagyang natawa naman ang lalaki at tinapik ang balikat ko. "Kukuha na lang ako ng pamalit mo."

May sikat ng araw pa rin naman kaya mukhang panatag pa naman ang loob niya na pumasok muli sa kagubatan. Pero hindi nakatakas sa aking mata ang paghawak nito sa espadang nakasabit sa kanyang bewang.

"Okay lang kaya siya?" tanong ko sa pag-aalalang may isang taong nagsasakripisyo sa akin ngayon.

"Si Allan?" tanong ni Chelsea habang hindi inaalis ang tingin sa pagtabas ng slacks ko gamit ang kutsilyo.

Allan pala ang pangalan niya.

"Oo, 'di ba natin siya pipigilan?"

"Huwag kang mag-alala. Malakas iyang si Allan, madami siyang napatay na halimaw kanina. Ang kaso nahuli lang siya sa paglabas dito dahil iniligtas niya kami ni Pamela."

Ahh. Napatango-tango ako.

Likas na matulungin pala siya.

Habang naghihintay kay Allan ay paikot-ikot si Pamela sa palibot ng balete tree at pinag-aaralan ito. Samantalang ako naman ay tinitiis ang sakit habang dinudukot ni Chelsea ang bala sa binti ko bago niya maisara ang sugat gamit ang kanyang kapangyarihan.

Nang matapos na rin ay saktong dumating si Allan na may dalang malinis na pants. Medyo natagalan daw siya dahil naghanap pa talaga siya ng malinis na siyang pinasalamatan ko.

Nang matapos ang pagpapalit ko ng damit ay napatayo si Allan sa gilid namin habang kaming tatlo ay nakaupo pa rin. Natulala kami sa papalubog na araw sa aming harapan hanggang sa paunti-unti, ay namuo mula sa lupa ang hamog na siya bumalot sa buong kagubatan.

Hanggang sa 'di nagtagal ay binalot na naman ng madilim na gabi ang buong mundong aming kinagagalawan.

Kung hindi lang puro halimaw ang nandito ay na-appreciate ko pa ang madaming nagkikislapang bituin nang mahulog ang isa sa mga ito at gumuhit sa kalangitan.

At sa isang kisap mata ay lumitaw ang burulakaw sa tapat namin.

"Kumusta, mga katalunan!" Masigla pa siyang kumaway. "Alam ninyo iyon? Imbes na maging ganap na katalonan kayo ay naging talunan kayo, katalunan!" Humagalpak sa tawa si Rula habang nanliliit ang tingin sa amin.

Walang umimik sa aming apat at nanatiling walang pakielam sa pang-aasar niya. Kaya natigil din siya't napatikhim.

Sino ba naman kami para sakyan ang biro niya 'di ba?

Mamaya pasabugin niya pa ang ulo namin.

Kaya imbes na umimik ay mapapatikom ka ng bibig.

Mukhang nabasa niya rin ang tensyon sa pagitan namin kaya nagseryoso na rin siya't tumuwid ng tayo habang lumilipad.

"Huwag kayong mag-alala dahil binibigyan kayo ng mga diwata ng pangalawang pagkakataon. Iyon ay kung magagawa ninyo ang misyon niyong ito."

Balete Quest

[Prove yourself to your Diwata]

Kill the dungeon boss of this Balete - the Marcupo

Category: Hidden Quest
Difficulty: B
Time Limit: N/A
Penalty for Failure: Death

"Dahil kung hindi niyo pa magagawang tapusin ang quest na ito ay alamninyo na ang mangyayari—lahat ng halimaw na narito ay makakalabas sa mundoninyo," dagdag hamon ni Rula.

Beast-Eating HeroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon