Chapter 32

353 21 1
                                    

MIKO

Tutulungan? O Hahayaan?

Hindi ko naman obligasyon na tumulong sa taong naghatid sa akin kay kamatayan.

Kung papabayaan ko siya rito ay matatahimik na rin ang kaluluwa ko nang dahil sa masalimuot na nangyari sa amin sa nakaraan.

Nanatili akong nasa ere. Pinapanood si William na nakikipagsapalaran sa tatlong berbalang. Maingay na pumapagas ang aking pakpak ngunit hindi niya ako pinansin.

Buo ang atensyon niyang nasa mga berbalang lamang. Nang biglang madulas ang berbalang na nasa hita niya't nakagat siya sa tiyan.

Napangisi ako sa nakakarinding pagpalahaw ni William sa sakit. Kinuha itong tiyempo ng isa pang berbalang at kinagat ang balikat niya.

Nanginig ang buong katawan ni William nang maging ang pangatlong berbalang ay tila nauulol din sa kagustuhang punutin ang balat niya't kainin.

Walang tigil sa pagsirit ang dugo sa tiyan at balikat ni William, at patuloy pa rin ang pagkagat sa kanya ng mga berbalang. Dulot ng karumaldumal na sakit ay hindi nagtagal at nawalan din siya ng malay.

"William!" Mula sa malayo ay humahangos na tumakbo ang tatlong katalonan at si Sumakwel patungo sa amin.

Agad kong itinaas ang aking kalis at lumundo pababa kay William. Sa isang hiwa ko ay napugutan ko ng ulo ang tatlong berbalang.

"William!" matinis na sigaw ng pamilyar na babae. Napasalmpak siya sa tabi ni William at itinapat ang kanyang mga palad sa sugatan nitong katawan.

Nurse Hazel?

Namumukhaan ko siya. Siya iyong nakasama ko sa tutorial quest.

Nagliwanag ang mata at ang palad niya. Tila may fog na namuo sa kanyang palad na gumapang at bumilot sa sugat ni William.

Dahan-dahang bumagal ang paghinga ni William hanggang sa kumalma siya. Ang kaninang tumatagatak niyang pawis ay natigil na rin. Ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin siya nagkakamalay.

"Mi . . . ko?"

Napalingon ako sa baritonong boses na tumawag sa akin. Malaki ang pangagatawan niya at may nakakatakot na matalim na tingin. May kaunting puti na rin siyang buhok at wrinkles ngunit sa laki ng palakol na bitbit niya ay hindi alintana sa edad niya ang pagiging katalonan.

Topless siya kaya hindi maipagkakaila na batak ang kanyang katawan. Nakasuot din siya ng pulang pudong at pulang bahag patunay na isa siyang mandirigma.

"Miko, ikaw ba iyan? Naging batak ka na, ah!" Napangiti siya ng abot tenga habang inuusisa ako mula ulo hanggang paa.

Ako naman ay nanliit ang mata sa kanya. "Ikaw iyong lasenggero, hindi po ba? Iyong sumuka at nahimasmasan noon nang may pinasabog na ulo si Rula."

Tila nababaliw na natawa ang kumpirmado kong lasing nga noong nasa tutorial pa lamang kami.

"Robert," pakilala niya nang mahimasmasan na siya. "Robert ang pangalan ko hindi lasenggero.

"Baka si Hazel nakalimutan mo na. Naalala mo pa ba?" Nginuso niya iyong babaeng abala sa paghihilom kay William.

Tulad ng pagkakakilala ko kay nurse Hazel noon na naka-puting nurse uniform. Ngayon naman ay nakaputing yambong siya na may asul na nakataling lubitan sa baywang.

Kakaiba ang yambong na suot niya ngayon dahil sa ang karaniwang hanggang talampakan na dress ay hanggang tuhod na lang sa kanya; kabaligtaran naman sa manggas na sinagad hanggang kanyang pulsuhan.

"Mmm-hmm. Iyong nurse na inakbayan mo dahil sa hindi ka makalakad."

Natawa ulit na parang lasing si Robert kahit hindi naman siya amoy alak.

Beast-Eating HeroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon