Chapter 28

349 27 1
                                    

MIKO

Hindi sila makapaniwala ng sabihin ko ang totoong pangyayari. Halos mangawit na ako sa 'king kinauupuan habang pinapaliwanag sa kanila ang nangyari sa akin sa nakalipas na pitong taon. Sinabi ko lang sa kanila na na-trap ako at doon ko nakilala si Sumakwel. Hindi ko na sinabi ang lahat dahil hindi pa rin ako handa.

At siyempre hindi rin ako papatalo kaya inalam ko rin ang mga nangyari sa kanila.

Si Papa ay nawalan ng paa matapos kainin ng higanteng gisurab. Si Mama ay tumigil sa trabaho upang alagaan si Papa. At si Ate naman ay hindi natuloy sa pagiging doctor dahil sa dinagsa na ng katalonan healers ang hospital.

Nagpatuloy naman na maging nurse si Ate at nadestino siya sa may Katalonan Health Service. Ito ang sariling clinic ng mga katalonan kung saan tumatanggap din ng mga sibilyan na kailangan ng paunang lunas.

Dahil sa pagtatrabaho ni Ate para sa mga katalonan ay nakilala niya si Nigel nang isang araw na masugatan ito. Mula noon ay madalas na ring magpunta si Nigel sa may KHS para lang din makita si Ate.

Sa haba ng kuwentuhan namin ay inabot na rin kami ng hapon. May katulong naman pala sila kaya may nakahanda na ring pagkain para sa 'min.

Nagtungo kami sa may dining table sa pangunguna ko kasi siyempre!

Modern food ito!

"Sumakwel, Sumakwel." Tinapik ko ang katabing upuan ko dahil panay pa rin ang pagsulyap ni Sumakwel sa pamilya ko.

Si Ate at Nigel kasi ay hinahanda ang hapag kainan. Samantalang si Mama ay tinutulungan si Papa na maupo.

Nanginginig ang braso ni Mama habang inaalalayan si Papa kaya agad na tumakbo si Sumakwel tungo sa kanila. Sinalo niya ang bewang ni Papa at madaling binuhat siya mula sa wheelchair tungo sa dining chair.

"Ahh," sigaw ni Papa sa gulat.

Natawa siya paglingon kay Sumakwel at nagpasalamat.

Nakaupo na rin si Mama kaya bumalik na muli si Sumakwel sa tabi ko.

"Upo ka na." Pagtapik ko sa malambot na upuan.

Nagniningning ang mata ni Sumakwel sa akin kaya 'di ako nakatiis na haplusin ang malambot na buhok niya. Napapikit si Sumakwel habang dinadama ang palad ko sa kanya, at yumuko pa siya para mas madali ko siyang maabot.

Akala mo siya tuta na tuwang-tuwa sa pagtapik ko sa ulo niya at kulang na lang ay magkabuntot siya na kumakaway.

"Salamat," malambing na sabi ko bago ko tanggalin ang kamay ko.

Umupo siya ng tuwid at abo't tenga ang ngiti na binigay sa akin.

Sabay kaming humarap sa may hapagkainan at 'di namin namalayang nakatingin na pala silang lahat sa amin.

"Ang close friends ninyo naman," kantyaw ni Ate habang nagsasandok ng kanin. "Oh, kumain na kayo ng friend mo."

Napangiwi ako ng iabot niya sa akin ang mangkok ng kanin. Ginamit ko iyong serving spoon at naglagay ng kanin sa plato ko. Gano'n din ang ginawa ko sa plato ni Sumakwel na maiging pinapanood ang ginagawa ko.

Kunot ang noo niyang kinuha ang kutsara na nasa plato niya at tinaas ito.

"Kutsara iyan," sabi ko.

Napa-ahh siya. Napatingin siya kina Mama at Papa na nagsimula ng kumain.

Ako naman ay abala sa pagtatanggal ng stick ng pork barbeque at binababad ang laman nito sa may mangkok ng suka. Nilagay ko ito sa pagitan namin para madali kaming makakuha.

Beast-Eating HeroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon