Chapter 26

347 21 2
                                    

MIKO

"Master. Master," papalakas na sigaw ni Sumakwel na gumising sa aking diwa.

Napahinga ako nang malalim at lumamukos ang aking mukha sa tapang ng alcohol. Pagmulat ko ay agad na bumungad sa akin ang malapit at nag-aalalang mukha ni Sumakwel.

"Master, gising ka na!"

Tumango ako nang biglang pumintig ang noo ko. Napasapo ako rito't dahan-dahang umupo sa hospital bed.

"May masakit ba sa iyo?" tanong niya habang inaalalayan ako paupo.

Umiling ako. "O-Okay lang ako," buong lakas kong tugon.

Bahagya ko siyang tinulak palayo sa akin hanggang sa magawa ko ng libutin ang aking tingin.

Puti ang kuwarto, may malaking bintana sa gilid na matatanaw mo ang nagliliitang gusali at sa tabi nito ay may dalawang magkatapat na couch kung saan ang isa ay may nakapatong na women's hand bag.

"Master."

Napalingon ako kay Sumakwel na biglang lumuhod sa marmol na sahig. Yukong-yuko siya't hindi na ako magtataka pa sa susunod niyang sasabihin.

"Pugutan ninyo na ako ng ulo! Walang silbi ang isang mahinang tulad ko para inyong maging alipin. Nang dahil sa akin ay isang araw kayong walang malay. Hindi ninyo sana pagdadaanan ang sakit na iyon kung naging malakas lang ako."

Napaismid ako't napapailing na bumaba ng kama.

"M-Master," taranta niya. Patayo na siya para pigilan ako nang hawakan ko ang balikat niya't tinulak paluhod.

Tumalungko ako sa tapat niya hanggang sa magkapantay kami. Ikinulong ko ang kanyang pisngi sa aking palad hanggang sa nasa akin lamang ang kanyang tingin—tinging puno ng takot at pag-aalala.

"Sumakwel, kahit kailan ay hindi kita pinag-isipan ng ganyan." Nilapit ko ang mukha ko sa kanya hanggang sa nakikita ko na ang aking sarili sa kanyang gintong mata. "Kahit kailan ay hindi ka nagkulang sa akin."

Binalot kami ng katahimikan habang nilalasap namin ang aming presensya.

Nasa gano'ng posisyon kami nang biglang magbukas ang pinto. Niluwa nito si Ate Patrice at ang dalawang lalaking naka-business attire.

"Anong ginagawa ninyo?" tanong ni Ate na papalit-palit ang tingin sa amin ni Sumakwel.

Natulak ko si Sumakwel at napaupo pabalik sa may hospital bed. "Wala, nag-uusap lang kami."

Pumasok sila sa loob ng hospital room ko nang biglang harangan ni Sumakwel ang dalawang lalaking kasama ni Ate.

Mas matangkad si Sumakwel sa kanilang dalawa ngunit hindi nagpatinag ang lalaking naka-suit jacket.

Walang siyang paki alam na hinarap si Sumakwel kahit na isang pitik lang ni Sumakwel ay tutumba na siya. Patpatin pa naman ito, maputla ang mukha, malaki ang eyebags at magulo ang buhok.

Habang 'di inaalis ang tingin sa nanlilisik na gintong mata ni Sumakwel ay may dinukot ang lalaki sa kanyang bulsa. Nilabas niya ang kanyang ID at pinakita sa amin, lalo na kay Sumakwel.

"Inspector Keeno Pajarillo, from Balete Investigation and Detection Group of the National Katalonan Association," walang kagana-gana niyang pakilala.

Mayroon na palang ganitong sistema sa Pilipinas. Mga awtoridad na namamahala sa aming mga katalonan, balete at panigurado ay sa mga halimaw na rin.

"Sumakwel"—hinatak ko ang tshirt ni Sumakwel palapit sa akin—"okay lang."

Kunot pa rin ang noo ni Sumakwel habang nakamasid sa kanila. Ngayon ko lang napansin na naka-white tshirt siya at maong pants. Ibinigay siguro ni Ate sa kaniya.

Beast-Eating HeroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon