MIKO
Matapos ng misyon ko sa Bayan Alkamba ay nagtagal pa ako ro'n upang tulungan silang maka-recover sa nangyaring peligro sa gabunan.
Tutulungan ko sana silang magtayo ng bahay kubo. Pero mukhang 'di na nila ako kailangan kasi ang bilis talaga nilang gumawa. Ang lalakas ng mga lalaki sa paghahati ng kawayan, samantalang ang mga babae naman ay kay bibilis sa paghahabi ng dahon na pader.
At lalong hindi ako makatulong sa kanila dahil sa bawat galaw ko ay nakabantay sa akin si Sumakwel, at siya ang kumukuha ng lahat ng gagawin ko. Siyempre, nakigaya na rin ang ilan sa mga mamamayan sa kanya at tuluyang hindi na nila ako pinakilos pa.
Sa mga araw na iyon ay ang lakas ng pagkabwisit ko kay Sumakwel pero napapatikom na lang ako kapag tinatawag niya akong Master. Sino ba namang hindi matutuwa kapag tinawag na Master, 'di ba?
Sa tagal ko ring nanatili sa Bayan Alkamba ay mas nakilala ko pa si Sumakwel. Gaya ko ay hindi naging madali sa buhay niya ang matanggap ng pamilya at ng mga tao. Kaya naman ay nagsikap si Sumakwel na maging magiting na mandirigma upang matanggap lamang siya; sa kabila ng kanyang pagiging dugong alipin. At doon ko namalayan na kaya pala gano'n na lang kadali para sa kanya na tutukan ako ng kampilan.
Overprotective ba siya, gano'n.
Hanggang sa dumating na ang araw na hindi na ako kakailanganin pa ng Bayan Alkamba. Dumami na ang kanilang mandirigma at magagawa na nilang protektahan ang kanilang sarili.
Nakaahon na rin sila sa kahirapan at lahat ay may sapat ng kinakain.
Sa araw rin na iyon ay nagpaalam ako kay Datu Biribog na babalik na ako sa mundo ko.
"Sa susunod na ika'y nangangailangan ay huwag kang mahiyang manghingi ng tulong sa amin. Ako at ang buong Bayan Alkamba ay handang tutulong sa iyo."
Iyong ang huli niyang sinabi sa akin bago ako magpunta sa balete. Gaya ng dati ay nagliliwanag na ito at nakalihis na ang mga baging.
Ang naiba lamang ay ang timpla ng hangin sa mundong ito. Maliwanag na, maingay, at puno ng buhay. Hindi gaya no'n na ang tahimik at walang taong makikita sa labas ng bahay.
Papasok na sana ako sa balete nang biglang sumulpot si Sumakwel, at tumabi sa akin sa harap ng balete.
"Ito na ba ang daan patungo sa mundo mo?" Sa halip na hintayin ang sagot ko ay nagtuloy-tuloy si Sumakwel sa pagpasok sa loob ng balete.
"Hoy!" pigil ko sa pag-aakalang titilapon siya palabas ngunit hindi.
[Your alipin has entered the balete.]
Mabuti na lang ay nakapasok siya dahil official ko na rin siyang naging alipin, at nare-recognize kami ng system na iisa. Mukhang kakagawan din ito ng mga diwata dahil sa pagpapaganito ni Sumakwel.
Gaya ng inaasahan ay hindi ako nakabalik sa mundo ko. Sa halip ay napunta ako sa kabilang dimensyon kung saan may panibagong balete quest ang naghihintay sa akin.
Hindi naging madali ang pakikipagsapalaran ko dahil habang lumalakas ako ay tumataas din ang level ng dimensyong napuputahan ko.
Mabuti na lamang ay may kakayahan si Sumakwel na makapag-ugnayan sa mga isipirito ng kalikasan. Malaking tulong si Sumakwel sa akin lalo na, at naging katalonan na rin siya at nakakuha siya ng madaming suporta sa madaming diwata.
Hanggang sa hindi ko na malaman kung ilang araw na ang nakalipas. Madaming nagbago sa amin ni Sumakwel at halos tumanda na kaming magkasama. Kung dati ay batak na ang katawan niya, ngayon ay mas naging batak pa. Ginaya niya rin ako at pinaikli rin niya ang kanyang buhok hanggang sa kanyang balikat dahil ilang beses siyang nasasabunutan kapag nakikipaglaban.
BINABASA MO ANG
Beast-Eating Hero
FantasyWattys 2023 Winner | Most Engaging World Award I'm Miko, an overweight chef, and a part-time mukbang livestreamer. And I believe that food is life. But one day, dungeons appeared inside the balete trees. And chosen people are transported in this dun...