Chapter 34

310 25 0
                                    

MIKO

Lahat sila ay natigilan maliban sa isa. Hindi ko pa napoproseso ang nangyari kay William nang biglang mamanhid ang likod ko.

Paglingon ko ay maging puso ko'y natigil sa pagtibok, nang malaman ko kung sino ang sumaksak sa akin.

Siya ang akala kong pinakahuling taong magagawa sa akin ito.

[You are Critically Hit!]

[Health dropped to 50%]

[Health: 250,000/500,000]

Humahangos siya at walang buhay ang gintong mata. Ni wala man lang siyang reaksyon nang hugutin niya ang kampilan sa aking likod.

[You have been poison.]

[Poison Immunity has countered the poison.]

Sumirit ang aking dugo na tila fountain, at maging ang buong lakas ko ay lumabas sa katawan ko.

Tuluyang bumigay ang aking tuhod at napaluhod sa batuhan. Napalingon ako kay Sumakwel na nakabwelo na namang sasaksakin ako.

"Sumakwel," buong lakas kong tawag na nagpahinto sa kanya. "B-Bakit?" nanghihinang tanong ako.

Paano mo nagawa sa akin ito?

Paano mo 'ko nagawang tingnan ng napakalamig? Na para bang hindi tayo magkakilala at wala tayong pinagsamahan.

Anong nangyayari sa iyo, Sumakwel?

May tiwala ako sa iyo. Paniguradong may plano ka para hindi nila ako hulihin.

Kaya mananatili akong nakaluhod habang nakatitig sa mga mata mong estranghero sa akin.

May tiwala ako sa iyo.

Naniniwala ako sa iyo.

Gayunpaman ay bumagsak ang kanyang kampilan sa aking leeg, kasabay nito ang mabilis na pagbagsak ng bituin sa kalangitan.

At bago pa man mahati sa dalawa ang aking katawan, ay nagawang harangan ng maliit na maligno ang talim ng kampilan.

Hawak-hawak niya ito sa kanyang isang kamay. Tila kalasag ang balat niyang hindi mahiwa ng kampilan. Nakabakod sa akin ang maliit niyang katawan habang ang kabilang kamay niya ay nakapatong sa balikat ko.

"Rula!" hindi makapaniwalang sigaw ni Abigail. Naibaba niya kanyang palaso at naglaho sa hangin ang nagliliwanag na pana.

Hindi siya pinansin ni Rula. Mahigpit pa rin ang pagkakakapit niya sa kampilan ni Sumakwel nang biglang umusok ito sa init at nalusaw na parang tubig.

Nabitawan ni Sumakwel ang kanyang kampilan na naging likido na sa may batuhan.

"Anong ginagawa ng mensahero ng mga diwata rito?" tanong ni Nigel. Kalmado pa rin habang kaharap si Rula na mukhang madaming pinapasan na problema.

Napaatras si Sumakwel. Tila nagising siya sa kahibangan niya pagkakita sa sugat na tinamo ko sa aking likod.

Nanlalaki ang kanyang matang hindi makapaniwala at gusto akong aluhin. Ngunit mahigpit ang pagkakakapit niya sa kanyang kamay, na tila ba pinipigilan niya ang sarili na lumapit sa akin.

"Pinadala ako rito upang kuhanin at mabigyan ng nararapat na karapusahan si Miko sa kamay ng mga diwata." Kung ano ang ikinainit ng apoy sa ulo ni Rula ay iyon naman ang ikinalamig ng tono niya. "Kaya hindi ninyo na kinakailangan pang gawin ito, ang mga diwata ang may karapatan na magparusa sa kanya."

Tuptop ang labi nila at napatango sa pagsang-ayon. Hindi pa sasang-ayon si Nigel pero umurong ang dila niya sa talim ng mata ni Rula.

Nang wala ng umimik ay sinalo na ni Rula ang ilalim ng balikat ko at hinatak niya ako sa kanyang paglipad. "Kung gano'n ay makakaalis na kami."

Beast-Eating HeroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon