SUMAKWEL
Matapos ng aming pagkapanalo sa mga aswang ay may panibagong hamon na naman sa Bayan Alkamba.
Hindi inaasahan ay isa-isang nagiging aswang ang mga mamamayan rito, at hindi nila mapigilan ang kanilang gutom na kainin ang kapwa nila minamahal.
Kaya nandito ako ngayon sa tapat ng matayog na balete, at nakapirming nakaluhod sa magaspang na batuhan. Mainit man o malamig ang nagbabagong panahon ay nanatili akong walang tinag sa aking kinaluluhuran. Sapagkat ako'y buong sinserong iginaganito ang aking sarili sa mga diwata.
"O mahal kong mga diwata, kami'y bigyan ninyo ng awa. Tulungan ninyo kaming magapi ang aswang sa aming bayan, at ilayo ninyo kami sa kapahamakan."
Hindi ko na mabilang kung pang-ilang beses ko na itong isinambit. Sapagkat ilang araw na rin akong nanatili sa kinaluluhuran kong walang tulog, pagkain at maski pag-inom ng tubig hanggang sa dumodoble na nga ang aking paningin.
"Kahit ang aking buhay na lamang, tanggapin ninyo na ito kapalit ang kaligtasan ng aming bayan."
Nanunuyo na ang lalamunan ko sa kawalan ng pag-asa. Kapag binubuka ko ang bibig ko ay nagbibitak-bitak na ang aking mga labi sa pagkatuyo nito.
Ilang araw ba naman na akong hindi umiinom.
Ngunit hindi ako puwedeng sumuko, kay tagal ko ng nagtitiis at kay dami rin ng umaasa sa akin.
Pinakiramdam ko ang balete sa pag-asang makukuha ko na ang sagot sa Diwata nang mapalingon ako sa ingay mula sa aking likuran.
Paglingon ko ay natagpuan ko si Datu Biribog—ang aking kapatid na naliligo sa dugo ng kanyang pinaslang.
"Pitong araw na ang nakalilipas, Sumakwel. Dinalhan na kita rito ng pagkain." Inangat niya ang isang dosenang mansanas na nakabalot sa puting tela.
Buong pagpipigil na napalunok ako sa pagkatakam nang ibaba niya sa tabi ko ang mga prutas. Ngunit 'di ko naman napigilan ang pagkalam ng aking sikmura.
Gusto kong kumain kahit na isang kagat lang pero hindi maaari!
Huminga ako ng napagkalalim, inayos ang pagkakaluhod at ibinalik ang aking konsentrasyon sa paganito.
Hindi dapat ako magpaapekto sa ganitong maliit na bagay.
"Nandito ako para ibigay ang aking buhay sa mga diwata at hindi para kumain, mahal na datu."
Napabuntong hininga si Datu Biribog at napasalampak sa tabi ko. "Kung iyan ang nais mo."
Namayani ang katahimikan sa pagitan namin nang basagin niya rin ito. "Alam mo ba kung sino ang pinatay ko ngayon?"
Paglingon ko sa kanya ay mahinahong nakatingin lamang siya balete.
Ngayong malapit siya sa akin ay nahuhulma ko na ang maamo niyang mukha. Taliwas sa kanyang itsura ay ang nakakabahalang katawan niyang naliligo sa dugo. Maging ang kanyang sinina at bahag ay nangitim nang matuyuan ng dugo. 'Ni hindi ko na nga rin mamukhaan ang kanyang mga batuk sa katawan dahil balot siya ng dugo.
"Isang inosenteng batang aswang."
Nabato ako sa kinaluluhuran ko. Isang bata? Hindi maaari!
"Dahil sa bata pumasok ang pagkaaswang ay hindi niya talaga magawang kontrolin ang kanyang sarili at bastang naghimagsik na lamang ang pagkaaswang niya.
"Ang dami niyang taong nasugatan at napatay hanggang sa huli ay nagawa ko rin siyang pugutan ng ulo."
Lumingon si Datu Biribog sa akin at pagak na ngumiti habang nanginginig ang kanyang mata sa galit sa kanyang sarili.
BINABASA MO ANG
Beast-Eating Hero
FantasyWattys 2023 Winner | Most Engaging World Award I'm Miko, an overweight chef, and a part-time mukbang livestreamer. And I believe that food is life. But one day, dungeons appeared inside the balete trees. And chosen people are transported in this dun...