MIKO
Walang tigil sa pagkatok si Sumakwel sa pinto ng guest room, samantalang ako ay walang imik na nakaupo sa sahig at nakasandal sa pintong ito.
Bawat katok niya ay humahampas sa likod ko na siyang gumising sa akin sa reyalidad.
"Miko!" sigaw ni Sumakwel. "Patawad sa kapangahasan ko. Sa aking buong pag-aakala ay parehas lamang tayo ng nararamdaman. Huwag ka ng magalit sa akin, hindi ko kayang nilalayo mo ako sa iyo."
Ang nangyari kanina ay hindi dapat nangyari.
Hindi ko siya pinansin hanggang sa natigil na rin siya sa pagkatok. Akala ko ay lulubayan na niya ako nang biglang may kumilansing sa labas.
Kusa akong napatayo at gumalaw ang kamay kong pihitin ang door knob hanggang sa bumungad siyang nakaluhod sa may hallway. Hawak na naman niya ang kanyang kampilan at nakatutok sa kanyang leeg.
Nakatingala siya sa akin kaya kitang-kita ko kung paano gumuhit ang talim sa leeg ni Sumakwel.
"Bitawan mo nga iyan." Hinablot ko ang kampilan at tinapon ito sa malayo. "Sa tingin mo ba ito palagi ang solusyon sa problema natin? Bakit ba ang hilig mong takutin ako ng ganito?"
Nanginig ang labi ni Sumakwel at umurong ang dila. Naluluha na ang kanyang mata habang nakatingala sa akin. Bagsak ang kanyang balikat sa kawalan ng pag-asa.
"Sumakwel?" tanong ko nang hindi man lang siya kumikibo.
Napasinghap siya't napayuko."Master, patawarin mo na ako. Hindi na ako uulit pa. Hindi na ulit ako gagawa ng bagay na ikagagalit mo."
"Alam mo ba ang ibig sabihin ng ginawa mo?"
"Dahil iniibig kita."
May kumabig sa 'king lalamunan at hindi ako makapagsalita. Napatulala ako sa kanyang gintong mata na siyang nagbuhol-buhol ng aking hininga.
Paano niya ako natitingnan ng diretsyo? Samantalang ako'y gulong-gulo.
Mariin akong napailing. "Parehas tayong lalaki," madiing giit ko.
"Anong problema sa pagmamahalan nating dalawa? Gaya ng nasa palabas ay—"
"Sumakwel!" madiing putol ko. "Sa palabas lang iyon. Pero ang reyalidad sa mundong ito, lalo na sa bansang ito ay kasalanan ang pagmamahalan nating dalawa!"
"Anong kasalanan sa ating pagmamahalan kung wala naman tayong nasasaktan?"
"Hindi mo naiintindihan, Sumakwel. Wala na tayo sa panahon ninyo. Nagbago na ang henerasyong ito, at nabaon na sa limot ang kultura ng bansang ito."
Napatayo siya't kinabig ang magkabilang balikat ko. "Kung gano'n ay bumalik na tayo sa mundo ko. Kung kailan hindi pa kasalanan ang pagmamahalan nating dalawa, at hindi ka mamatahin sa kung sino ang mamahalin mo."
Dumaan ang katahimikan sa aming dalawa. Palalim nang palalim ang titigan naming nangungusap.
Noong sinaunang panahon, sa loob ng balete, o sa ibang dimensyon, ang pagmamahalan ng parehong kasarian ay hindi makasalanan, ang pagdadamit ng lalaki ng tapis ay hindi minamata. Sa halip, sila ay nirerespeto sapagkat tinanggap sila ng lipunan.
Kung mananatili kami sa mundo na 'yon, walang hahadlang sa pagmamahalan namin. Pero . . . nasa mundo na 'to ako ngayon. Ang mundo kung saan nabago ang paniniwala dahil sa matagal na kolonyalismo.
"Sa loob ng pitong taon, tanging hiling ko lang ay makabalik ako sa mundong ito. Gusto kong maging malaya mula sa utos ng mga diwata, at gusto kong makabalik sa dating mapayapa kong buhay bilang chef.
BINABASA MO ANG
Beast-Eating Hero
FantasyWattys 2023 Winner | Most Engaging World Award I'm Miko, an overweight chef, and a part-time mukbang livestreamer. And I believe that food is life. But one day, dungeons appeared inside the balete trees. And chosen people are transported in this dun...