Epilogue

982 50 18
                                    

MIKO

Nakapikit akong lumuluha habang nakatingala sa kalangitan. Ngayong lumilipad ako ay damang-dama ko ang init ng araw at lamig ng simoy ng hangin.

Natapos na ang aming misyon at nawala na ang lahat ng bigat na pinapasan ko.

Sa wakas, naligtas na namin ang mundo.

Buong akala ko ay hindi kami magtatagumpay. Sumuko na ako sa laban dahil sa dami ng problemang dumating sa amin. Ngunit, hindi ko akalaing mapagtatagumpayan pa rin namin ang labang ito.

Ito ay naging posible nang dahil sa pagdating ng mga kaibigan ko.

Nagmulat ako ng mata at napatingin sa may baba. Masayang silang nagkakamustahan at pinagsisigawan ang aming pagkapanalo. Ang iba naman ay nagdadalamhati habang hawak ang kanilang mga kaibigang binawian ng buhay.

Lubos ang pasasalamat ko sa mga bayaning binuwis ang kanilang buhay para sa aming kinabukasan. Nang dahil sa kanila ay mas madaming buhay ang makakatikim ng kasaganaan. At ang hinaharap na aming nakita ay tuluyan na rin naming makakalimutan.

Ang lahat ng ito ay aming nakamit nang dahil sa aming pagkakaisa.

Dumako ang tingin ko kay Sumakwel na nakatingalang pinapanood ako. Katabi niya ang kanyang kapatid na si Datu Biribog na may kung anong sinasabi sa kanya.

Ngunit gaya ng dati ay nasa akin na naman ang halos lahat ng kanyang atensyon.

"Sumakwel." Kusang bumuka ang aking bibig upang tawagin siya.

"Sumakwel!" Lumundo ako pababa at tinanggal ang aking pakpak habang nasa himpapawid.

Natawa siya't sinalo ako. Nagpaikot-ikot kami sa lakas ng pagbagsak ko hanggang sa mahinto kami sa pag-ikot.

Ngayong nasa bisig niya ako ay tumigil na naman ang aking oras. Tanging paghinga niya na naman ang nararamdaman ko, at ang magkasabay na tambulan ng aming puso ang nadidinig ko.

Hindi matutumbasan ng anumang salita ang nararamdaman namin sa mga oras na ito.

Nang biglang gumaan ang yakap niya sa akin. Napalayo ako't tiningnan siya. At gano'n na lamang ang pagluwa ng aking mata nang unti-unti siyang maging abo't tinangay ng hangin.

"A-Anong nangyayari?" Hinuli ko ang mga abo't ibinalik ito sa balikat niya.

Napalingon ako sa aming paligid at gayon din ang nangyayari sa lahat ng halimaw at tao na galing sa ibang dimensiyon. Sila'y nagiging abo at hinihigop paloob sa mga balete.

"Patawad, Sumakwel." Kinulong niya ang magkabilang pisngi ko sa kanyang mga palad. "Hindi ko matutupad ang pangako ko sa iyo. Nawa'y maging masaya ka sa pagluluto at sa iyong pamilya."

"H-Hindi." Nabasag ang boses ko. At 'di namalayang naglawa ang pisngi ko sa walang tigil na pag-agos ng aking luha. "H-Huwag. Hindi ko kaya. Please."

Napayakap ako sa kanya. Siniksik ang aking sarili sa kanyang dibdib at dinama ang natitirang init at pagtibok ng kanyang puso.

"Ikaw lang din ang gusto kong makasama, Miko." Pagtingala ko ay naglalagas na ang kanyang mukha.

Napatulala ako sa kanya't tinanim sa aking isip ang kanyang imahe. Sana pala ay kumuha kami ng larawan para may baunin ako hanggang kinabukasan.

Sa lalim ng titigan namin ay 'di ko namalayan ang paglapit ng mukha niya sa akin. Dahil sa paggalaw niya ay mas madaming abo ang nalagas sa katawan niya.

Ilang sandali na lang....

Napapikit ako habang hinihintay ang pagdaupdop ng aming labi. Ngunit bago pa iyon mangyari ay tuluyan na siyang naglaho na parang bula.

Beast-Eating HeroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon