Chapter 15

468 25 0
                                    

SUMAKWEL

Madaming taon na rin ang aking nasaksihan sa matagal kong pakikipagsapalaran sa may kabundukan. Madaming aswang na ang aking napaslang, at madaming kasamahan kong mandirigma na rin ang nasawi.

Hanggang sa isang araw ay natagpuan ko na lamang ang aking sariling nag-iisa sa gabundok na bangkay habang umuulan ng abo mula sa napaslang kong pinuno ng mga aswang.

Sa wakas makakahinga na rin ako nang maluwag, sapagkat ligtas na rin namin ang aming bayan.

Nanginginig ang tuhod kong tumayo ng tuwid nang hatakin ako ng matinding pagod at kawalan ng tulog. Pagtingala ko sa madilim na kalangitan ay napapikit mata kong nilasap ang tahimik naming pagkapanalo.

Ang mga aswang na matagal ng gumgambala sa Bayan Alkamba ay napaslang ko na.

Nakamit na namin ang kapayapaan, at iyon pala ay aking buong pag-aakala lamang.

*****

Bumalik ako sa Bayan Alakmba dala-dala ang tagumpay sa aming misyon. Ngunit sa halip na salubungin ng papuri at pasasalamat ay walang sinuman ang sumalubong sa akin.

Mataas pa naman ang sikat ng araw kaya bakit wala man lang sumasalubong sa akin?

Pagpasok ko sa bayan ay wala akong matagpuan na mga batang naglalaro sa kalsada, mga kababaihang gumagawa ng gawaing bahay o mga kalalakihang nagsisibak ng kahoy.

Habang binabaybay ang daan tungo sa bahay tanggapan ay napansin ko ang bahagyang pagdungaw ng mga tao sa kanilang bintana. Nanginginig ang kanilang mga mata habang inuusisa ako mula ulo hanggang paa, akala mo ba ay isa akong nakakatakot na halimaw na kikitilin ang buhay nila.

Ako ba ang kinakatakutan nila?

Bigla akong napahinto nang 'di ko maiwasang mapansin ang mga bahay kubong dumoble ang nakatagping kawayan sa pader nito.

Anong nangyari sa bayang ito matapos kong mawala?

Dali-dali akong nagtungo sa bahay tanggapan upang makumpirma ang aking hinala. At hindi nga ako nagkakamali . . ..

"Nagbalik ka na pala kapatid ko," walang buhay na pagbati ni Biribog na siyang nakaupo sa puwesto ng datu ng bayang ito. Nakaupo siya sa may gitna ng papag na nasa kabilang dulo ng bahay tanggapan, at sa kanyang tabi ay may nakahilerang mandirigma at alipin na gaya niya ay wala ring kabuhay-buhay.

Paano ito nangyari sa kanila at sa kapatid ko? Inaasahan ko pa naman ang masigla niyang pagsalubong at pagmamayabang niya sa akin.

Ngunit ngayon . . . ngayon ay abala lamang siya sa pag-inom ng alak. Ni hindi ko na siya makilala dahil sa laki ng pangingitim ng ilalim ng mata niya at pamumutla pa ng kanyang mukha na akala mo'y tinakasan ng buhay.

Hinanap ko ang aking Amang Datu ngunit tanging mga mandirigmang nagbabantay at alipin lamang ang nandirito sa bahay tanggapan kasama ang kapatid kong si Biribog.

Dahil do'n ay at saka ko naintindihan ang pangyayari. Wala na ang aking Amang Datu, at maging mga kanang kamay ni ama ay wala rin dito.

Kahit puno ng katanungan ay hinatak ko pa rin ang aking sarili paluhod sa tapat ng aking kapatid, at yumuko bilang pagbati sa bagong datu ng Bayan Alkamba.

"Magandang araw, mahal na datu, nagbalik na ako mula sa matagumpay kong misyon."

Ngunit wala pa rin siyang imik, at tanging pag-inom lang ng alak ang nasa atensyon niya. Nang biglang ibinagsak niya ang kopita sa may dulang.

Sa lakas nito ay nagtilsikan ang lamang alak, at lumipad ang gintong kopita tungo sa sahig. Sa ingay ay umurong ang aking dila, at hinintay kong tumuwid ang umiikot niyang paningin.

Beast-Eating HeroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon