✔️ Kom at Pan. Pagsulat ng Pamanahonang Papel

33 0 0
                                    

Performance Task: Panuto: Pumili ng isang paksang napapanahon ang mga pangyayari upang makabuo ang KABANATA 1 ng pamanahonang papel. Gawing gabay ang format sa ika-pitong linggo.

"MAY EPEKTO BA ANG PAGGAMIT NG SOCIAL MEDIA SA WIKANG FILIPINO?"

KABANATA 1
A. RASYONAL AT KALIGIRAN NG PAG-AARAL
Ayon kay Dr. Jose Villa Panganiban, ang wika ay paraan ng pagpapahayag ng kuro-kuro at damdamin sa pamamagitan ng mga salita upang makipag-kaunawaan sa kapwa tao. Nalilikha ang mga salita at isinisilang sa pangangailangan ng sambayaman na nagtataglay ng mga kahulugang itinatag ng mga kaugalian. Ayon kay Gleason, ang wika ay may tiyak na katangian at kalikasan, at ito ay mga tunog na pinili at isinaayos sa pamamaraang pinagkasunduan ng mga taong gumagamit nito. Isang paraan upang ipahayag ng tao ang kanyang mga iniisip at nararamdaman. At higit sa lahat, ang wika ay hindi mahihiwalay sa kultura ng isang bansa, sapagkat ito ay nakabatay sa kultura ng taong gumagamit. Sa pamamagitan nito, nagkaka-ugnay ang mga tradisyon at kaugalian, mithiin, at paniniwala ng mga tao.
Nang isinilang ang tao, kakambal na nito ang pisikal at mental na potensyal sa paggamit ng wika. Sa pamamagitan ng paggamit ng wika, nagkakaunawaan at nagkakaisa ang bawat tao. Ang wika ang nagsisilbing pagkakakilanlan ng bawat tao at nagiging salamin kung anong kultura, tradisyon, at paniniwala mayroon ang isang bansa na siyang nagsisilbing gabay sa bawat tao. Ang wika ay pawang arbitraryo lamang sapagkat ito ay walang rasyunal na naipapakita upang magbigyan linaw ang koneksyon ng mga ito sa kahulugan. Laging sinasabi na ang bawat wika ay itinuturing na taga-paglarawan ng kapaligiran at taga-badya ng mga karanasan at kasaysayan ng mga tao.

Ayon kay Ganaban 2013, ang social media ay ang naging daan upang mapabilis ang pakikipagkonekta sa mga kaibigan, mga kakilala, mga kamag-anak, mga kakilala na nasa ibang lugar, matagal nang kakilala, at kapareho ng interes o mithiin o gawain. Kasabay ng pagbabago ng panahon ay ang pag-usbong ng mabilisan at madalian na modernong panahon dala ang makabagong teknolohiya, bunga ito ng mga bagong kaalaman ng tao buhat sa pananaliksik at malikhaing pag-iisip. Isa sa produkto ng teknolohiya ay ang pinakatampok na "Social Media". Ito ay sistema ng pakikipag-ugnayan ng mga tao na kung saan sila ay lumilikha, nagbabahagi at nakikipagpalitan ng mga impormasyon at mga ideya sa isang virtual na komunidad at mga network. Ito rin ay itinuturing na isang pangkat ng mga internet-based na mga aplikasyon. Sa kasalukuyang kalakaran, partikular sa akademya, isa sa kinahuhumalingan ng mga tao, mag-aaral o kabataan ay ang social networking sites o services na naging bahagi na ng pang-araw-araw na pamumuhay ng mga Pilipino.

B. PAGLALAHAD NG SULIRANIN
Ang pag-aaral na ito ay isinagawa upang mabigyan ng tiyak na kasagutan ang sumusunod na katanungan:
1. Anong social media site o app ang kadalasang ginagamit ng mag-aaral o kabataan?
2. Anong dahilan ng mga kabataan sa paggamit ng social media?
3. Ilang oras gumagamit ng social media ang mga mag-aaral o kabataan?
4. Ano-anong wika ang kadalasang ginagamit ng mga kabataan o tao sa social media?

C. LAYUNIN AT KAHALAGAHAN NG PAG-AARAL
Ang kahalagan ng pananaliksik na ito ay upang mabatid kung maaapektuhan ba ng paggamit ng social media ang pagkakaroon ng sapat na kaalaman sa ating sariling wika at paano nakatutulong ang paggamit ng social media sa pagpapa-unlad ng wikang Filipino. At upang malaman din kung gaano kalaking oras ang ginugugol ng mga kabataan o mga Pilipino sa paggamit ng social media at dulot nito sa pagpapalaganap o pagpapa-unlad ng wika.

D. REBYU NG KAUGNAY NA LITERATURA
Apektado ang wika sa paglitaw ng mga imbensyon, inobasyon o pagbabago at sistemang tumutugon sa pagtaas ng lebel ng impomasyon. Ayon kay Quijano 2015, pinaniniwalaan na ang makabagong teknolohiya at kalakaran ng kapaligiran sa ngayon ay hindi maituturing na banta bagkus ito ay nagsisilbing isang hamon sa bawat isa. Ayon sa pag-aaral ni Rozal 2015, ang pinaka-popular na social media site ay ang Facebook. Batay sa datos ng pananaliksik na isinagawa ni Concepcion 2016, aktibong ginagamit ng mga Pilipino ang wikang Filipino sa internet sa usapin ng komunikasyon ngunit hindi ito ginagamit sa mas malawak na audience tulad ng pakikipag-usap sa banyaga o sa internasyonal na espasyo. Sa isang banda, malinaw ang lumitaw na datos ng sarbey na natutugunan ng wikang Filipino ang komunikatibong tungkulin nito sa mga proseso ng komunikasyon na nagdudulot ng bilis, gaan, at dali ng pagkaka-intindihan at pagkaka-unawaan sa pagitan ng mga Pilipinong nag-uusap. Wikang Filipino din ang ginagamit lalo na sa mga paksang may kinalaman sa mga Pilipino at Pilipinas. Nagiging komportable sa pakikipag-usap at pagkaka-unawaan ang mga Pilipino sa internet, habang nagsisilbi rin itong pagkakakilanlan lalo na sa mga impormasyon nagpapakilala kung sino at ano ang mga Pilipino.

E. TEORETIKAL NA GABAY AT KONSEPTONG BALANGKAS
Halos bahagi na ng pamumuhay ng bawat Pilipino ang paggamit ng social media. Ito ay isang website o aplikasyon na nagsisilbing daan sa pakikipag-ugnayan ng mga tao. Ang mga halimbawa ng social media ay Facebook, Instagram, Twitter, WhatsApp, Youtube, Yahoo site, at Google site. Ang pagtaas ng paggamit ng social media sa loob at labas ng bansa ay hindi naging pangkaraniwan sa mga nagdaang taon. Isasagawa ang pag-aaral na ito upang malaman kung may epekto ba ang paggamit ng social media ng mga kabataan at tao sa wikang Filipino.

Note: paki lagay sa box

INPUT

Ang pag-aaral na ito ay isinagawa upang mabigyan ng tiyak na kasagutan ang sumusunod na katanungan:

1. Anong social media site o app ang kadalasang ginagamit ng mag-aaral o kabataan?

2. Anong dahilan ng mga kabataan sa paggamit ng social media?

3. Ilang oras gumagamit ng social media ang mga mag-aaral o kabataan?

4. Ano-anong wika ang kadalasang ginagamit ng mga kabataan o tao sa social media?

PROSESO

• Sarbey-palatanungan

• Presentasyon

• Pagsusuri sa pamamagitan ng weighted mean

• At pagbibigay ng interpretasyon sa datos

OUTPUT

• Lagom

• Kongklusyon

• Rekomendasyon

Ang balangkas na ito ay nagpapaliwanag sa magiging proseso ng pananaliksik kung saan ang mga katanungan ay bibigyan-kasagutan ng mga kalahok mula sa Notre Dame Village National High School sa ika-11 na baitang sa pamamagitan ng sarbey-palatanungan. Ang datos ay ipapakita, susuriin, at bibigyan ng interpretasyon. Mula sa magiging kinalabasan ay makakabuo ng lagom, kongklusyon, at rekomendasyon. Ang saliksik ay magiging bukas sa anumang puna o mungkahi para sa ikaka-unlad ng panimulang pananaliksik na ito.

F. SAKLAW AT LIMITASYON

Ang saklaw ng pag-aaral na ito ay upang masuri ang pananaw ng mga mag-aaral sa ika-11 na baitang tungkol kung may epekto ba ang paggamit ng social media sa wikang Filipino, sa pamamagitan ng pagbibigay-sagot sa mga katanungan ukol sa napiling paksa. Ito ay pwedeng lahokan ng 10 mga lalaki at 10 mga babae na mag-aaral mula sa mga sumunod na strand: STEM, ABM , HUMSS, at TVL, sa kabuuan kailangan ng 80 mag-aaral mula sa iba't ibang strand upang maisagawa ang pananaliksik. Hindi po saklaw ng pag-aaral na ito ang mga guro at iba pang mga tauhan sa paaralan. Ang mga nakalap na datos ay gagamitin upang mapatunayan na ang pag-aaral na ito ngayong school year 2021-2022 ay lehitimo.

☆☆☆☆☆

Grade 11 Modules 2021-2022 ABMTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon