Inihatid ako ni Garen sa school nang matapos kaming kumain, hindi namin namalayan ang oras at maghapon na pala kami doon sa mall. Tinext ko si Cyan na hintayin ako sa school para sabay-sabay na kaming umuwi.
Bumaba ako at bumaba din si Garen nang makarating kami, naglalabasan na din ang ibang schoolmates namin dahil uwian na. Ang iba ay nakatingin sa akin dahil sa dala kong Panda.
"Salamat Garen, ang saya ng araw na 'to."
"Wala 'yon," ngayon pakiramdam ko ay kilalang-kilala ko na siya dahil sa mga naikwento niya sa akin.
"Sige na, kailangan ko nang puntahan mga pinsan ko." Paalam ko.
Tumango siya at nagsimula na akong maglakad papuntang parking lot. Nilingon ko siya at kinawayan. I mouthed thank you dahil thankful talaga ako sa kaniya ngayong araw. Pinasaya niya ako.
"Saan ka galing?"
Napahinto ako sa paglalakad at tiningnan ang nagsalita. "Kieran.." Nakasandal siya sa isa sa mga sasakyan at nakapamulsa.
Umayos siya ng tayo at tumingin sa akin. "Nagka-cutting ka na pala?" Sarkastiko niyang tanong.
"A-akala ko hindi ka pumasok?" Hindi ko alam kung bakit ako kinakabahan. Marahil dahil sa mga mata niyang nakatingin sa akin.
"Hindi ako pumasok noong umaga dahil may inasikaso ako, pumasok ako noong hapon. At nalaman kong umalis ka." Lumunok ako.
"Oo, umalis nga ako."
"Saan ka pumunta? Sinong kasama mo?" Sunod-sunod niyang tanong.
"Sa mall, nag-date kami ni Garen." His forehead creased.
"Date?" Pag-ulit niya.
"Oo. biglaan din kasi-"
"P-utcha! Hindi ba sabi ko sa'yo layuan mo ang isang 'yon?!" Nagulat ako sa biglaan niyang pagsigaw. Tutok na tutok ang mga mata niya sa akin. Mabilis din ang paghinga niya. Hindi ako makapagsalita. Natatakot ako.
"Ilang beses ko bang ipapaalala sa'yo na layuan mo ang taong iyon?! Kailangan ko bang ipaalala sa'yo araw-araw? Layuan mo siya Amee!"
Unti-unting nanlalabo ang mga mata ko, ilang beses akong lumunok. Sa buong buhay ko ay ngayon lang ako nasigawan ng ganito. Ngayon lang ako natakot sa isang tao dahil sa pagsigaw niya sa akin. Ramdam na ramdam ko ang galit niya.
"Amee," his voice softened. Hindi ko na makita ng klaro ang mukha niya dahil sa luha sa mga mata ko. Sunod-sunod ang pagpatak ng luha sa pisngi ko.
Gusto kong umalis dito, gusto kong tumakbo, gusto kong lumayo kay Kieran. Natatakot ako na baka sigawan niya ulit ako, natatakot ako dahil napakita niya itong ganitong ugali niya.
"Amaia.. shh, I'm sorry." Lumapit siya sa akin at hinawakan ako sa magkabilang braso, "I'm sorry. Please stop crying."
Isinubsob niya ang ulo ko sa dibdib niya, hindi ako gumalaw. Hindi din ako nagsalita. Ano bang sasabihin ko? Hindi ko alam.
"I'm sorry, Amee. Hindi na 'to mauulit. But please, layuan mo na siya.. Please." Mahina ang boses niya at puno ng pakikiusap. Hindi ko namalayang tumango-tango ako sa sinabi niya.
BINABASA MO ANG
Up To You
RomanceHindi naging madali kay Amee na hindi siya tanggap ng Mommy niya, sabihin na nating step mother o Tita. Maging madali din kaya sa pamilya niya na tanggapin ang katotohanang haharap sa kanila? Sa kaniya? Started: May 04, 2015 Ended: April 07, 2016.