ELISHA AADHYA VLADDER P.O.V.
HABANG naglalakad ako dito sa may eskinita at bitbit ang bayong ni Mama, ay biglang nakita ko si Weiven, sa ibang direksyon sya nakatingin kaya hindi nya ako agad napansin.
Naku lagot na! Ba't ba sya napadpad dito?!
Sa pagkataranta ko ay tinakpan ko na lang ang ulo ko ng bayong para hindi nya ako makilala, at marahan na naglakad kahit hindi ko makita ang dinaraanan ko. Pakiramdam ko ay nangangapa ako sa dilim.
Tiis tiis lang hanggang sa makaalis sya, ayokong magpakita sa kanya dahil siguradong uungkatin nya ang mga kahihiyan na ginawa ko.
Teka...nakalampas na kaya sya?
Baka hindi pa...papalipasin ko muna ang ilang minuto...
Matapos kong magbilang sa isip ng hanggang two hundred ay tinanggal ko na ang bayong, at mabuti na lang dahil wala na sya sa paligid kaya nakahinga ako ng maluwag.
Nang marating ko ang highway ay sumakay na ako ng tricycle, hindi naman gaanong malayo ang palengke sa amin pero sumakay na ako para mabilis na makarating doon, at nang sa gano'n ay maabutan ko pa ang murang paninda ng mga gulay, iyon kasi ang bilin sa'kin ni Mama.
****
NARITO na ako ngayon sa palengke. Sa bungad pa lang ay napakarami na ang mga namimili. Nakipagsiksikan ako sa mga tao hanggang sa makarating ako sa pwesto ng tindahan ng mga gulay.
Mabilis akong nakapili ng kalabasa at sitaw, matapos na mapatimbang at mabayaran ay inilagay ko na iyon sa loob ng bayong.
Ngayon naman ay hawak ko ang isang talong at tinitingnan mabuti, baka kasi may mga uod 'yong makuha ko, at tiyak na mapapagalitan ako ni Mama, ang bilin nya kasi lagi sa'kin kapag namamalengke ay piliin kong mabuti ang mga sariwang gulay.
Biglang narinig ko ang tilian ng ilang mga tindera at mga babaeng namimili.
Ano naman kaya ang pinagkakaguluhan nila?
Tumingkayad ako at tumingala para makita ang kung ano mang pinagkakaguluhan nila, at gano'n na lamang ang aking pagkagulat nang makita ang pagmumukha ni Weiven.
Ay halimaw!
Anong ginagawa nya dito? Nasundan nya ba ako?
Kahit dito sa palengke ay pinagkakaguluhan ang halimaw na 'to, kunsabagay angat na angat naman talaga ang kagwapuhan nya, pero teka kailangan ko nang makaiwas ulit sa kanya.
Akmang hahakbang na ako paalis nang pigilan ako ni manong tindero.
"Hoy miss balak mo bang itakas iyang talong ko?" napunta ang tingin nito sa hawak ko, at saka ko lang napagtanto na hindi ko pa pala binibitawan itong talong na kinuha ko kanina.
Mabilis na ibinalik ko ang talong. Pagbibintangan pa ako ni Manong tindero na magnanakaw eh may bulok naman na 'yong talong nya!
Sinulyapan ko muli si Weiven at nakita kong nahihirapan syang makaalis sa nagsisiksikan na mga tao. Butinga sa kanya!
Mukhang hindi naman nya ako makikita sa dami ba naman ng mga tao dito eh.
Nagpakawala ako ng malalim na hininga bago naglakad patungo naman sa pamilihan ng mga karne.
Isa talaga sa pinaka-ayokong makita kapag pumupunta 'ko dito ay itong ulo ng mga baboy na nakasabit, mukha kasi silang kawawa, at hindi na sila makakapag oink oink!
"Kuya isang kilo nga po ng—" natigilan ako nang biglang huminto sa pagkakatay ng mga karne ang mga tindero, at nang tingnan ko ang paligid ay nakahinto na rin ang mga taong namimili.
BINABASA MO ANG
THE MAFIA KING IS A MONSTER
Ficción GeneralIsang hindi pangkaraniwan na Mafia King ang makararamdam ng koneksyon sa anak ng taong matagal nang gustong humuli sa kanya. Si Drake Weiven Roseman na isang halimaw, at si Elisha Aadhya Vllader na anak ng General ay paulit-ulit na magtatagpo ng mga...