Pang-tatlumpung Slice

548 40 35
                                    

Richard's POV:

Malalim na ang gabi. Kanina pa ako nakahiga dito sa aking kama ngunit parang ayaw naman akong dalawin ng antok. Naka ilang ikot at unat na ako pero hindi talaga ako makatulog.

"TSK! Anong oras na..."

Habang nakatingin sa madilim kong kisame ay inalala ko nalang ang nangyari sa araw na ito. Mula sa kasal ni ma'am Ruth hanggang sa kanina lang na kantahan namin ni sir. Sa pag-alala kong iyon ay di ko maiwasang mapangiti. Ang daming masayang nangyari sa araw na ito.

"Hehehe. Sir daw ako sabi kanina. Hahaha. Tsk! Lakas maka mayaman!"

Kinuha ko ang aking unan at pinatong ito sa aking ulo, "Matulog na..."

Sa isang banda ng aking pag-iisip ay naalala ko kanina iyong sinabi ni sir na huwag raw akong magbago. Muli ay naalala ko kung paanong parang may kalungkutan syang batid ko habang sinambit nya iyan. Mukha naman syang maligaya nitong mga nakaraang araw pero noong sandaling iyon, parang nakasilip ako sa tunay nyang nararamdaman.

Naalala ko noong bago umalis si sir, sa mga huling kita ko sa kanya ay malungkot talaga sya noon. Hindi ko alam ang dahilan nya pero di naman nya maitatanggi iyon. Hindi mahirap mapansin kung mayroong pinagdadaanan ang isang tao. Iba ang ngiti at mga mata nila.

"Nararamdaman ko iyon sir."

Nakakapagtaka nga, kasi umalis sya halos katatapos lang din ng graduation nya. Lahat masaya para sa tagumpay nya. Lalo na ako. Pero kahit lahat ay nagdiriwang ay mukhang wala doon ang loob ni sir. Ang mga ngiti nya, pansin kong kadalasan ay pilit.

Bumangon ako at sumandal nalang sa pader dito sa aking kama, "Hayyy...ayaw magpatulog." Sa aking pagkabigo sa pagtulog, tanging dapat sisihin ay ang isip ko na ayaw magpahinga.

Naalala ko noong bigla kong nalamang umalis si sir. Ang unang pumasok sa isip ko ay "BAKIT?" Pero wala naman syang dapat ipaliwanag. "Sino ba naman ako para tanungin sya." Talaga lang sigurong ikinagulat at ikinalungkot ko iyon. Para kasing sana man lang kahit papano ay nagsabi sya nang napaghandaan ko. Naisip ko pa nga noon na pumasok sa kung saan mang papasok na kolehiyo si sir. Kahit katangahan eh inambisyon ko kasi na baka puwedeng mag-aral kami nang magkasama.

"Eh sa Amerika pala."

Bumangon ako at kinuha ko sa aking aparador iyong isang bagay na madalas ay kausapin ko at tignan sa tuwing maalala ko si sir. "Hindi ko na nga binasa ito, noong minsan lang." Kadalasan ay tinitignan ko lang ang mga drawing nito at kinakausap. Binuklat ko ang mga pahina nito sabay balik sa aking paghiga.

"Ang tagal mong nawala sir. Pero ang saya ko naman sa pagbabalik mo."

Pagkakita ko sa kanya, nitong nakaraang linggo, lubos iyong tuwa ko. Sa totoo nyan para bang nawala lahat ng mga panahon na hinanap ko sya. Parang iglap lang ang lahat at bumalik na sya agad.

"Hehehe."

Sa totoo lang ang dami kong tanong kay sir. Wala akong karapatan pero di ko maiwasang isipin ang mga iyon. Gusto ko sanag itanong kung bakit sya biglang umalis? Kung bakit di man lang sya bumalik sa loob ng dalawang taon? Kung naalala nya pa ba ko? Kamusta sya? At marami pang iba.

Pero lahat ng tanong ko eh naglaho ng magbalik sya. Hindi ko nga talaga batid kung bakit pero parang ang laking bahagi na ni sir sa buhay ko. Madalas ko nga syang maisip at alalahanin. Pag may mga perfect score o kaya'y awards sa eskwela eh maliban kay tatay, sya ang gusto kong pakitaan noon. Alam ko kasing matutuwa sya at iyon ang gusto ko, iyong natutuwa sya dahil sa akin.

Siguro dahil iyon sa mataas ang paghanga ko sa kanya at talagang masaya akong kasama sya. Kaya naman ang makita ko lang sya eh sapat na iyon, kahit kalimutan ko na iyong mga tanong ko. Totoo naman, dahil nang makita ko sya ay labis na tuwa ang naramdaman ko at naglaho na ang kung ano mang mga agam-agam sa isip ko.

Slice ng LifeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon