Pang-labing Tatlong Slice

462 26 2
                                    

Richard's POV:

Mukhang bagsak agad sa higaan ang aking katawan matapos ang napaka raming gawain dito ngayon sa garahe. Pag-uwi ko palang ay tinawag na ako dito ni mang Ben, yung driver ni sir Toni, para tumulong sa mga gawain. Halos nandito nga ang lahat ng mga drivers ngayon.

"Boy, ito o. Paki lipat dun sa gilid." Utos sa akin ni kuya Mando, driver naman ni sir David. Sabay kuha ko naman nung mga bakal na inaabot nya. Kung ano-ano kasing ginagawa dito ngayon sa garahe. Naglilinis at nag-aayos ng mga sasakyan, pakikintabin, at kung ano ano pa.

"Hayyy." Buntong ko sabay punas ng pawis sa mukha at katawan ko.

Heto ngayon at pinapakintab ko itong napaka garang sasakyan ni sir David. Isa pala sa mga sasakyan ni sir David. Ang dami nya kasing sasakyan. Sa buong mag-anak eh sa kanya ang pinaka marami. Mukhang mahilig sa sasakyan itong si sir David.

Habang nagpupunas ng sasakyan ay di ko naman maiwasang mangiti. Naaalala ko kasi nung nakaraang gabi. Di kasi ako agad makatulog nuon kaya lumabas ako para mag lakad lakad sa hardin. Nakita ko si sir Jet duon sa may bench, mukhang gumagawa ng project. Napaka seryoso nga eh, di nya napansing naka lapit na ako sa kanya. Naalala ko rin na ang tagal ko ngang hindi sya nakita bago iyong gabi na iyon.

Naka kunot madalas yung noo ni sir sa upo nya nung gabing iyon. Gusto ko nga sanang kausapin na para magpasalamat dahil dun sa pagtulong nya sa assignment ko pero mukhang di yata tama yung timing.

Ewan ko ba kung sa talagang pakialamaero lang ako pero naglakas loob na akong lumapit. Tinanong ko kung project nya yung ginagawa nya. Di naman sumasagot, gaya lang din nung dati, di tumitingin sa akin.

Natigil naman ako sa pag-iisip ko at tinignan ang imahe ko duon sa sasakyan na pinupunsasan ko, makintab na kasi. "Pangit ba ko? Ayos naman mukha ko ha...Pogi nga daw ako eh." Inaayos ayos ko yung buhok ko at ngumiti, "Cute pa nga raw tong dimple ko oh."

Ibinalik ko nalang ang isip ko sa pag-alala. Aalis na nga sana ako, kasi mukhang mainit ang ulo ni sir Jet at di naman tumitingin sa akin nang bigla nyang tanungin kung nagdadrawing ako. Hilig ko kasi talag yang pag guhit. Di naman sa nagtataas ako ng sarili kong bangko pero madalas akong manalo sa mga contest sa school. Pero talagang libangan ko rin ang pag guhit, kadalasan anime ang ginagawa ko.

Sinabi ko kay sir Jet nung gabing iyon na medyo nagdadrawing ako kaya naman nagpatulong siya dun sa ginagawa nya. Pina drawing nya sakin yung nakalagay dun sa tablet nya. Habang nag-dadrawing naman ako eh minsan ay nagnanakaw ako ng tingin kay sir. Grabe si sir, di matinag, seryosong nakatingin lang dun sa ginagawa ko. Di pa rin talaga tumitingin sa akin, kahit pahagip lang. Kaya naman tuloy lang ako sa pag gawa.

Nakikita ko rin sa malapit na ang ganda pala ng mata ni sir. Singkit pero mahaba ang pilik mata, ang tangos din talaga ng ilong at medyo mapula talaga yung labi ni sir. Yung mukha ni sir walang bahid ng kung ano mang peklat o ano, napaka kinis, sobrang puti. Maliban nga pala duon sa maliit na nunal duon sa kaliwang dulong gilid nung talukap ng kaliwa nyang mata, di mo ito mapapansin kung di mo talaga titigan sya sa malapitan. Isa pa, napaka baby-face ni sir, yung bang mukhang di na tatanda. Naisip ko tuloy nuon, "Malayo naman talaga ang kaguwapuhan sa akin ni sir pero di naman ako pangit."

Nung matapos ko yung drawing eh kinuha lang ni sir at tinignan mabuti. Nagpasalamat lang sya sa akin ng saglit sabay takbo papaloob ng bahay. Ako naman ay sobrang natuwa sa nangyari. Yun bang makatulong ka sa isang katulad ni sir idol. Yun bang parang nagka silbi ako sa kagaya nyang mataas sa lipunan, matalino at talagang iba sa kung ano man ako. Ang saya lang talaga. Parang nakakataas ng kumpyansa sa sarili.

"Richard! Na maligno ka na dyan. Ngingiti-ngiti ka pa." Pagpansin sa akin ni kuya Alex. Napa balik naman ako sa pag tulong sa kanila.

Matapos ang ilang araw nung naglinis kami sa garahe, na talaga namang nakakapagod, ay kalalabas ko lang dito sa kuwarto namin ni tatay. Kapapalit ko lang ng t-shirt at shorts mula sa uniform ko. Magpupunta pa nga lang ako duon sa may green house para magwalis ng mga nalaglag na dahon ng biglang may tumawag sa akin.

Slice ng LifeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon