"Nate?" ang kaniyang tanong. "Nate Bautista?" ang pah-uulit niyang tanong at sumagot ng pagtango si Maricel sa kaniya.
Isang malalim na buntong-hininga ang kaniyang pinakawalan. At naalala niya ang pagiging defensive agad ni Nate. At ang pag-deny nito na kilala nito si Sunshine Generoso na naging nobya pa nito. At nalaman nga niya ang tungkol dito dahil kay Maricel at sa pangalawa at huling pagkakataon ay nanghingi na ito ng abugado at mas pinili na manahimik.
At dahil sa hindi niya ito ma-connect sa tatlo pang biktima at sa paglitaw ng dalawa pang suspect na mas mabigat ang ebidensiya ay hindi na niya binigyan ng masyadong pansin si Nate. Sa pangalawang pagkakataon ba ay magkakamali na naman siya?
"Sabihin mo sa akin ang nalalaman mo, noong sandaling nakita mo si Nate." Ang kaniyang malumanay na sabi rito.
Sandaling humikbi pa ito at nagpunas ng mga mata. Inabot nito ang maliit na bote ng tubig at tinulungan niya itong buksan ang takip para makainom ito. Binasa nito ang lalamunan ng tubig bago ito nagsalita.
"Nag...naglalakad ako kagabi galing sa...kung saan-saan, gusto ko lang na magpalipas ng oras...ang magpahangin dahil...naguguluhan ako...ang isip ko...maraming..." at muli itong tumigil para tingnan siya ng mga mata nitong basa ng luha.
"Marami akong iniisip." Ang pagpapatuloy nito. "Tapos, pauwi na ako, hindi naman na ako natatakot na maglakad sa parte na iyun ng kalsada dahil sa malapit na rin naman iyun sa amin...naglalakad ako nang...may tumawag sa akin at paglingon ko ay nakita ko si Nate, nakasakay siya ng motorsiklo niya.
"Paano mo siya nakilala? Wala ba siyang suot na helmet?" ang tanong niya. At pagtango ang isinagot ni Maricel sa kaniya.
"Oo...kaya naman nakilala ko na siya agad, tapos huminto siya at huminto rin ako sa paglalakad, nasa tabi ng ng kalsada...sabi niya may itatanong lang siya sa akin."
"Nakita niya raw tayo sa may harapan ng aming bahay na nag-uusap, tinanong niya ako kung ako ang nagsabi sa iyo nang tungkol sa kanila ni Sunshine...at umamin naman ako, sinabi ko na...wala namang masama kung malaman mo na boyfriend siya noon ni Sunshine."
"Nagalit ba siya?" ang kaniyang tanong. At muling tumango ang ulo ni Maricel.
"Oo...masyado raw akong pakialamera at masyadong madaldal...ipapahamak ko pa raw siya...bakit raw...hindi na lang ako nanahimik."
Sandlai itong huminto at muli itong uminom ng tubig mula sa bote. "Tapso sinabi niya na may gusto raw siguro ako sa iyo at nagpapaimpress ako kaya nagdadadaldal na ako ng mga walang kuwentang bagay...hindi pa raw ba ako kuntento kay Colby at pati ikaw ay gusto kong landiin...sabi pa niya na...hindi mo ako papatulan dahil maganda ang girlfriend mo at...hindi malandi...hindi iyung pinagpasa-pasahan na ng taga-phase four."
"Nainis ako...nagalit...sa sinabi niya tungkol sa akin...kaya...sinumbatan ko siya na...akala mo ba hindi ko alam na nakita kitang lumabas ng bahay ni Sunshine bago siya makitang patay?" ang pagpapatuloy ni Maricel at nang marinig niya ang sinabi iyun ni Maricel ay hindi niya napigilan na sandaling mahigpit na pumikit ang kaniyang mga mata.
Hindi niya masisisi si Maricel, bugso kasi iyun ng emosyon nito nang dahil sa pang-iinsultong natanggap mula kay Nate.
"Anong naging reaction niya? Sinabuyan ka ba niya agad ng asido?" ang tanong niya. At doon ay umiling naman ito.
"Hindi...natigilan siya, napaatras ang kaniyang dibdib at ulo at napansin ko na natakot siya...at...natuwa ako na natakot ko siya...at saka niya pinatakbo ang kaniyang motorsiklo at pinaharurot niya...sinigawan ko pa siya na...akala ko ba ang tapang mo!" ang pagkukuwento ni Maricel at muli itong lumuha. Dahil sa ang naging mitsa iyun kung bakit ito naroon ngayon sa loob ng hospital.
BINABASA MO ANG
DIAMOND KNOT Detective Atlas Carberry book 2 (completed)
Mystery / ThrillerFeeling humiliated from his previous case that almost lead to a terror attack. Detective Atlas Carberry decided to return his badge and resign his detective position and leave the police force. For him his lack of judgment almost failed him to see t...