Chapter 11: Ang Mga Tanong na Walang Sagot

1 0 0
                                    

Amara's POV

Nang makabalik kami sa akademya, ramdam ko ang bigat ng lahat ng katanungang umiikot sa aking isipan. Ano ba talaga ang dahilan ng aming pagtitipon dito? Hindi maalis sa aking isipan ang sinabi ni Maeve kanina, na hindi basta-basta pinagsasama-sama ang mga tagapagmana mula sa iba’t ibang kaharian. Lalo na’t lahat kami ay may espesyal na kapangyarihan.

Nasa loob kami ngayon ng isang bagong silid na hindi pa namin nakikita. Ito ay parang isang silid-aralan ngunit puno ng mga kakaibang gamit—mga kristal na lumulutang, mga libro na tila lumilipad mula sa estante, at isang napakalaking mapa sa gitna ng silid na kumikislap-kislap. Sa bawat paggalaw ng liwanag, nag-iiba ang mga imahe sa mapa—nagpapakita ng iba't ibang bahagi ng mga kaharian.

“Welcome sa susunod na leksyon,” sabi ni Professor Elysia, tumayo sa harap ng mapa. “Ang pag-aaral ng mga sinaunang lihim ng ating mga kaharian at kung paano ito maiuugnay sa inyong mga tungkulin bilang mga tagapagmana ng trono.”

Napatingin ako sa paligid. Ang lahat ay tila naguguluhan sa biglaang pagbubukas ng isang bagong paksa. Sina Wyatt at Vaughn ay seryoso pa rin, nakatutok sa mapa, habang si Yukiro ay may pasimpleng pabulong kay Akiro, na nag-aayos ng kanyang atensyon kay Professor Elysia.

“Bakit mahalaga ang mga sinaunang lihim na ito?” tanong ni Princess Harper mula sa likuran. “Ano ang koneksyon nito sa amin?”

Tumikhim si Professor Elysia, tila handa na sa tanong na iyon. “Ang bawat kaharian ay may tagong kasaysayan na hindi naibabahagi sa karaniwang mamamayan. Ngunit bilang mga tagapagmana, kailangan ninyong malaman ang mga lihim na ito. Dahil sa inyo, nakasalalay ang hinaharap ng bawat kaharian.”

Hindi ko maiwasang kabahan sa sinabi niya. Lihim? Paano kung ang mga lihim na iyon ay magdulot ng mas malaking problema kaysa sa maayos na solusyon?

Si Princess Xanthe Faith Houston, na madalas tahimik sa mga ganitong usapan, ay biglang nagsalita. “May narinig ako tungkol sa mga sinaunang tagapag-ingat ng lihim ng aming kaharian. May kinalaman ba sila rito?”

Ngumiti si Professor Elysia. “Magaling, Xanthe. Tama ka. Ang mga tagapag-ingat ng bawat kaharian ay may mahalagang papel sa mga lihim na itinuturo ko. Ngunit hindi lamang sila. Sa bawat isa sa inyo, nakapaloob ang kapangyarihang kayang buksan at alamin ang mga lihim na ito. Hindi basta-basta ibinibigay ang karunungan sa kahit kanino lamang. Kailangan ninyong patunayan ang inyong sarili.”

Napatingin ako kay Presley, na tila seryosong nag-iisip tungkol sa mga salitang binitiwan ng aming guro. “Kung ganun,” bulong niya, “kailangan nating tuklasin ang sarili nating mga kaharian para malaman ang mga lihim na iyon.

“Mukhang ganun nga,” sagot ko. “Ngunit paano natin malalaman kung saan magsisimula?”

Biglang lumiwanag ang mapa sa gitna ng silid. Ang mga imahe ng bawat kaharian—Twilight Sand, Tidesworn, Lunaria, Radiant Light, at iba pa—ay sumilay, bawat isa ay may iba’t ibang kislap ng liwanag.

“Ang bawat kaharian,” sabi ni Professor Elysia habang itinuturo ang mapa, “Ay may isang partikular na lokasyon kung saan nakatago ang kanilang lihim. Ngunit hindi ninyo ito makikita nang basta-basta. Kailangan ninyo munang magkaisa bilang isang grupo. Ang bawat lihim ay nakakandado, at tanging ang kapangyarihan ng pagtutulungan ang makakapagbukas nito.”

Tumayo si Prince Everett Kylo Zhang at nagsalita, ang boses niya ay puno ng tiwala. “Kung kailangan naming magtulungan, paano natin mapapanatili ang pagkakaisa kung marami sa amin ang may sariling paraan ng pamumuno?

Lahat kami ay napatingin kay Wyatt at Vaughn. Alam ng lahat na sa grupo, sila ang pinakama-estrikto at malamig, at tila may mga sariling intensyon. Si Prince Wyatt, sa kanyang usual na malamig na anyo, ay tumingin kay Everett. “Hindi ito tungkol sa pamumuno. Ang mahalaga ay maabot natin ang layunin, hindi ang kung sino ang mas may kontrol.”

Nagkasalubong ang tingin namin ni Presley. Alam naming tama si Wyatt, ngunit hindi sapat iyon. Ang tiwala ay isang bagay na hindi basta nakukuha.

Matapos ang leksyon, umalis kami sa silid na may higit pang mga tanong kaysa sa sagot. Naglakad kami ni Presley pabalik sa aming mga silid, parehas na puno ng katanungan sa aming isipan. Ang mga lihim ng bawat kaharian, ang papel namin bilang mga tagapagmana—lahat ng ito ay tila napakahirap intindihin sa ngayon.

“Hindi ba’t nakakatakot isipin na nakasalalay sa atin ang lahat ng ito?” tanong ko kay Presley habang naglalakad kami sa pasilyo.

“Oo, pero kailangan nating harapin ito, Amara. Isa itong tungkulin na hindi natin matatakasan.” sagot niya, may halong tapang ang kanyang boses.

Tumingin ako sa kanya at huminga nang malalim. Alam ko, kahit anong mangyari, nandiyan si Presley para sa akin. Siya ang aking matalik na kaibigan, at sa kanya ko nararamdaman ang buong tiwala. Ngunit para sa iba? Hindi ko pa sigurado.

Sa loob ng aking silid, naupo ako sa tabi ng bintana, pinagmamasdan ang mga bituin sa kalangitan. Isang malalim na buntong-hininga ang aking pinakawalan. Hindi ko maiwasang magtanong: Ano ba talaga ang mga lihim na ito? At paano namin malalaman kung sino ang makakabuo ng pagtitiwala para buksan ang mga ito?

“Bukas,” bulong ko sa sarili ko, “Bukas, magsisimula akong magtanong ng mas malalim. Kailangan kong malaman.”

 THE ROYAL OF SHINE ACADEMY   Where stories live. Discover now