SAYZIA'S POV
_________
Tahimik ang paligid habang nakatayo kami sa harap ng abandonadong gusali. Hindi man ito ang in-expect ko na pupuntahan namin ay kinakabahan pa rin ako. Ramdam ko ang bigat sa hangin, parang may nakaabang, parang may matang nakamasid sa amin mula sa taas, mula sa mga basag na bintana.
Apat na palapag ang gusali, ngunit mula pa lang sa labas, parang hindi na ito kayang bilangin ng isip ko. Ang pader ay bitak-bitak, nababalutan ng itim na amag at makapal na lumot. May mga parte na tila natuklap na ang pintura, parang balat na pilit hinuhubad. Ang mga bintana ay basag, tila mga matang walang laman na nakatitig sa amin, walang emosyon, pero puno ng galit.
Ang pinto sa harap ay nakasabit na lamang sa isang kalawangin nitong bisagra, umiiyak sa bawat galaw ng hangin. Nakakakilabot talaga, lalo na kapag bago ka pa lang sa gawaing ito.
"Asan ba tayo, Nicko? Ang sabi mo kanina haunted house lang pero building naman 'tong pinuntahan natin." Reklamo ni Saphira habang yakap ang sarili.
"Hindi ka lang talaga nakikinig. Paulit-ulit ko nang sinasabi na hindi nga bahay ang pupuntahan natin kundi isang building." Inis na sagot ni Nicko.
Napakurap ako. Same lang kami ni Saphira, ang akala ko rin ay bahay. Wala man lang nagsabi ng detalye sa akin kanina. O baka sinabi nila... pero di ko lang masyadong narinig dahil masyadong okupado ang isip ko.
"Wala kang sinasabi-"
"Meron, di ka lang talaga nakikinig." Sabi ni Nicko, halata na ang inis sa boses.
"Ano ba, tama na 'yan." Saway ni Aurora, pilit pinapakalma ang dalawa. Ilang minutong katahimikan ang namayani sa amin. Hindi naman awkward. Natahimik lang kami dahil naging busy sila sa mga gamit na gagamitin namin sa panggo-ghost hunt.
"Dito raw maraming nagpaparamdam," sabi ni Gavin. Pilit niyang pinatatatag ang boses, pero nanginginig ang kamay niyang may hawak na flashlight. Nanginginig din ang ilaw, parang buhay.
"Chill, bro. Takot ka naman na agad, di pa nga tayo nakakapasok sa loob." Pang-aasar ni Nicko at tinapat pa ang hawak ng camera sa mukha ni Gavin.
"Ulol! Hindi ako duwag no." Sabi ni Gavin bago sinipa si Nicko sa binti.
"Dala n'yo na ba lahat? Camera, flashlight, yung mga gadgets natin?" tanong ni Linus. Para bang sanay na sanay siya sa ganito. Walang kaba, walang manlang kahit anong alinlangan.
Tumingin siya sa akin. Blangko. Walang kahit anong emosyon.
"Kung natatakot ka, 'wag ka na lang sumama." Sabi niya sabay iwas ng tingin. Hindi man niya binanggit ang pangalan ko, alam kong ako ang tinutukoy niya.
"Sasama ako." Maiksi lang ang sagot ko. Hindi ko alam kung kanino ko pinatutunayan sa kanila o sa sarili ko. Sumunod ako kila Aurora na kanina pa pala naglalakad papasok ng gusali.
Pagpasok namin, sinalubong kami ng amoy ng bulok na kahoy at makakapal na alikabok. May halo ring amoy ng sunog, parang abo na hindi kailanman nawala. Ang sahig ay nagngangalit sa bawat hakbang namin, parang ano mang oras ay magko-collapse ang tinatapakan namin.
May mga sirang upuan at mesa na tila nagkalat nang walang direksyon. Ang ilan ay nakapatong sa isa't isa, halatang sinadyang gawin. Sa mga pader, may mga nakasulat na salita, mga pangalan, simbolo, sumpa, dasal.
Pero may isang salita na nakapukaw sa atensyon ko. Paulit-ulit ko itong nakikita sa bawat pader na nadadanan namin.
'Hermes'
Nakasulat sa itim, minsan pula, minsan parang kinaskas gamit ang kuko.
Bigla akong kinilabutan. Parang may humigpit sa dibdib ko. Napansin ni Aurora na natigilan ako kaya sinundan niya ang tingin ko. Napakunot ang noo niya.
BINABASA MO ANG
Ophelia Libano's Curse (COMPLETED)
HorrorPART I ...... Every All Souls' Day, Filipinos observe a long-standing tradition of visiting cemeteries to remember and honor loved ones who have passed away. Some families even choose to stay overnight, sleeping beside the graves, because it is ofte...
