APPLICANT #2: ALONA'S TEARS
"Bilisan mo, Alona! Mahuhuli na nila tayo!"
"Sandali lang. Puwede bang magpahinga muna tayo? Napapagod na kasi ako e."
"Habulin sila! Andun sila!"
Ipinagpatuloy nina Alona at Achilles ang pagtakbo. Hinahabol sila ng mga pangkat ng taong lobo. Nag-aanyong isang tao at isang lobo sila. Ang kanilang pakay - si Alona.
Si Alona ay anak ng isang diwata at mortal. Subalit, wala siyang kakayahang ilabas ang kapangyarihang mayroon siya. Lumaki siya sa mundo ng mga tao. At ang tanging taong masasandalan niya sa mundong kinalakihan niya ang binatang si Achilles.
Bagamat, alam ni Achilles na may kakaiba kay Alona, hindi niya ito iniwanan. Nang malaman ni Achilles na ang kanyang amain ang gustong pumatay sa kaisa-isang babaeng mahalaga sa kanya, hindi nagdalawang-isip si Achilles na siya'y ilayo sa panganib.
"Tama na, Achilles. Hindi ko na kaya. Iwan mo na lang ako rito. Makakasagabal lang ako sa iyong pagtakas," habol-habol ni Alona ang kanyang hininga habang nagsasalita kay Achilles.
"Hindi! Hindi kita iiwan. Handa kong ialay ang aking buhay... para sa iyo dahil... mahal kita. Mahal kita, Alona," naibulalas na ni Achilles ang kanyang tunay na damdamin kay Alona. Hindi naman nakaimik si Alona. Tinitigan niya lang si Achilles.
"Kahit anong mangyari, asahan mong nandito lang ako. Kahit wala akong kapangyarihan katulad ng mga humahabol sa atin, ipagtatanggol kita, Alona," dagdag pa ni Achilles.
"Natagpuan ko rin kayo," wika ng isang tinig. Lumingon sila Alona at Achilles. Si Conrado ang nagsalita.
"Ama," sambit ni Achilles.
"Hindi kita anak! Isa kang mortal. Iniwan ka lamang labas ng pintuan ng aming bahay. Wala akong dugong nananalaytay sa iyo dahil wala kang kapangyarihan. At ang babaeng 'yan ang kailangan ko dahil may kapangyarihan siyang taglay kagaya ng kanyang inang diwatang pinaslang ko... noon,"saad ni Conrado. Matalim ang titig nito kina Achilles at Alona.
"Hindi mo magagalaw si Alona! Magkakamatayan muna tayo!" Dinampot ni Achilles ang espadang hawak niya kahit wala siyang alam kung paano gamitin ito.
"Ha-ha. Nagpapatawa ka ba? Paano mo kami malalabanan kung hindi ka marunong sa pakikipaglaban? Mga taong lobo, lapain niyo ang lalaking iyan. Huwag ninyong gagalawin si Alona. Akin lang siya!" Agad na sumugod ang isang mabangis at may matatalim na ngiping itim na lobo.
Iminuwestro naman ni Achilles ang espada. Pumagitna siya kay Alona. Nanatili namang nakatingin lang si Alona. Hindi alam ang gagawin. Kung totoo mang may kapangyarihan siya, kanina pa niya dapat nagamit iyon, pero sadyang wala.
"Aaaaahhhh!" Daing ni Achilles. Natumba siya sa harapan ni Alona. Nakagat siya sa kanang braso.
"Tama na, Achilles. Mamamatay ka. Susuko na lang ako," pagmamakaawa ni Alona. Sa halip na sumang-ayon, iwinaksi ni Achilles ang kamay ni Alona. Isang matalim na titig ang ipinukol sa kanya. Dahan-dahan siyang tumayo habang inaalalayan ng kanyang kaliwang kamay ang kanang brasong sugatan. Muli ay nagsalita si Achilles.
"Tandaan mo, Alona, itataya ko ang aking buhay. Sana... sana mailabas mo ang kapangyarihang mayroon ka upang proteksyunan ang iyong sarili. Mahal na mahal kita, Alona," luhaang wika ni Achilles.
Bago pa man lingunin ni Achilles ang kanyang kalaban, isang matulis na bagay ang tumusok sa likuran niya, sa kanyang dibdib. Tumagos iyon sa kanyang puso. Bumulwak ang dugo sa bibig ni Achilles. Tinangkang pigilan ni Alona ang sumisirit na dugo sa dibdib ni Achilles, pero huli na ang lahat. Walang buhay na napayakap si Achilles kay Alona.
Inihiga niya sa kanyang mga hita ang ulo ni Achilles. Doon na rin nagsipatakan ang mga luha ni Alona. Kulay puting hugis diamante ang mga iyon. Nagulat si Conrad at ang ibang mga taong lobo sa kanilang nasaksihan.
Humahagulgol pa rin habang nakapikit ang mga mata si Alona nang mga oras na iyon. Ang mga puting kristal at hugis diyamanteng mga luha ay pumailanlang at umikot-ikot kay Alona. Ilang saglit pa, sumigaw si Alona nang pagkalakas. Biglang nahati ang mga diyamenteng nakapalibot sa kanya. Iniangat siya ng mga ito.
Isang nakasisilaw na liwanag ang bumulaga sa buong kagubatan. Ilang saglit pa, lumiit ang liwanag na kayang tingnan ng mga mata. Nasa ere pa rin si Alona. Nakapikit ang mata, ngunit ang kasuota'y kulay asul. Ang kanyang mahahabang buhok ay naging kulay ginto na may suot na korona sa ulo.
"Sugurin niyo na siya habang hindi pa nagigising!" Utos ni Conrad. Isa-isang tumalon ang mga ito bilang mga mababangis na lobo. Ngunit, parang bola lang silang tumalbog pabalik sa lupa.
Isang hugis diyamante ang harang na nakapaligid kay Alona. Sa lakas ng impact nito ay nagising si Alona. Kulay pula at asul ang magkabilang mata niya. Isang pulang nagpapahiwatig ng galit at paghihiganti mula sa kanyang kanang mata at kulay asul na nangangahulugan ng pagtangis, kalungkutan, at pag-asa naman ang kahulugan ng kulay sa kaliwa niyang mata.
"Pagbabayaran mo, Conrad ang pagpatay sa aking ina pati na rin kay Achilles. Isinusumpa kong lilipulin ko kayong lahat, ngayon!" Ikinumpas ni Alona ang kanyang kanang kamay, saglit na pumikit at lumabas sa kanyang mga palad ang kulay pulang diyamanteng hugis maliliit na espada at pinatamaan ang bawat taong lobong nakatingin sa kanya.
Tigalgal naman si Conrad at hindi nakapagsalita. Nanggagalaiti sa galit ang kanyang mukha. At nagpalit ng anyo bilang isa sa pinakamalaking itim na lobo.
"Kung nagawa mong paslangin ang kasamahan ko, hindi ang isang katulad ko!" Banta ni Conrad sa anyong lobo. Hindi naman natinag si Alona. Nang akmang tatalon si Conrad papunta sa kanya, dalawang kamay na niya ang ikinumpas. Lumabas ang dalawang espadang diyamante at tumalon din siya. Nang magpang-abot, buong lakas niyang itinarak ang espada sa leeg at dibdib ni Conrad.
Nanatiling nasa ere si Alona habang pinagmamasdang bumabagsak sa lupa ang naging taong katawan ni Conrad. Natapos ang labanan. Binalingan ni Alona si Achilles. Naging kulay asul na ang dalawa niyang mata at doon ay pumatak ang luha sa dalawang mata niya patungo sa bibig ni Achilles.
Lumiwanag ang katawan ni Achilles at dumilat ang kanyang mata. Agad na hinagkan ni Alona si Achilles.
"Mahal na mahal din kita, Achilles. Huwag mo akong iiwan ha?"
Niyakap rin nang buong higpit ni Achilles si Alona.
BINABASA MO ANG
PHASE 0: AUDITIONS
KurzgeschichtenLITERARY OUTBREAK: FIGHT OR DIE ONE SHOT WRITING CONTEST (SEASON 2) Phase 0: Auditions